May YouTube video na nagsasabing hindi na puwedeng iapela ng House of Representatives ang desisyon ng Supreme Court (SC) na unconsitutional ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Hindi ito totoo.
Kahit dapat sundin agad ang desisyon ng SC, nilinaw ni SC spokesperson Camille Ting na puwede pang umapela ang House.
Ini-upload noong July 26 ang video na may pamagat na:
“GAME OVER NA | KAMARA HINDI NA PWEDE IAPELA ANG DECISION NG KORTE SUPREMA SA IMPEACHMENT NI VP SARA”
Binanggit ng vlogger ang interview kay Senador Rodante Marcoleta noong July 25, kung saan sinabi niyang wala nang pag-asang umapela ang House dahil lahat ng SC judges ang nagdesisyon.
Inulit ng vlogger ang sinabi ni Marcoleta pero agad sinabing “technically” ay puwede pang umapela ang House.
Sa press release noong July 27, sinabi ni House spokesperson Princess Abante na aapela sila dahil ang desisyon ng SC ay “anchored on erroneous factual premises that contradict official records of the House (nakabase sa mga maling dahilan na salungat sa official records ng House).”
Isa rito ay hindi raw inaksyunan ng House ang unang tatlong impeachment complaints noong December 2024.
Paliwanag ni Abante, “Sa parehong araw na inaksyunan ang February complaint, bumoto rin ang Kamara sa plenaryo na i-archive ang tatlong impeachment complaints na inihain noong Disyembre. Ginawa ito ilang oras bago mag-adjourn ang session, dahil nakumpirma na ang Pebrero complaint ay pirmado at verified ng 1/3 ng mga miyembro ng Kamara.”
Sa interview ng TV5 noong July 26, sinabi rin ni House Speaker Martin Romualdez na maghahanda sila ng apela at umaasang “there could be probably some refinements on the decision (mabago ang desisyon).”
Ang video ay ipinakalat pagtapos ng desisyon ng SC na ang impeachment laban kay VP Sara ay labag sa Article 11, Section 3, Paragraph 5 ng Constitution, na ipinagbabawal ang lagpas isang impeachment laban sa isang opisyal sa isang taon. Sinabi rin ng SC na labag sa karapatan sa paglilitis ang impeachment laban kay VP Sara.
Pero nilinaw ng SC na hindi nila inaabsuwelto si VP Sara sa kahit anong kaso at puwede ulit siyang sampahan ng impeachment sa susunod na taon.
Ang video ay ini-upload ng YouTube channel ng The Journalist’s Opinion (ginawa noong Oct. 23, 2015) at may lagpas 33,820 interactions.