(Lumabas itong kolum sa Abante: www.abante.com.ph)
Ni ELLEN T.TORDESILLAS
KAYA si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ay mura ng mura dahil gustong-gusto yan ng mga tagahanga niya. Mas malutong ang “Putang Ina” mas malakas ang palakpak.
Nang sinundan namin ang kanyang rally noong Biyernes sa Parañaque, Las Piñas at Muntinlupa, nabingi ako sa santambak na putang ina na narinig namin. Hindi lang putang ina ang bukambibig niya. Merong ulol, tanga, gaga (kay dating Justice Secretary Leila de Lima), bayot (kay Liberal Party standard bearer Mar Roxas), buang.
Gustong-gusto ng mga tagahanga niya. Sigaw pa nila: “Mura pa more!”
Kapag manalo siguro si Duterte, putang ina ang maging pambansang sigaw ng bayan.
Naisip ko kaya siguro tuwang-tuwa ang mga tao kasi kapag nagpuputang-ina si Duterte, parang sila na rin ang nagmumura sa mga kriminal, mga nagbibenta ng ilegal na droga, at mga korap na mga taong nasa kapangyarihan.
Sabi niya nang una siyang mayor ng Davao, magulo ang siyudad at hindi natatakot sa batas at sa awtoridad ang mga kriminal. “Sa unang taon, wala na akong ginawa kungdi pumatay ng mga putang inang drug lords.” Palakpak.
Sabi niya ang iba umalis ng Davao. Ang hindi umalis ng Davao, “Yun, patay na.” Palakpakan ang mga tao.
Sabi niya kapag siya ang magiging presidente, sabihin niya sa mga putang inang korap na mga mambabatas na walang pork barrel. Kung ayaw nila, “isasara ko yan (ang Kongreso). Susunugin ko yan.” Palakpak ang mga tao.
Ngunit may isang hindi natuwa sa mga mura ni Duterte. Sa exhibit na inurganisa ng National Association of Independent Travel Agencies, sinabi ni Duterte ang kanyang pangako ng sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan linisin niya ang Pilipinas ng mga kriminal, mga druglords, at mga korap.
Sabi niya kahit anong ganda ng Pilipinas, kung naglilipana ang iligal na droga, hindi natin mahihikayat ang mga taga-ibang bansa na pumunta dito dahil baka makidnap pa yan at ma-rape.
Binigay niya bilang halimbawa ang Mexico kung saan malakas ang drug cartel. “Bakit ka pupunta sa Mexico with all the kidnappings ang killings there?”
Ang problema lang, kasama sa mga panauhing pandangal ay ang ambassador ng Mexico na si Julio Camarena Villaseñor na bago dumating si Duterte ay nagpakita pa ng video kung gaano kaganda ang kanyang bansa at hinikayat ang mga Pilipino na pumunta sa Mexico.
Sabi pa nga ng ambassador hindi kailangan ang visa papuntang Mexico kung meron kang U.S. Schengen o Japan visa.
Tumawa ng medyo napahiya ang lahat sa sinabi ni Duterte. Hindi natawa ang ambassador.
Sinenyasan ng kanyang bise-presidente na si Alan Cayetano si Duterte na nandyan ang Mexican ambassador. Kumambyo naman bigla at sinabing, hindi lang naman daw Mexico ang ganung kaso. “Pwede ring Russia, Egypt…”
Pagkatapos ng program, pinutakte ng mga reporter si Ambassador Villasenor na halatang naalibadbaran na sa kanya ang atensyun.
Dinepensahan niya ang kanyang bansa, siyempre.Sabi niya ligtas ang mga turista sa Mexico. “Mexico is a very safe country and yes, we fight a war against international crime.”
Tinanong si Duterte kung hihingi siya ng paumanhin sa Mexican ambassador. Sagot niya: “Bakit ako mag-apologize. Sa diyaryo naman yan araw-araw.”
Yan ang style Duterte