Magkakasalungat ang pahayag noong Agosto 7 ng mga opisyal ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) tungkol sa bilang ng mga bahay na itatayo sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) program. Sinabi nila na 1.2 milyon hanggang 3.2 milyong housing units ang matatapos sa 2028.
Ang mga bilang na ito ay hindi naaayon sa ipinangakong target ng departamento na anim na milyon, noong inilunsad ang programa noong 2022, at kalaunan ay ginawang 5.5 milyon at bumaba pa sa tatlong milyon noong Hulyo.
PAHAYAG
Sa isang press briefing sa Malacanang, sinabi ni Housing Undersecretary Avelino Tolentino III:
“We have in the pipeline up to 52 projects, and this will bring us up to 1.2 million housing projects that are already in the pipeline. We are also projecting up to 3.2 million housing units, but ‘yun nga po (that’s the case), those numbers will be crunched (…)”
(“Mayroon kaming nasa pipeline hanggang 52 projects, at ito ay magdadala sa amin ng hanggang 1.2 milyong mga proyektong pabahay na nasa pipeline na. Nagbabalak tayo ng hanggang 3.2 milyong pabahay, pero ‘yun nga po, ang mga numerong iyon ay pagsasamasamahin (…)”)
Pinagmulan: RTV Malacañang official YouTube Page, PCO Press Briefing with DHSUD 8/07/2024, Agosto 7, 2024, panoorin mula 6:06 hanggang 6:24
Gayunpaman, sinabi ni Undersecretary Garry De Guzman na ang 3.2 milyon na target ay depende sa magagamit na pondo. Ang aktwal na target, ayon sa kanya, ay 1.2 milyong bahay.
Sinabi niya:
“As of now, we are targeting 1.2 million by 2028 completed units, but we also have a target of 3.2 million by 2028, depending on the result of the subsidy, the guarantee and the capacity of government to provide the subsidy. We will first deliver the 1.2 million up to 2028, and then when there is an increase in the capacity of government, then we will scale it up, then hopefully we will achieve the 3.2 million.”
(“Sa ngayon, target natin ang 1.2 milyong kumpletong pabahay pagdating ng 2028, pero meron din tayong target na 3.2 million sa 2028, depende sa resulta ng subsidy, garantiya at kapasidad ng gobyerno na magbigay ng subsidy. Ide-deliver muna natin yung 1.2 milyon hanggang 2028, tapos kapag tumaas na yung kapasidad ng gobyerno, saka natin itataas, tapos sana magawa natin yung 3.2 milyon.”)
Pinagmulan: panoorin mula 12:25 hanggang 13:03
ANG KATOTOHANAN
Ang bagong target na magtayo ng 1.2 milyon hanggang 3.2 milyong housing units pagdating ng 2028 ay hindi naaayon sa mga dating target na ibinigay ng DHSUD mula nang ilunsad ang 4PH noong Setyembre 2022.
Ayon sa ulat ng Commission on Audit sa Housing department noong 2023, target ng ahensya na magtayo ng isang milyong yunit taun-taon mula sa paglulunsad ng programa hanggang 2028 upang matugunan ang tinatayang 6.8 milyong backlog ng pabahay sa bansa.
Ngunit sa pagdinig ng Senado noong Oktubre 2022 sa 2023 budget ng DHSUD, inamin ni Housing Secretary Jose Rizalino Acuzar na ang taunang target ng ahensya ay mahirap magawa sa aprubadong budget na P3.95 bilyon.
“Pagka one million houses, at the amount of P1 million per house, ang lalabas po na kailanganin ay … P1 trillion ang kailangan po for one million houses (…) With this idea po, ‘pag P36 billion ang hiningi natin [para sa DHSUD budget], ginamit po natin sa interest subsidy, makakasundo po tayo ng P1 trillion for one million houses, almost P1.2 trillion sa private sector, hindi po kakayanin ng gobyerno ang ganyang kalaking amount.”
