Skip to content
post thumbnail

Kaligtasan ng mga bata sa biyahe dapat maging priyoridad

Gawing priyoridad ang kaligtasan ng mga bata sa daan.

By Ulat ni Klaire Ting, salin ni Percival Buncab

Mar 20, 2020

-minute read

Share This Article

:

Alam ni Maria* ang kahalagahan ng car seat. Bumili pa nga siya nito para sa anak niya noong sanggol pa lang ito. Pero pinasisikip nito ang maliit na nga nilang kotse, kaya pinamigay niya na lang ang car seat.

“Naisip ko, dahil kinaya naman ng una kong dalawang anak na bumiyahe nang walang car seat, hindi na rin iyon kakailanganin ng bunso ko.” Dalawang taon na ngayon ang anak niya.

Pero sa pakikinig sa mga safety advocate at opisyal ng pamahalaan sa isang pagtitipon sa Davao noong Peb. 27 tungkol sa kailgtasang pangkalsada, napagtanto ng 35 taong empleyadong ina ang pagkakamali niya. “Akala ko, tama lang iyong desisyon ko noon, pero mali pala.”

“Kahit na masikip sa likod ng kotse, sisiguraduhin ko pa ring bumili ulit ng car seat para sa bunso namin. Hindi namin puwedeng isawalang-bahala ang kaligtasan ng anak namin,” anya matapos hikayatin ang mga pamilya na magkaroon ng mga child restraint system (CRS) para sa kaligtasan ng mga bata.

Ang “Buckle Up, Kids!” Keeping Kids Safe on the Road” na pinamahalaan ng IDEALS (Initiatives for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services) ay sinagawa para magpalaganap ng kamalayan tungkol sa paggamit ng car seats sa mga pribadong sasakyan, bilang pagsunod sa RA 11229 o ang Child Safety in Motor Vehicles Act, na pinirmahan noong Pebrero 2019.

Inuutos ng batas ang paggamit ng CRS para sa mga sanggol at batang edad 12 pababa kapag nakasakay sa mga pribadong sasakyan. Pinagbabawal nitong umupo ang mga bata sa harap ng sasakyan, maliban kung ang bata ay may taas na apat na talampakan at labing-isang pulgada (4’11”), pero dapat suot pa rin ang karaniwang seatbelt.

Si Karen Bardinas, isang journalism student intern, na naroon din sa pagtitipon, ay mas nakumbinsi sa kahalagahan ng car seats, habang inaalala niya ang insidenteng nangyari noong nagmamaneho siya kasama ang apat na taon niyang pamangkin.

“Biglang nagpula iyong traffic light noon. Pagpreno ko bigla, sumubsob iyong pamangkin ko sa sahig ng kotse.”

“Naniniwala akong mahalaga ang car seats kasi hindi natin alam kung kailan magkakabanggaan. ‘Yung mga biglaang pagpreno pa lang, nangyayari talaga. Hindi dapat natin tinataya ang kaligtasan ng mga bata.”

Pero hindi lahat ng naimbitahan sa pagtitipon ay nakumbinsing kailangan ang mga CRS.

Isa pang nanay na nagtatrabaho naman sa pamahalaan ang duda sa pangangailangan ng batas sa pagkakaroon ng car seats kung marami naman nang batas para sa kailgtasang pangkalsada.

“Bakit kailangang magpatupad ng batas sa pagkakaroon ng car seat sa mga may-ari ng kotse na may mga anak, kung kaya naman nating pagtibayin na lang iyong mga batas na meron na tayo, gaya ng pagkontrol sa bilis ng pagmamaneho?”

Ito rin ang katwiran ng isang traffic enforcer na nagsabing sa Davao, sinusunod talaga ang batas sa bilis ng pagmamaneho, kaya kakaunti lang ang banggaan, at ang batas sa car seat ay hindi nakikita bilang priyoridad.

Nagkakamali ang mga tao

Pinaliwanag ng abugadong si Evita Ricafort, na tumulong sa paggawa ng implementing rules and regulations (IRR) ng batas, ang katwiran sa likod nito. “Nagkakamali ang mga tao, kaya kailangan nating punan ang lahat ng posible pang butas sa mga nauna nang batas.”

Tinutukoy ni Ricafort, policy adviser ng Imagine Law, isang public interest law organization, ang “safe systems approach” – isang istratehiya sa kaligtasang pangkalsada na kinikilalang nagkakamali ang mga tao, at ang ilang banggaan ay hindi maiiwasan, pero hindi dapat makasakit o makapatay ang mga ito.

Sinasabi rin nitong ang kaligtasang pangkalsada ay sama-samang pananagutan ng mga road designer, mambabatas, vehicle manufacturer, motorista, pedestrian, nagmamaneho, enforcement officer, at iba pang mamamayan para makamit ang kaligtasan sa kalsada.

“Ang layon ng batas ay panatilihing ligtas ang mga bata sa kalsada. Kahit gaano pa karaming pagsasanay o kahit gaano pa paigtingin ang paraan sa pagbibigay ng lisensiya, magkakamali’t magkakamali pa rin talaga tayo sa kalsada, kaya kailangan natin ng mga batas na ganito para mapaghandaan ang posibilidad ng banggaan.”

Ayon sa World Health Organization, napakabisa ng child restraints sa pagpapababa ng pinsala at pagkamatay dahil pinipigilan nito ang pagtilapon ng bata sa loob ng sasakyan kapag nagkaroon ng bangaan o biglang pagpreno.

