Skip to content

Try

post thumbnail

FACT CHECK: “Malinis” na record at “pinakamataas” na audit rating kay VP Sara, KAILANGAN NG KONTEKSTO

WHAT WAS CLAIMED

May malinis na audit record ang Office of the Vice President at nakatanggap si Vice President Sara Duterte ng “pinakamataas” na rating galing sa Commission on Audit.

OUR VERDICT

Needs Context:

Totoong nakatanggap ang OVP ng “unmodified opinion” galing sa COA mula 2022 hanggang 2024. Pero nilinaw ng COA na hindi ibig sabihin nito ay wala silang nakitang anomalya habang ino-audit ang opisina ni VP Sara o na wala nang iba pang anomalya rito hanggang sa dulo ng taon.

By VERA Files

Mar 27, 2026

2-minute read
ifcn badgemeta badge

Share This Article

:

May pinakakalat na mga Facebook post na nagsasabing may malinis na audit record ang Office of the Vice President at nakatanggap si Vice President Sara Duterte ng “pinakamataas” na rating galing sa Commission on Audit. Kailangan nito ng konteksto.

Unang nai-post noong March 20 ang Facebook status na nagsasabing:

“Lumabas na ang COA audit ng OVP very clear and clean ang record ni VP inday, and for the first time in history na ang VP ang may pinakamataas na audit sa COA, ibig sabihin kahit peso walang ninakaw ang ating VP Sara.”

Kinabukasan ay nagsilabasan ang iba pang mga post, kasama ang isang video, na pareho rin ang sinasabi.

Totoong nakatanggap ang OVP ng “unmodified opinion” galing sa COA mula 2022 hanggang 2024. Pero nilinaw ng COA na hindi ibig sabihin nito ay wala silang nakitang anomalya habang ino-audit ang opisina ni VP Sara o na wala nang iba pang anomalya rito hanggang sa dulo ng taon.

Sinabi rin ng COA na ang audit nila ay hindi patunay na sumunod ang opisina ni VP Sara sa lahat ng mga batas at patakaran, o na epektibong nagamit ang mga pondo para sa mga programa at proyekto.

May ilang natuklasan ang COA sa opisina ni VP Sara:

  • 3.4 milyong pisong pondong pangkabuhayan, na nilabas nang walang papeles ng kasunduan sa kasamang mga ahensiya
  • Huli nang pagdokumento sa pagbisita sa 11 lang sa 83 na benepisyaryo
  • Mga pagkakamali sa papeles ng 110 milyong pisong halaga ng mga produktong pang-kawanggawa
  • Maling pagkalista sa mga donasyong “laptop” sa halip na photocopying machine

Opisyal ding nilinaw ng COA na hindi puntos o ranggo ang audit rating nila, kundi teknikal na pag-iimbestiga sa mga gastos ng isang ahensiya. “Unmodified opinion” ang resultang inaasahan sa lahat ng ino-audit sa gobyerno. Nararapat lang ito kaya hindi dapat tinuturing na kakaiba.

Hindi rin totoong unang beses sa kasaysayan ang unmodified opinion sa opisina ni VP Sara. Unmodified opinion din ang COA rating sa opisina noon ni dating vice president Leni Robredo.

Ang mga post ay lumitaw ilang araw pagtapos magpasa ni VP Sara ng “answer ad cautelam” sa House Committee on Justice noong March 16. Ibig sabihin ay nagpasa siya ng sagot sa House habang kinukuwestiyon pa rin ang legalidad ng bagong impeachment complaint laban sa kanya.

Ang post na ini-upload ng Kiko Barzaga Fans (ginawa noong Sep. 13, 2025) at iba pang FB users ay may pinagsamang lagpas 255,000 reactions, 22,000 comments at 18,000 shares.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.