May pinakakalat na quote card na sinabi raw ng DTI secretary Cristina Roque na puwede namang magsardinas kaysa mag-ham sa noche buena. Peke ito.
Walang patunay ang mga nag-post ng quote card. Hindi ito sinabi ng sekretarya o ng kahit sino sa Department of Trade and Industry. Hindi rin ito ibinalita ng kahit anong mapagkakatiwalaang media.
Ini-upload noong Dec. 8 ang picture ng DTI secretary na may hawak na de-latang sardinas at may nakasulat na:
“KUNG PWEDE NAMAN KAYO MAG SARDINAS SA NOCHE BUENA BAKIT PA KAYO MAG HA-HAM? KALABISAN NA YUN! – DTI SEC CRISTINA ROQUE”

Lima pang Facebook post ang may kagayang quote card, at isa lang ang nagsabing katuwaan lang ito. Kaya lalong napaniwala ang maraming netizen na sinabi talaga ito ng DTI secretary, at hinamon siyang maghanda ng sardinas sa noche buena.
Walang post tungkol sa “sardinas sa noche buena” ang official Facebook page ng DTI at ni Christina Aldeguer-Roque.
Wala ring sardinas sa noche buena guide ng DTI na paulit-ulit binabanggit ng sekretarya mula nang batikusin ang sinabi niyang kasya ang 500 pesos pang-noche buena.
Ilan sa mga nasa noche buena guide ang ham, fruit cocktail, all-purpose cream, nata de coco, kaong, keso de bola, cheese, mayonnaise, sandwich spread, macaroni, spaghetti at tomato sauce.
Ang mga picture ng DTI secretary na pinagmumukhang inirerekomenda niyang magsardinas na lang sa noche buena ay galing sa Facebook page na Proud Bisaya Bai noong Nov. 13, dalawang linggo bago niya sinabing kasya ang 500 pesos pang-noche buena ng pamilyang may tatlong miyembro.
Sa mga picture ay ipinakikita ang DTI secretary na sinisiguro ang tamang pagpepresyo ng isang supermarket sa Cebu City noong Nov. 13, pagtapos ipagbawal sa buong Pilipinas ang pagtaas ng presyo ng mahahalagang produkto sa loob ng dalawang buwan dahil sa sunod-sunod na mga kalamidad sa Visayas noong November.
Ang iba pang picture ng DTI secretary sa harap ng estante ng mga de-lata ay ini-upload naman ng Philippine Information Agency – Region 7 noong Nov. 14.
Pinasinungalingan din ng VERA Files ang naunang quote card ni Roque kung saan binawi niya at humingi ng paumanhin sa sinabi niyang kasya ang 500 pesos pang-noche buena.
Ang quote card tungkol sa sardinas na ini-upload ni Facebook user Bert Vibes (ginawa noong Nov. 2, 2018) at page na Philippine Savers & Investors Guide (Feb. 5, 2019) at Pinoy Celebrity News (June 21, 2017) ay may pinagsamang lagpas 22,780 reactions, 9,080 comments at 3,620 shares.