Kung tama ang pagkalagay at pagkakagamit, pinababa ng mga CRS ang pagkamatay ng mga sanggol hanggang 70% at 80% naman sa maliliit na bata.

Ang RA 11229 ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero ng nakaraan taon; at ang IRR nito ay inapbrubahan noong nakaraang Disyembre. Pero kahit opisyal na ang batas nitong nakaraang buwan, ang mahigpit na pagpapatupad nito ay magsisimula pa lang sa Pebrero 2021.

Ang isang taong palugit ay panahon para sa mga ahensiya ng pamahalaan na makapaghanda. Kasama rito ang pambansang pagsasanay ng Land Transportation Office para sanayin ang mga law enforcers sa pagpapatupad ng IRR. Kakailanganin ng Department of Trade and Industry na makagawa ng mga pamantayan sa ligtas na mga produkto para sa mga CRS na gagawin, ibebenta, at ipamamahagi sa bansa, base sa pandaigdigang pamantayan, ayon sa United Nation Regulations 44 at 129.

De-kalidad na car seats

Ayon kay Rosemarie Rino ng DTI Bureau of Product Standards, nagsasagawa pa rin ang opisina nila ng mga tuntunin para sa product certification ng mga CRS.

“Sa ngayon, iyong mga binebentang car seats, wala pang sticker ng DTI. Kakailanganin pa nating malaman ang mga testing report ng ibang bansa,” anya tungkol sa mga imported na CRS na binibenta sa bansa. Puwede naman na raw bumili ng mga CRS ngayon, siguraduhin lang na de-kalidad ang mga ito.

[Kaliwa hanggang kanan: Certified Bureau of Product Standards (BPS) mark at Import Commodity Clearance (ICC) stickers.] Makakapanigurado ang mga mamimili na ang mga produktong may sticker na ito ay nakabase at may kaugnayan sa Philippine National Standards. Imahe mula sa DTI.

“Habang hinihintay matapos ang regulations ng DTI, meron naman nang general precautions,” sabi ni Ricafort. “Sa likod ng car seat, may sticker na aprubado ng UN Regulation 44 o 129. Iyon ang international safety standards na tinakda ng batas.”

“Tingnan ninyo kung pinagkakatiwalaan ba iyong nagbebenta ng CRS. Tingnan rin ninyo kung naka-install ba nang maayos iyong car seat.”

Kapag mayroon nang mga tuntunin, ang mga mayroon nang car seat bago maaprubahan ang batas ay puwedeng magpasuri sa LTO para makita kung sumusunod ba ito sa batas.

“Magbibigay ang LTO ng katibayan na nagpapatunay na pumasa sa pamantayan ang car seat,” ani LTO Field Enforcement Officer Atty. Roberto Valera.

Magsasagawa rin ang ahensiya ng ng mga batas sa pagkilala ng mga fitting station at bubuo ng mga pagsasanay para sa mga station operator na gagabay sa mga motorista sa paglalagay ng car seats at anchorage systems sa kanilang mga sasakyan.

“Kailangan natin ng oras para makahabol ang merkado, para masiguro nating may sapat tayong supply. Kailangan din natin ng oras para matuto ang mga tao kung paano maglagay at gumamit ng mga CRS,” sabi ni Ricafort.

Siniguro ni PNP Highway Patrol Group officer Oliver Tanseco na ang mga batang pasahero ay “hindi dapat masadlak sa anumang uri ng panganib,” gaya ng nakasaad sa IRR.

“Hindi ang bata ang dapat umunawa, kundi ang nagmamaneho. Kaya meron tayo nitong isang taong paghahanda dahil sama-samang pagsisikap ito, hindi lang ng mga tagapatupad ng batas, kundi pati mga ahensiya … para turuan ang mga motorista at mga magulang mismo sa kahalagahan ng batas.”

“Walang magulang ang dapat magduda sa batas dahil ang layon nito ay kaligtasan ng mga anak nila,” dagdag ni Tanseco.

Limang batas para sa kaligtasan sa daan na maaaring makabawas sa peligro. Ang imahe ay galing sa WHO.

Ang batas sa CRS ay ang pinakabagong hakbangin sa bansa para solusyonan ang mga alalahanin sa kaligtasang pangkalsada, o kung tawagin ng WHO ay “safety risk factors.” Ito ay ang mga alalahanin sa bilis ng pagmamaneho, pagmamaneho nang nakainom, pagmomotor nang walang helmet, at pagbibiyahe nang walang seatbelt.

Dahil sa batas sa CRS, kumpleto na ngayon ang Pilipinas sa mga kinakailangang pamantayan para masiguro ang kaligtasan sa kalsada.

Hindi sakop ng RA 11229 ang mga pampublikong sasakyan gaya ng taxi, van, school bus, at pampasaherong bus. Pero magsasagawa ang Department of Transportation ng pag-aaral para matukoy kung kailangan ding ipag-utos sa mga pampublikong sasakyan ang paggamit ng CRS.

Kung hindi maisasagawa, magrerekomenda ang DOTr sa Kongreso ng mga kinakailangang pamantayang pambatas para sa ligtas na pagbiyahe ng mga bata sa mga pampublikong sasakyan.

*hindi niya tunay na pangalan



Ang lathalaing ito ay nalathala sa tulong ng grant mula sa Global Road Safety Partnership (GRSP), isang proyektong pinamumunuan ng International Federation of Red Cross (IFRC) at Red Crescent Societies.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.