Skip to content
post thumbnail

FACT SHEET: Ang kailangan mong malaman sa 2 bagong maritime laws ng Pilipinas

Gaano kahalaga ang pagpasa ng Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act? Narito ang apat na bagay na kailangan mong malaman.

By Rhoanne De Guzman

Nov 28, 2024

6-minute read

Translate

ifcn badge

Share This Article

:

Sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Nob. 8 ang Philippine Maritime Zones Act at ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act. Iginiit ng kambal na batas ang karapatan ng bansa sa karagatan sa mga pinagtatalunang lugar sa South China Sea.

Gaano kahalaga ang pagpasa ng dalawang landmark na batas na ito? Narito ang apat na bagay na kailangan mong malaman:

1. Ano ang Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act?

Ang Philippine Maritime Zones Act o Republic Act (RA) 12064 ay “malinaw na naglalarawan” sa mga sukat at hangganan ng mga maritime zone ng bansa batay sa Konstitusyon at mga pamantayang itinakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Kabilang dito ang lawak ng panloob na katubigan ng bansa, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zone, exclusive economic zone (EEZ) at continental shelf. Ang batas ay nagbibigay ng matibay na legal na batayan” para sa panlipunan, pang-ekonomiya, komersyal at iba pang aktibidad na isinasagawa sa loob ng mga maritime zone ng Pilipinas.

Ang RA 12065, o ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act, ay umaakma sa RA 12064 at nagpapahusay ng pambansang seguridad sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga partikular na archipelagic sea lane at mga ruta ng himpapawid kung saan ang mga dayuhang barko at sasakyang panghimpapawid ay pinapayagang dumaan.

Ang tatlong sea lane at mga ruta ng hangin sa itaas ng mga ito ay tinukoy sa pamamagitan ng pagkonekta sa mga sumusunod:

  • Philippine Sea–Balintang Channel–West Philippine Sea
  • Celebes Sea–Sibutu Passage–Sulu Sea–Cuyo East Pass–Mindoro Strait–West Philippine Sea
  • Celebes Sea–Basilan Strait–Sulu Sea–Nasubata Channel–Balabac Strait–West Philippine Sea.

2. Bakit mahalaga ang mga bagong batas na ito?

“(Ang pag-apruba sa mga batas na ito) ay talagang nililinaw ang mga limitasyon ng ating mga karapatan kung saan natin mailalapat ang ating soberanya, mga karapatan at hurisdiksyon. At totoong ito ay muling nagpapatibay ng UNCLOS at ng 2016 arbitral award,” paliwanag ni Foreign Affairs Assistant Secretary Marshall Louis Alferez sa press briefing sa Malacañang noong Nob. 8.

Ang 2016 arbitral award ay talagang nagpapawalang-bisa sa malawakang pag-aangkin ng China sa South China Sea at nag-uutos na ang Pilipinas ay may eksklusibong mga karapatan sa soberanya sa West Philippine Sea.

Binigyang-diin ni Alferez na ang kambal na batas na ito ay mahalaga sa legal framework ng bansa, lalo na sa larangan ng maritime security at economic development.

Sinabi ni Senior State Counsel Fretti Ganchoon sa kaparehong press briefing na ang ilan sa mga umiiral na batas pandagat sa Pilipinas ay “fragmented,” “not integrated” at “outdated.”

“Kaya, ang pangunahing layunin, sa palagay ko, nito [Maritime Zones Law] ay tiyakin na lahat ng ating umiiral na batas na may kinalaman sa maritime zones ay updated at naaalinsunod sa UNCLOS, at gagabayan din nito ang lahat ng ating mga ahensiya sa patupad ng kanilang mga tungkulin sa West Philippines Sea,” dagdag ni Ganchoon.

Sinabi ni Sen. Francis Tolentino na ang pagpasa ng dalawang batas, lalo na ang RA 12065, ay malaki rin ang pakinabang ng lokal na komunidad ng mangingisda.

“Alam na nila kung saan dadaan iyong malalaking mga barko. Hindi na mauulit iyong nangyayari dati sa Zambales [na] iyong mga bangka nating maliliit na nababangga ng malalaking barko… kasi iyong malalaking barko doon na lang dadaan sa archipelagic sea lanes,” paliwanag ng senador, ang pangunahing may-akda ng RA 12064, sa Malacañang briefing.

3. Paano ipatutupad ang kambal na maritime laws?

Oras na magkabisa ang Maritime Zones Law 15 araw pagkatapos itong pirmahan ng Pangulo, dapat itong ipadala ng gobyerno sa Secretariat ng UNCLOS at United Nations (UN) General Assembly para sa kanilang pagpayag.

