Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Online post gumamit ng mga nakaliligaw, walang batayang pahayag laban kay Roxas

Inalam namin ang katotohanan ng bawat isang pahayag.

By VERA FILES

Feb 26, 2019

7-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Isang post online na nagtahi ng mga nakaliligaw, walang batayan at maling pahayag tungkol sa kandidato pagka-senador na si Manuel “Mar” Roxas sa kanyang termino bilang interior at transport secretary ang umikot sa social media sa unang bahagi ng kasalukuyang buwan.

PAHAYAG

Sa Peb. 9 post, ang pahina ng Facebook na King of Lies, na nagpapakilala bilang isang “pangkat ng mga tao na naglalantad ng katotohanan sa likod ng gobyerno ng Pilipinas,” ay naglathala ng infographic na may mga sumusunod na alegasyon:

 

– “P4.7B DILG’S SALINTUBIG PROGRAM 2012-2015. Only 73 out of 276 water supply project had been completed (Tanging 73 sa276 na proyekto sa supply ng tubig ang nakumpleto) (COA 2013 Audit Report)”;

– “COA SAYS, ‘Return the P1.2 Billion uncollected cash advances you got while [you] were DILG Secretary (Sinasabi ng COA, ‘Ibalik ang P1.2 bilyon na hindi nakolektang mga cash advance na iyong nakuha habang [ikaw] ay DILG Secretary)'”;

– “COA further reminded Mar Roxas [to] include the uncollected Foreign Cash Donations ($513,275.00 Million) ASAP (Pinaalalahanan din ng COA si Mar Roxas na isama ang hindi nakolektang mga Foreign Cash Donations ($ 513,275.00 Milyon) ASAP)”; at

– “COA is asking ‘what happened to the P5 Billion MRT repair & maintenance fund collected as DOTC head (Nagtatanong ang COA ‘ano ang nangyari sa na nakolektang P5 Bilyong pondo para sa repair at maintenance ng MRT bilang pinuno ng DOTC)?”

Pinagmulan: Facebook page King of Lies, “Ito ba ang iboboto nyo,” Peb. 9, 2019

Mayroon din itong caption: “Ito ba ang senador na iboboto nyo? #notomar, #salintubigprogram #notoLP #yellowtard #yellowshit #kingoflies.”

Ang infographic ay may higit sa 22,000 shares sa Facebook, na muling nai-post ng hindi bababa sa 22 iba’t ibang mga pahina ng Facebook at maaaring umabot sa hindi bababa sa 1.3 milyong tao sa social media.

 

ANG KATOTOHANAN

Ang post ng King of Lies ay magkakahalong mga pahayag na nakalilinlang, hindi tumpak o kulang sa tamang konteksto. Inulit lamang nito ang eksaktong mga pahayag na unang kumalat sa social media noong 2016, papalapit ang pampanguluhang eleksiyon noong Mayo, kung saan tumakbo at natalo si Roxas.

Inalam namin ang katotohanan ng bawat isang pahayag.


“P4.7B PROGRAMA NG SALINTUBIG NG DILG 2012-2015. 73 lamang sa 276 na proyekto sa supply ng tubig ang nakumpleto (COA 2013 Audit Report)”

Habang ang 2013 report ng Commission on Audit (COA) sa Department of Interior and Local Government (DILG) ay nagpapatotoo sa ipinahayag ng post, ang ginawa ng King of Lies ay nakapanliligaw pa rin dahil sa kawalan ng tamang konteksto.

Matapos tukuyin mga isyu sa pagpapatupad ng programang “Sagana at Ligtas na Tubig Para sa Lahat” ng DILG o SALINTUBIG, ang COA ay gumawa ng apat na rekomendasyon na ipinahayag na “bahagyang ipinatupad” sa audit report nang sumunod na taon.

Binanggit nito na 81.44 porsiyento ng mga proyekto ng 2012 SALINTUBIG ay gumagana na, “na nagpapahiwatig na ang layunin ng pagbibigay ng maiinom na tubig para sa walang tubig na munisipalidad ay malamang na makamit.”

Sinimulan noong 2011 ng Department of Health, ang programang SALINTUBIG ay naglalayong magbigay ng mga pasilidad para sa ligtas na supply ng tubig sa mga munisipyo na kinilala ng National Anti-Poverty Commission.

“Sinabi ni COA, ‘Ibalik ang P1.2 bilyon na mga hindi nakolektang cash advance na iyong nakuha habang [ikaw] ay DILG Secretary'”

Na tanging si Roxas lang ang tinukoy ng COA sa P1.2 bilyon na halaga ng “hindi nakolektang” cash advance ay hindi tumpak at nakaliligaw.

Hindi binanggit sa post sa Facebook kung anong dokumento ng COA ang sinipi. Ipinakita ng 2013 financial report na ang DILG ay may naipon na P1.1 bilyon – hindi P1.2 bilyon – na halaga ng hindi pa na liquidate na mga cash advance.

