May video sa Facebook (FB) at TikTok na ipinalalabas na maraming nag-rally para suportahan ang pamilyang Duterte. Hindi ito totoo. Ang video ay kuha nang bumisita si Pope Francis sa East Timor noong Sept. 9 hanggang 11.
Ang mga video na in-upload noong Sept. 13 ay inedit para magtunog na isinisigaw ng mga tao ang “Duterte!” habang naglalakad. May caption ito na:
“TUMAYO MGA BALAHIBO KO NGAUN LANG.ANG MULA NOON LALONG DUMAMI KACING DAMI NG BUHANGIN WOW!NAKAKATABA NG PUSO GRAVINAKAKAIYAK MALULA KA SA SAYA??WALA NG TATALO PA.DUTERTES SUPPORTERS????.HINDI BINALITA NG MGA BAYARANG MAINSTREAM MEDIA.”
Ang mga video ay ipinakalat apat na araw matapos dumating ang Santo Papa sa East Timor bilang parte ng paglilibot niya sa timog-silangang Asya.
Ang nasa video ay mga debotong pauwi matapos mag-misa ng Papa noong Sept. 10 sa Esplanade ng Tasi Tolu sa Dili, ang capital ng East Timor.
Hinanap ng VERA Files ang video sa internet gamit ang reverse image search, at nadiskubreng may mga kopya ito na mas naunang in-upload noong Sept. 11 sa FB at YouTube. Sa mga totoong video ay walang sumisigaw ng “Duterte!”
Nahanap din ng VERA Files ang tatlong pang video (ito, ito, at ito) at ilang picture (ito at ito) kuha sa parehong anggulo, na in-upload noong Sept. 11 at 12.
Malinaw na ipinakikita ng mga video ang dalawang poster na may picture ni Pope Francis sa kalsada kung saan nagtipon ang mga tao.
Ayon sa caption ng nag-upload ng mga picture, nasa Rai Kotu siya noong kinuhanan niya ito.
Hinanap ng VERA Files ang Rai Kotu sa Google Maps. Sa pagkukumpara ng mga building sa video at Google Street View, nakumpirma ng VERA Files na naglalakad ang mga tao sa video sa Avenida Presidente Nicolau Lobato.
Ang inedit na video ay may higit 82,180 interactions sa Facebook. Ang kopya nito sa TikTok ay may higit 19,050 interactions.