Skip to content
post thumbnail

FACT CHECK: HINDI ibinasura ng Amerika ang mga kaso laban kay Quiboloy

May isang Facebook reel na nagsasabing ibinasura na umano ng United States ang mga kaso laban kay Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy. Mali ito.

By VERA Files

Sep 15, 2025

3-minute read

Translate

ifcn badge

Share This Article

:

Ipinakakalat ulit online ang lumang video na nagsasabing ibinasura na raw ng Amerika ang mga kaso laban kay Pastor Apollo Quiboloy, ang nagtatag ng Kingdom of Jesus Christ, na kinasuhan noong 2021 ng korte sa Amerika dahil sa mga kaso ng panggagahasa at panggagamit sa mga tao. Hindi totoong ibinasura na ang mga kaso ni Quiboloy.

Ini-upload sa Facebook noong Aug. 23 ang video na may nakasulat na:

“Korte sa Amerika, ibinasura ang mga kasong human trafficking, forced labor, at money laundering vs KOJC Leader”

At caption na:

“Korte sa America ibinasura ang mga kaso ni Pastor Quiboloy.”

Sa comment section ay may mga nagpasalamat at bumati kay Quiboloy. Bukod sa Facebook, ipinakalat din ang video sa TikTok at YouTube.

Walang opisyal na ulat na nagsasabing ibinasura na ng United States ang mga kaso laban kay Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy. Kabilang pa rin siya sa Most Wanted list ng U.S. Federal Bureau of Investigation hanggang ngayong Setyembre 2025.

Walang mapagkakatiwalang mga balita na kinukumpirmang ibinasura na ng gobyerno ng Amerika ang mga kaso laban kay Quiboloy.

Hanggang ngayong Sept. 2025 ay nanantili pa rin si Quiboloy sa listahan ng mga Most Wanted sa Amerika, ayon sa website ng Federal Bureau of Investigation.

Ayon sa FBI, si Quiboloy ay wanted dahil sa “alleged participation in a labor trafficking scheme that brought church members to the United States, via fraudulently obtained visas, and forced the members to solicit donations for a bogus charity, donations that actually were used to finance church operations and the lavish lifestyles of its leaders (pakikisangkot daw sa paggamit sa mga miyembro ng simbahan para magtrabaho sa Amerika, gamit ang mga pekeng visa, at pamimilit sa kanila na manlimos para sa mga pekeng donasyon na ginagastos sa mga gawain ng simbahan at marangyang buhay ng mga lider nito).”

Ang napawalang-bisa lang ay ang ibang kaso ng kapwa akusado ni Quiboloy at lider din ng KOJC na si Marissa Dueñas, na nakipag-areglo noong Oct. 2024 para sa mas magaang parusa.

Noong Nov. 10, 2021 ay ipinaaresto ng korte ng California si Quiboloy pagtapos siyang makasuhan dahil sa pakikipagsabwatan sa panggagahasa, panloloko, pamimilit, pamumuslit ng napakaraming pera, at iba pang kaso.

Mayroon din siyang hiwalay na mga kaso ng paggamit ng mga tao (nakasampa sa korte ng Pasig) at panggagahasa (nakasampa sa korte ng Quezon City).

Ang video ay ipinakalat pagtapos kumpirmahin ng ambassador ng Pilipinas, noong Aug. 20, na nagpadala ng pormal na pakiusap ang gobyerno ng Amerika para isuko si Quiboloy.

Ini-upload ng Facebook page na Tapang at Malasakit Global (ginawa noong Oct. 22, 2017) ang video na may lagpas 5,400 views, 250 reactions, 85 shares, at 20 comments.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.