Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Peb. 14 ang batas na lumilikha ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), na naglalayong matugunan ang mga pagkaantala sa pagpapatupad ng mga programa sa pabahay ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagsasama ng mga umiiral na ahensya sa isang nasyonal na entidad ng pamahalaan.
Ang Republic Act 11201 ay ipinaalam sa publiko Peb. 19. Pinagsama ng batas ang Housing and Urban Development Coordinating Council at Housing and Land Use Regulatory Board.
Samantala, ang iba pang mga ahensya tulad ng National Housing Authority at ang Home Development Mutual Fund ay magsisilbing mga kalakip na ahensiya.
Inaasahan ang DHSUD na aalisin ang “mga sakit dala ng burukrasya” na humahadlang sa paghahatid ng mga programa sa pabahay na bunga ng pagkakahati-hati ng sektor ng pabahay. Sa nakaraan, mayroong hindi bababa sa pitong magkakaibang ahensya ng pabahay, na nagreresulta sa maraming transaksyon sa pagitan ng gobyerno sa pagkuha ng mga permit at lisensya.
Ang DHSUD ay isa lamang sa mga estratehiya ng pamahalaan upang tugunan ang tinatayang kakulangan ng 6.8 milyong yunit ng pabahay bansa sa pagdating ng 2022.
Ang mga target at panukala ay nakabalangkas sa Philippine Development Plan (PDP) 2017-2022. Inilista namin dito sa fact sheet ang ilan sa mga ito.
Mga target ng Pilipinas sa pabahay
Mula 2017 hanggang 2022, ang gobyerno ay nagnanais na magbigay ng direktang tulong sa pabahay sa higit na 1.56 milyong pamilya sa pamamagitan ng mga programa sa pabahay at financing.
Samantala, ang hindi direktang tulong sa pabahay, sa anyo ng mga socialized housing at pautang, bukod sa iba pa, ay ibubukas sa 1.58 milyong kabahayan.
Ang pagkuha ng lupa para sa mga pabahay at resettlement
Problema: Ang kakulangan ng angkop at abot-kayang lupain ay naging “pangmatagalan na problema” sa pabahay lalo na sa paglilipat ng mga pamilya ng mga informal settler na naninirahan sa mga danger zone, ayon sa PDP.
Noong 2011, may mga 1.5 milyong pamilya ng informal settler sa buong bansa, 39 porsiyento sa kanila ay nasa Metro Manila, kung saan ang kakayahan makakuha ng disente at abot-kayang mga bahay ay lalong naging mahirap dahil sa mabilis na urbanisasyon.
Samantala, sa kaso ng permanenteng pabahay para sa mga lugar na tinamaan ng Bagyong Yolanda, ang NHA ay nakatapos lamang ng may 29,000 mula sa mahigit na 205,000 target na mga yunit ng pabahay sa 2016.
Sinabi ng PDP na ang kakulangan na ito ay dahil sa kakapusan ng angkop na mga lugar bunga ng pagkaklasipika ng mga danger area o “no-build zone” at protektadong mga lugar, bukod sa iba pa.
Solusyon: Bukod sa pagmamay-ari ng lupa, sisimulan ng gobyerno ang paghahanap ng iba pang mga pamamaraan sa pagkuha ng lupa at bilisan ang imbentaryo ng mga lupa para sa pabahay.
Kabilang dito ang usufruct o pansamantalang karapatan na gamitin ang ari-arian ng isang tao, pang-matagalang upa, iba ibang sistema ng pag-upa at land-banking, na nakikita upang matugunan ang mga isyu ng kakayahan, ayon sa PDP.
Gamit ang isang “sistema ng impormasyon ng pinagsama-samang lupa at pamilya ng mga informal settler,” kilkialanin ng gobyerno ang mga pag-aari nitong lupa na nakatiwangwang na maaaring magamit sa socialized at low-cost na pabahay. Hahanapin din nito ang mga informal settler, mga ari-arian ng pamahalaan, mga ari-arian na inilit, at mga lugar na mapanganib — upang bigyan ang mga tao ng insentibo na umalis sa mga lugar na peligroso.
Ang mataas na halaga ng pabahay at mababang bilang ng tumitira sa mga resettlement site
Problema: Ang mga pamilya ng informal settler ay hindi boluntaryo na lumilipat sa mga lugar ng resettlement, na binabanggit ang ilang mga kadahilanan, tulad ng kakulangan ng mga pagkakataon makakuha ng kabuhayan sa mga resettlement site sa labas ng lungsod at ang mataas na halaga ng mga yunit ng pabahay.
Sa mahigit na 83,000 yunit ng pabahay na itinayo sa ilalim ng P50-bilyong programa ng Oplan Likas, na naghangad na maglipat ng mga pamilya ng mga informal settler, 89 porsiyento ay matatagpuan sa labas ng Metro Manila, kung saan madalas na naantala ang koneksyon sa kuryente at tubig.
Noong 2017, iniulat din ng Department of Budget and Management na hindi bababa sa 15,000 bahay ang walang tumitira sa 26 na resettlement site na ipinagawa ng National Housing Authority.
Solusyon: Iminungkahi ng PDP na gawing “last resort” ang relokasyon sa labas ng siyudad kapag inililipat ang mga informal settler upang ang mga benepisyaryo ay hindi mapapalayo sa kanilang mga trabaho, paaralan at mga ospital.
Nangangahulugan ito na uunahin ang relokasyon sa loob ng lungsod sa pamamagitan ng pagtataguyod ng paggamit ng mga vertical development at high-density mass housing para masagad ang gamit ng espasyo sa mga lunsod.
Upang mabawasan ang gastos ng pabahay at mabilisang konstruksiyon, inirerekomenda din ng PDP ang paggamit ng “mga alternatibo at makabagong mga solusyon” para sa mga pangangailangan sa pabahay ng mga mabababa ang kita at mga vulnerable na sektor.
Kabilang dito ang cost-efficient at katutubong teknolohiya para sa pagtayo ng pabahay, at iba pang mga pamamaraang tulad ng pampublikong paupahang pabahay, pabahay para sa mixed-income, mga inisyatiba ng microfinance, at mga kooperatiba ng pabahay na “tutulong sa pagtugon sa isyu ng mababang rate ng pagtira at magsilbi ng mas tuluy-tuloy sa mga pangangailangan na mga walang-bahay, mahihirap, at mga kapus-palad na benepisyaryo.”
Mga pinagmulan
National Economic and Development Authority, Philippine Development Plan 2017-2022
National Economic and Development Authority, Sufficient housing needed to address poverty — NEDA, Sept. 26, 2018
Official Gazette, Republic Act No. 11201, Feb. 19, 2018
Senate of the Philippines, Senate Bill No. 1578
Senate of the Philippines, Sen. Ejercito pushes for the creation of housing department as the nation remembers ‘Yolanda’, Nov. 9, 2018
Senate of the Philippines, Sponsorship speech: Department of Human Settlements and Urban Development, Sept. 20, 2017
Senate of the Philippines, Creation of one housing department awaiting President’s signature, Jan. 22, 2019