Ang Sea Lanes Act, gayunpaman, ay nangangailangan ng pag-apruba mula sa International Maritime Organization (IMO) pagkatapos itong magkabisa. Ang IMO ay isang dalubhasang ahensya ng UN na nagtatakda ng mga pamantayan “para sa kaligtasan at seguridad ng shipping at pag-iwas sa marine at atmospheric na polusyon ng mga barko.”

Sinabi ni Tolentino na anim na buwan ang approval period para sa IMO. Kapag naaprubahan, aabisuhan ng organisasyon ang lahat ng mga sasakyang pandagat sa buong mundo na mayroon lamang tatlong sea lanes kung saan maaari silang magsagawa ng commercial passage sa loob ng karagatang arkipelago ng Pilipinas.

Ang National Maritime Council (NMC) ang mangungunang ahensya sa pagpapatupad ng kambal na batas at “magbigay ng maliwanag, magkakaugnay na diskarte sa anumang mga alalahanin sa maritime.” Naatasan ang Philippine Coast Guard sa pagpapatupad ng Sea Lanes Act.

Sinabi ni retired vice admiral Alexander Lopez, tagapagsalita ng NMC, sa isang panayam sa One News na sa kasalukuyang kakayahan ng gobyerno “kaya natin tiktikan [ang dayuhang sasakyang pandagat], subaybayan at kilalanin sila at kung may mga paglabag, mayroon tayong sapat para hadlangan sila.”

Ang National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) ang magiging “technical arm” ng team na naatasang gumawa ng updated na mapa ng Pilipinas batay sa mga bagong batas.

“Inihanda na natin ang delineation ng maritime zones at archipelagic sea lanes. Hinihintay lang natin at inaabangan ang paglalabas ng IRR, ang Implementing Rules and Regulations, para maayos natin at tuluyang mailathala ang mapa,” sinabi ni NAMRIA Administrator Peter Tiangco sa Malacanang press briefing.

4. Paano makakaapekto ang mga bagong batas na ito sa mga hindi pagkakaunawaan sa South China Sea?

Dalawang araw matapos lagdaan ni Marcos ang mga bagong batas sa karagatan ng Pilipinas, ang gobyerno ng China ay nagpahayag ng kanilang pagtutol sa pamamagitan ng pagdedeklara ng mga “baseline” ng territorial sea na katabi ng Scarborough Shoal—isang hakbang upang palakasin ang pag-angkin nito sa tampok na South China Sea.

Ang Scarborough Shoal, na kilala rin bilang Panatag Shoal o Bajo de Masinloc, ay matatagpuan sa layong 124 nautical miles mula sa Zambales at sa loob ng EEZ ng Pilipinas, kung saan ginagamit ng bansa ang mga karapatan nito sa soberanya.

Mula noon ay naglabas na ng diplomatikong protesta ang gobyerno ng Pilipinas upang kontrahin ang hakbang ng China.

“Hindi namin inaasahan ang isang biglaang pagkilala sa bahagi ng China dahil binabalewala nila ang internasyonal na batas,” sabi ni Tolentino.

Ipinunto ni Ganchoon na ang hindi pagkilala sa ibang bansa ay hindi makapipigil sa Pilipinas sa paggawa ng sarili nitong mga batas.

“Ang pagiging epektibo ng ating batas ay hindi nakadepende sa pagkilala ng ibang mga estado. Kaya ngayong mayroon na tayong batas na ito… makakatulong ito sa ating law enforcement agencies sa pagpapatupad ng may kinalamang maritime laws sa ating maritime zones,” paliwanag niya.

Sinabi naman ni Lopez na inaasahang tututol ang China sa mga bagong batas.

“Kahit walang dalawang batas na ipasa, nagre-react naman sila, e, dahil sila ay naniniwala na kanila ang lugar. Ngunit muli naming iniangkla ang ating mga karapatan sa soberanya at hurisdiksyon sa UNCLOS at sa 2016 arbitral ruling,” aniya.

“Kaya, pinagtibay natin ang batas para talaga ma-define… para maging basehan na rin para mag-draw tayo ng pinaka-updated na mga map ng Philippines,” dagdag niya.

Sinabi ni Tolentino na ang mga tensyon sa South China Sea, partikular na sa EEZ ng Pilipinas ay hindi agad mapapawi. Gayunpaman, idinagdag ng senador, “ang pagkilala, ang imprimatur na makukuha natin mula sa internasyonal na komunidad ay magpapatibay sa ating posisyon.”

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.