May kumakalat na video ni Pangulong Bongbong Marcos kung saan inamin niya raw na hindi siya ang totoong Ferdinand Marcos Jr. Kailangan nito ng konteksto. Ang video ay lumang interview kung saan pinasinungalingan niya ang chismis bilang “urban legend” o gawa-gawang kuwento.
Mula Aug. 3 ay ipinakalat ng mga netizen sa Facebook (FB) ang video ni Marcos na ipinalalabas na ikinukuwento niyang namatay raw ang totoong Marcos Jr. noong binata pa siya at pinapalitan ng kanyang mga magulang. Ni-reupload ang video sa TikTok noong July 27.
Sabi raw ni Marcos:
“In that fight, ninakawan ako. Sinaksak ako. Patay ako. I’m dead. Bongbong is dead. So, this is where it gets interesting. My parents then decided to find another boy who looked like me, who was the same age as me and present that as me, their son, to the public. And that the person you see now is the replacement, not the original. That’s the story.”
Inakala ng ibang netizen na inamin ni Bongbong ang chismis, habang ang iba naman ay pinagdudahan ito at sinabing edited ang video.
Pero ang totoo’y tinanggal sa konteksto ang video. Sa buong interview ay ikinuwento lang ni Marcos ang “urban legend” kung paano raw siya napaaway noon sa Inglatera at namatay kaya pinalitan.
Ang video ay galing sa YouTube video na ini-upload noong March 14, 2010 ni Juned Sonido.
Pagtapos magkuwento ay pabirong ipinaliwanag ni Marcos na may ibang nag-suggest na magpa-DNA test na lang siya para patunayang siya nga ang totoong Marcos Jr.:
“May DNA na ngayon. Magpatest ka para maliwanag na maliwanag. Sabi ko, iniiisip ko nang mabuti, sabi ko, hindi, okay din maging urban legend eh ‘di ba? Pagka naayos ko na ‘yung problema, pagka na-prove ko na na ako na, wala na ‘yung urban legend. Wala na tayong pag-uusapan. Let the story go.”
Pinasinungalingan na rin ni Marcos ang chismis noon pang 2012 sa isang interview at noon ding 2019 sa isa namang vlog.
Kumalat ulit ang video ilang araw matapos ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ng pangulo. Ipinakalat din sa mismong araw ng SONA ang isang pekeng video kung saan ipinagmumukhang sumisinghot si Marcos ng cocaine.
Ang video na in-upload ng dalawang FB user at mga page na DDS – Duterte Discipline System (ginawa noong May 27, 2015) at Pilipinas Kong Mahal (May 27, 2022). Ang mga ito ay may kabuuang higit 29,990 reactions, 9,180 comments, 13,690 shares at 6.3 milyong views. Ang video sa TikTok naman ni @esuga.esuga ay may higit 4,195 reactions, 2,155 comments, 1,955 shares at 226,000 views.