May ipinakakalat na Facebook post na ipinagmumukhang balita ng Inquirer at sinasabing nagbabala raw si Cagayan de Oro (CDO) Mayor Klarex Uy na may mga truck ng mga donasyong galing sa Davao papuntang Cebu ang pwedeng may kargang mga ilegal na droga. Peke ito.
Ini-upload noong Oct. 12 ang post na pinagmumukhang balita ng Inquirer at may pamagat na:
“Mayor Klarex warns: Cebu-bound Davao trucks may be carrying drugs from Duterte’s network!”
(Babala ni Mayor Klarex: mga truck na galing Davao at papuntang Cebu, puwedeng may kargang mga drogang galing sa mga kaalyado ni Duterte!)”
Peke ito. Hindi sinabi ng mayor ng CDO ang nabanggit. Inilinaw rin ng Inquirer na peke ang post.

Noong Oct. 13 ay inilinaw rin ng Office of the City Mayor of Cagayan De Oro na peke ang post. Sinabi ng mayor na wala siyang inilabas na pahayag sa kahit anong isyung pambansa o lokal.
Binalaan din ng Inquirer ang mga netizen tungkol sa pekeng post. Noong Oct. 7 ay inilinaw nila sa Instagram na wala silang balitang kahit anong tungkol sa post.
Ang pekeng post ay ipinakalat sa kasagsagan ng mga pagtulong sa Visayas at Mindanao dahil sa mga lindol, kasabay ng mga balitang korapsyon daw sa CDO, ayon sa empleyado ng National Irrigation Administration sa Northern Mindanao, na binaril sa ulo at namatay noong Oct. 11 sa Brgy. Patag, CDO.
Noong Oct. 7 ay nangako ang pamahalaan ng Davao City na magbigay-ayuda sa Cebu, pagtapos ng magnitude 6.9 na lindol noong Sept. 30.
Paglipas ng tatlong araw lang ay niyanig naman ng magnitude 7.4 na lindol ang Davao Oriental. Noong Oct. 13 ay inanunsyo ni Mayor Nestor Archival na mamimigay ang Cebu City ng 232,000 pisong ayuda at 34,000 bote ng tubig.
Ang pekeng post ay ipinaalam ng isang netizen sa VERA Files para ipa–fact check. Ang mga repost nito ay may lagpas 51,000 reactions, 8,500 comments at 2,300 shares.