May video na pinamumukhang nagpo-promote ng investment platform si Pangulong Bongbong Marcos at ang iba pang personalidad. Peke ang video at gawa gamit ang artificial intelligence (AI).
In-upload noong July 9, ang 64-second na video ay nagpakita ng news report umano ng ANC tungkol sa isang “economic project” na sinusuportahan daw ng gobyerno.
Ang video ay nagsimula sa “live interview” ni ANC anchor Rica Lazo kay Marcos tungkol sa investment platform. Pagkatapos, may nagplay na clip ni Marcos kung saan sinabi niya raw na:
“This project is not just an opportunity to improve the lives of Filipinos but also to develop our country’s economy. It is about stability and confidence for every citizen! Long live the Philippines and its economy!”
Ang video ay nagpakita rin ng clip ng pagsuporta raw ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona sa proyekto.
Walang ganitong proyekto ang administrasyong Marcos. Ang video ay ginawa gamit ang AI para gayahin ang boses ng mga personalidad at i-edit ang mga clip nila.
Sa kumakalat na video, dinoktor ang orihinal na clip ni Marcos sa town hall meeting tungkol sa mga problema sa trapik noong April 10. Wala ditong nabanggit tungkol sa investment platform.
Inedit din ang video ni Remolona sa isang press briefing noong April 8 tungkol sa monetary policy stance ng BSP.
Ang mga clip naman ni Lazo ay galing sa broadcast ng Dateline Philippines noong June 24, 2023.
Pinapupunta ng video ang mga netizen sa website na primitikpx.xyz, na may article daw ng SunStar tungkol sa investment platform na “Quantum AI” at kung paano mag-sign up dito. Walang article ang SunStar tungkol sa “Quantum AI”. Ang website ng SunStar ay sunstar.com.ph.
Dati pang nakapagfactcheck ang VERA Files ng pekeng ad para sa Quantum AI.
Ipinakalat ang video anim na araw matapos ilunsad ng gobyerno ang National Artificial AI Strategy Roadmap 2.0, na layuning gamitin ang AI para palaguin ang ekonomiya ng Pilipinas.
Ang video na in-upload ng Facebook page na Excellent chrysanthemum (ginawa noong May 31) ay may higit 170 reactions, 50 comments, 20 shares at 93,000 views. Marami pang kopya ang ad nito, ayon sa Meta ad library.