Sinabi ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi na kailangang imbestigahan ng International Criminal Court (ICC) ang mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng madugong drug war ni dating pangulong Rodrigo Duterte kung isasaalang-alang na ang mga pulis na sangkot sa mga pagpatay ay kinasuhan at sa huli ay nahatulan. Ito ay nangangailangan ng konteksto.
PAHAYAG
Sa Kapihan sa Senado noong Hunyo 27, sinabi ni Dela Rosa:
“Why go to ICC na functioning naman ‘yung ating mga korte dito, ‘di ba? Kasi gusto nila na i-la-lump lahat ‘yan, na gawing crimes against humanity at ipapasa sa ICC when, in fact,… some of these cases pagdating pa lang sa DOJ dismissed na agad…”
(“Bakit kailangan pumunta sa ICC na umiiral naman ‘yung ating mga korte dito, ‘di ba? Kasi gusto nila na ipagsama-sama lahat ‘yan, na gawing krimen laban sa sangkatauhan at ipapasa sa ICC na sa totoo lang,… ang ilan sa mga kasong ito pagdating pa lang sa DOJ nabasura na agad…”)
Pinagmulan: INQUIRER.net, LIVE: Kapihan sa Senado with Senator Ronald Dela Rosa | Hunyo 27, Hunyo 27, 2024, panoorin mula 8:48 hanggang 11:47
Sa parehong video, tinanong si Dela Rosa, ang chief implementer ng drug war ni Duterte bilang PNP chief mula 2016 hanggang 2018, kung inimbestigahan ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Sumagot siya:
“Meron. Nakasuhan nga ‘yung mga pulis na gumawa no‘ng… may bata na binaril doon sa Caloocan ‘di ba? Eh, ano pa ‘yun, hindi ba ‘yun violation ng human rights? Kaya nga na-convict ‘yung mga pulis na ‘yun, ‘di ba? So meron, meron.”
Pinagmulan: panoorin mula 21:16 hanggang 23:53
ANG KATOTOHANAN
Bagama’t maraming pulis ang kinasuhan, tatlo lang ang nahatulan ng korte sa tinatayang 12,000 hanggang 30,000 na pagpatay sa ilalim ng giyera laban sa droga ng administrasyong Duterte.
Noong Hunyo 18, apat na pulis ang hinatulan ng homicide para sa pagpatay kay Luis Bonifacio at sa kanyang anak na si Gabriel. Pinatay ang dalawa noong Setyembre 2016 sa kanilang bahay.
Noong 2023, isang pulis ang hinatulan para sa pagkamatay nina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” De Guzman—limang taon matapos ang sila patayin. Ang akusado ay napatunayang nagkasala ng torture at pagtatanim ng ebidensya.
Noong 2018, tatlong pulis ang napatunayang guilty sa pagpatay kay Kian Lloyd Delos Santos. Ito ang nag-iisang kaso sa drug war na nakaroon ng conviction para sa murder.
Ayon sa ICC, maaari nitong imbestigahan at usigin ang mga indibidwal kung ang kinauukulang Estado ay “hindi, hindi nagawa, o hindi gustong gawin ito nang totoo.” Noong Mayo 24, 2021, humiling ang tagausig ng ICC ng awtorisasyon mula sa Pre-Trial Chamber (PTC) I para tingnan ang mga krimeng ginawa sa Pilipinas noong giyera sa droga ni Duterte.
Sa kabila ng mga petisyon para tanggihan ang kahilingan, pinahintulutan ng PTC I ang imbestigasyon, na nagsasabing nabigo ang Pilipinas na patunayan na ito ay “nagsagawa o nagsasagawa ng mga pambansang pagsisiyasat na sapat na sumasalamin sa imbestigasyon na awtorisado ng Chamber.”
Ang desisyon ay higit pang nagsasaad na ang mga proceeding na ginawa ay “labis na laban sa mababang ranggo at pisikal na mga salarin” at hindi tumutugon sa “mga posibleng pattern o patakaran sa likod ng mga pagpatay.”
Hindi ito ang unang pagkakataon na kinuwestyon ni Dela Rosa ang pagkakasangkot ng ICC sa paghahangad ng hustisya ng mga biktima. Gumawa rin ang senador ng nakapanliligaw na pahayag sa komplementaryong prinsipyo ng Korte noong Pebrero 2023.
Isa lamang siya sa maraming mga pampublikong personalidad na gumawa ng mga katulad na pahayag sa hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas na maaaring makapanligaw o walang konteksto.
Bukod sa pagiging unang PNP chief ni Duterte sa kasagsagan ng madugong drug war, si Dela Rosa din ang local police chief sa Davao City noong mayor pa ang dating pangulo. Kasama sa imbestigasyon ng ICC ang mga pagpatay ng Davao Death Squad.
Check out these sources
International Criminal Court, Public Redacted Version of “Authorisation pursuant to article 18(2) of the Statute to resume the investigation”, Jan. 26, 2023
International Criminal Court, The Situation in the Philippines, Accessed July 17, 2024
International Criminal Court, Understanding the International Criminal Court, Accessed July 16, 2024
Benar News, Philippine court convicts 4 police officers for killings in Duterte drug war, June 18, 2024
INQUIRER.net Official Youtube Channel, LIVE: Kapihan sa Senado with Senator Ronald Dela Rosa | June 27, June 27, 2024
GMA News, Ex-policeman in Carl Arnaiz, Kulot deaths gets reclusion perpetua, March 13, 2023