(“Pagka isang milyong bahay, sa halagang P1 milyon kada bahay, ang lalabas po na kailanganin ay … P1 trilyon ang kailangan po para sa isang milyong bahay (…) Sa ideyang ito, ‘pag P36 bilyon ang hiningi natin [para sa DHSUD budget], ginamit po natin sa interest subsidy, makakasundo po tayo ng P1 trilyon para sa isang milyong mga bahay, halos P1.2 trilyon sa pribadong sektor, hindi po kakayanin ng gobyerno ang ganyang kalaking halaga.”)
Pinagmulan: Senate of the Philippines official YouTube Page, Committee on Finance – Subcommittee “H” (Oktubre 21, 2022), Okt. 21 2022, panoorin mula 57:47 hanggang 59:01
Makalipas ang halos isang taon, nananatili ang departamento sa target nito sa kabila ng mga alalahanin sa limitadong budget ng ahensya.
Binanggit ni Housing Undersecretary Emmanuel Pineda, sa isang deliberasyon ng Senado noong Setyembre 2023 sa 2024 budget ng departamento, ang humigit-kumulang 5.5 milyong nakumpletong yunit sa 2028. Ang 500,000 backlog units ay matatapos sa 2029, ayon sa kanya. Sinabi niya:
“Makikita po natin, every year meron pong target na ila-launch na nag-a-average ng 1 million per year. Nag-start po tayo sa 2023 na ang target po natin ay 500 [thousand], next year po 800 [thousand], then 1 million [from 2025] up to 2027, then 1.2 [million] by 2028, and meron pong natitirang another 500 [thousand] for 2029.”
(“Makikita po natin, kada taon meron pong target na ila-launch na nag-a-average ng 1 milyon bawat taon. Nag umpisa po tayo sa 2023 na ang target po natin ay 500 [libo], sumunod na taon po 800 [libo], tapos 1 milyon [mula 2025] hanggang 2027, pagkatapos 1.2 [milyon] pagdating ng 2028, at meron pong natitira isa pang 500 [libo] para sa 2029.”
Pinagmulan: Senate of the Philippines official YouTube Page, Committee on Finance [Subcommittee “H”] (Setyembre 25, 2023), Setyembre 25, 2023, panoorin mula 1:34:24 hanggang 1:34:55
Bago ang 2024 State of the Nation Address (SONA) ng pangulo noong Hulyo 22, ibinaba ng departamento ang target sa tatlong milyong housing units pagsapit ng 2028.
Sa isang panayam sa pre-SONA noong Hulyo 9 na umere sa Radyo Pilipinas, sinabi ni Acuzar:
“Three million [by the end of the administration]. Dati 6 million, ‘di pa natapos ang 3 million, eh. (…) Basta makuha ko ‘yung sovereign guarantee.”
(“Tatlong milyon [sa pagtatapos ng administrasyon]. Dati 6 milyon, ‘di pa natapos ang 3 milyon, eh. (…) Basta makuha ko ‘yung sovereign guarantee.”)
Pinagmulan: Radyo Pilipinas official Facebook Page, Pre SONA Special | Hulyo 9, 2024, panoorin mula 29:38 hanggang 30:00
Noong Agosto 6, inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang direktiba sa mga kinauukulang ahensya na ayusin ang mga end-of-term housing target “batay sa pangangailangan at demand,” alinsunod sa kanyang ipinahayag sa 2024 SONA na agresibong pag develop ng imprastraktura.
Check out these sources
Bongbong Marcos official Facebook Page, To ensure that the ??????????…, Aug. 6, 2024
Commission on Audit, Annual Audit Report on the Social Housing Finance Corporation For the Years Ended December 31, 2023 and 2022, Accessed Aug. 12, 2024
National Economic Development Authority, Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028, Accessed Aug. 8, 2024
Social Housing Finance Corporation, Financial Statements – December 31, 2023, Dec. 31, 2023
Social Housing Finance Corporation, SHFC turns over 200 housing units to Lucena community, Nov. 16, 2023