Sa kabila ng mga banta na muli siyang sisirain kung hindi mananahimik, sinabi ni dating senadora Leila de Lima na gagawin niya ang lahat para panagutin si dating pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng mga kasalanan nito sa kanya at sa mga napatay sa madugong war on drugs.
“He should stop threatening me and he must know by now that I am beyond being threatened by him. Pinatunayan ko na po iyan,” diin ni De Lima sa one-on-one interview ni senior editor Tress Martelino-Reyes sa Tres from Tress podcast ng VERA Files noong Miyerkules, Hulyo 3.
Sa rally sa Tacloban City noong June 30, sinabi ni Duterte na “hindi ako jailer” ni De Lima at pinayuhan pa ang dating senadora na magsawalang-kibo na lamang matapos itong mapawalang-sala sa ikatlong kaso noong Hunyo 24.
Halos pitong taon nakulong si De Lima habang nililitis ang tatlong kaso kung saan isinangkot siya sa illegal drug trading sa New Bilibid Prison.
“Wag kang sumobra kasi pag lumabas ‘yon ulit, lalo ka lang babaon. Do not tempt the Gods. Find your peace, where you are now. ‘Wag kang kumalikot ng away kasi pagsisihan mo yan,” hirit ni Duterte, habang tila ipinahihiwatig ang binabanggit niya noong sex video umano ni De Lima.
Sa kanyang sariling payo kay Duterte, binalikan ni De Lima ang dating pangulo at sinabihang tumigil na sa pananakot at pagbabanta sa kanya. “Tinatakot na naman niya ako na alam naman niya na hindi ako takot sa kanya. Alam niya ‘yun. Alam ko duwag siya,” sabi ng dating senadora.
Naniniwala si De Lima na matitigil lamang si Duterte kung mapananagot sa kanyang mga kasalanan. Malinaw daw na walang pinagsisisihan ang dating pangulo sa lahat ng mga kamalian at krimen umano na ginawa nito.
“Remorseless…The brazen impunity, impunity in his language, impunity in his attitude. Kaya kailangan talaga mapanagot na siya du’n sa mga kasalanan niya. Hindi lang ‘yung sa akin, lalo na ‘yung mga nahandu’n, ‘yung mga pinatay niya. Kaya nga importante ‘yung ICC (International Criminal Court),” paliwanag ni De Lima.
Ayon kay de Lima, kasalukuyan siyang tumutulong sa ginagawang imbestigasyon ng ICC sa madugong drug war ni Duterte. Umapela rin ang dating senadora sa administrasyong Marcos na makipagtulungan sa ICC.
“They must cooperate. We’ve been saying that, kung ano-ano pa ‘yung mga nagiging excuse nila like alleged lack of jurisdiction na hindi naman totoo. Kahit nga withdraw, hindi ibig sabihin hindi na pwedeng mag-imbestiga ‘yung ICC,” dagdag ni de Lima.
Ilang buwan pagkatapos ng termino ni Duterte, pinayagang magpiyansa at nakalabas ng kulungan si De Lima noong Nobyembre 2023 nang ibasura ng korte ang pangalawa sa tatlong kasong ibinato sa kanya. Walang napatunayan sa mga akusasyon at naglaho na lang ang napabalitang sex video ng dating senadora.
“Siya ang may pakana nito dahil nga sa tindi ng galit niya. Binabalikan niya lang ako….They deprived me of more than six years of my life and most of my term as a senator….,” sabi ni De Lima.