Ito ang ikatlo sa 10 ahensya ng gobyerno na may pinakamalaking balanse ng mga hindi pa na liquidate na mga cash advance noong 2013, sumunod sa Commission on Elections na may P3.214 bilyon, at ang Department of Education na may P2.237 bilyon.

Gayunpaman, ang pondo, na para sa mga biyahe sa loob at labas ng bansa, bukod sa iba pa, ay inilaan sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng DILG, hindi lamang si Roxas bilang kalihim. Ang COA ay hindi rin tinukoy si Roxas sa anumang rekomendasyon nito.

“Ipinaalala rin ng COA kay Mar Roxas na isama ang mga hindi nakolektang Foreign Cash Donation ($ 513,275.00 Milyon) ASAP”

Ang pahayag na ito ay gawa-gawa lang. Walang ulat ang COA na pinapaalalahanan si Roxas tungkol sa daan-daang bilyun-bilyong dolyar sa “hindi nakolektang mga Foreign Cash Donation.”

Bagaman hindi tinukoy ng post sa Facebook ang konteksto ng pahayag na ito, ang mga dokumento kaugnay ng tulong mula sa ibang bansa na natanggap ng gobyerno para sa mga biktima ng Bagyong Yolanda ay hindi sumusuporta sa halagang nakasaad sa infographic. Si Roxas ay DILG secretary noong wasakin ng bagyong Category 5 ang bansa.

Ayon sa ulat ng pag-audit ng COA sa mga operasyon ng relief sa Bagyong Yolanda, ang kabuuang mga pangakong cash mula sa mga dayuhang entidad sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay umabot ng halos $ 1 bilyon noong Agosto 2014.

Habang hindi binabanggit ng COA sa ulat nito noong 2014 ang aktwal na halaga sa cash na natanggap ng gobyerno, sinabi nito na mas mababa ito sa $ 1 bilyon, dahil “hindi lahat ng pangako ay naging aktwal na donasyon habang ang iba ay nanatili lamang bilang mga pangako.” Ang mga pangako ay mula mga dayuhang bansa at mga ahensiya na intergovernmental, at mga donasyon na ipinadala sa pamamagitan ng Commission on Filipinos Overseas. Ibinukod nito ang mga donasyon na ginawa nang direkta sa mga LGU.

Ang isang naka-archive na screenshot ng Foreign Aid Transparency Hub (FAiTH) ng gobyerno, isang online portal ng mga dayuhang donasyon para sa mga biktima ng bagyo, ay nagpapakita na ang gobyerno ay may kabuuang $ 26.9 milyong mga donasyon na cash noong Marso 13, 2017.

“Ang COA ay nagtatanong ‘ano ang nangyari sa P5 Billion MRT repair & maintenance fund na nakolekta bilang pinuno ng DOTC?”

Ang pahayag na ito ay walang batayan. Walang nabanggit na nawawalang P5-bilyong Metro Rail Transit (MRT) repair and maintenance fund sa 2011 at 2012 audit report ng COA sa Department of Transportation and Communications (DOTC). Si Roxas ang pinuno ng DOTC mula Hulyo 2011 hanggang Setyembre 2012.

Ang nakita ng mga auditor ng estado ay ang kahinahinalang P4.5 bilyong pondo na inilipat sa Light Rail Transit Authority (LRTA) noong 2011 para sa proyekto ng pagpapalawak ng MRT 3:

“Ang MOA (memorandum of agreement) sa pagitan ng DOTC at LRTA ay hindi sinusuportahan din ng Cost Benefit Analysis na dapat na isinasagawa ng namamahala upang matukoy na ang nasabing proyekto ay magiging kapaki-pakinabang hindi lamang sa pamahalaan kundi pati na rin sa mga pasahero ng MRT 3.”

Pinagmulan: COA, DOTC 2011 audit report

 

Mula Oktubre 29, 2012, “ang pondo na inilipat sa LRTA ay ibinalik dahil sa pagkansela ng MOA sa pagitan ng DOTC at LRTA at pagbawi ng pagtatalaga ng LRTA bilang procurement agent para sa MRT 3 Capacity Expansion Project,” binanggit ng COA sa 2011 ulat nito.

 

 

Mga Pinagmulan

Commission on Audit, DILG 2013 Audit Report, Part II – Observations and Recommendations, pp. 102-107

Commission on Audit, DILG 2014 Audit Report:

  • Part II – Observations and Recommendations, p. 127
  • Part III – Status of Implementation of Prior Year’s Audit Recommendations, pp. 181-182

Commission on Audit, 2013 Annual Financial Report Volume I-A, p. 78

Commission on Audit, Report on the Audit of Typhoon Yolanda Relief Operations, 2014, pp. 18-19

Commission on Audit, DOTC 2011 Audit Report, Part II – Observations and Recommendations, pp. 111-115

Commission on Audit, DOTC 2012 Audit Report

Marroxas.com, About Page

 

(Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.)

(Ang VERA Files ay bahagi ng Tsek.ph, isang pagtutulungan sa fact-checking na inisyatibo ng akademya at ng media para sa 2019 midterm na halalan sa Pilipinas.)

 

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.