Skip to content
post thumbnail

FACT CHECK: Jay Sonza mali tungkol sa hatol kanila France Castro, Satur Ocampo

WHAT WAS CLAIMED

Sina Rep. France Castro ng ACT Teachers Party-list at dating kinatawan na si Satur Ocampo ng Bayan Muna ay hinatulan ng kidnapping at sinentensiyahan ng walong taong pagkakakulong.

OUR VERDICT

Hindi totoo:

Hinatulan ng isang Regional Trial Court sa Tagum City, Davao Del Norte sina Castro at Ocampo ng apat hanggang anim na taong pagkakakulong dahil sa paglagay sa panganib ng buhay ng mga menor de edad.

By VERA Files

Jul 22, 2024

3-minute read

Translate

ifcn badge

Share This Article

:

Hinatulan ng Tagum City Regional Trial Court (RTC) sina Rep. France Castro ng ACT Teachers Party-list at dating kinatawan na si Satur Ocampo ng Bayan Muna dahil sa paglalagay sa panganib ng buhay ng mga menor de edad, hindi kidnapping gaya ng pahayag ng dating broadcaster na si Jay Sonza.

PAHAYAG

Sa isang Facebook post noong Hulyo 14 na may mugshots nina Castro at Ocampo noong 2018, sinulat ni Sonza:

“GUILTY AS CHARGED

Kidnapping = 8 years imprisonment

“(NAGKASALA BATAY SA AKUSASYON

Pagkidnap = 8 taong pagkakakulong)

Napatunayan sa hukumang ito (RTC, Tagum City, Davao Del Norte) na si Cong. FRANCE CASTRO ng Alliance of Concern (sic) Teachers Partylist at Cong. SATUR OCAMPO ng Bayan Muna Partylist ay nagkasala sa salang sapilitang pagtangay (kidnapping) ng mga batang katutubo.”

Ang post ni Sonza ay umani ng 3,100 na reactions at 436 shares noong Hulyo 20.

ANG KATOTOHANAN

Habang sina Castro at Ocampo ay unang sinampahan ng kasong kidnapping noong 2018, hinatulan sila ng Tagum RTC Branch 2 at 11 iba pa na nagkasala dahil sa paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act No. 7610, na sumasaklaw sa “acts of child abuse, neglect or exploitation.”

Hinatulan sila ng korte ng apat hanggang anim na taong pagkakakulong.

VERA FILES FACT CHECK - ANG TOTOO: HINDI TOTOO ang pahayag ni dating brodkaster Jay Sonza na nasentensiyahan ng walong taong pagkakakulong sina France Castro at Satur Ocampo sa salang kidnapping. Sila ay hinatulan lamang ng apat hanggang anim na taong pagkakakulong dahil nailagay nila umano sa panganib ang buhay ng ilang mag-aaral na Lumad.

Nag-ugat ang kaso sa isang insidente noong Nob. 28, 2018 nang ihatid ng grupo nina Castro at Ocampo ang hindi bababa sa 14 na Lumad na estudyante ng mga paaralang Salugpongan sa Talaingod, Davao Del Norte.

Ayon sa korte, inilantad ng grupo ang seguridad ng mga menor de edad sa panganib nang pinalakad nito ang mga bata ng halos tatlong oras sa dilim.

“Ang kalsada mula Sitio Dulyan hanggang Sitio Butay, na dinaanan ng mga akusado at mga bata sa gabi, ay liblib, madilim, malayo at mapanganib,” binanggit sa bahagi ng desisyon ng korte.

Idinagdag nito na walang nakasulat na pahintulot mula sa mga magulang ng mga bata o mula sa mga kinatawan na nagpapatupad ng batas o mga ahensya ng gobyerno na naroroon sa panahon ng pagkilos.

Sa magkasanib na pahayag noong Hulyo 15, inilarawan nina Castro at Ocampo ang hatol bilang “hindi katanggap-tanggap at hindi makatarungan,” sinabing binalewala ng korte ang mga testimonya tungkol sa mga kaso ng harassment na nararanasan ng mga paaralang Lumad mula sa mga pwersang militar at paramilitar.

Ilang araw matapos ang insidente noong Nobyembre 2018, sinabi ni Castro sa isang privilege speech sa House of Representatives na kanilang nailigtas ang mga menor de edad matapos makatanggap ng “emergency” na tawag mula sa mga guro at estudyante ng Salugpongan.

Sinuspinde ng Department of Education ang hindi bababa sa 55 na paaralan ng Salugpongan noong Hulyo 2019 dahil sa umano’y ugnayan sa mga makakaliwang grupo. Pagkalipas ng tatlong buwan, ang mga paaralang ito ay permanenteng isinarado.

Sa panayam noong Hulyo 16 sa ABS-CBN News Channel, sinabi ni Castro na plano nilang hamunin ang desisyon sa pamamagitan ng paghahain ng motion for reconsideration o petisyon sa Court of Appeals.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.