Sa kasalukuyang school year na matatapos sa May 31, maraming Facebook pages ang nagpapakalat na ang Department of Education ay namimigay raw ng ayuda para sa mga estudyanteng ga-graduate.
Peke ito. Walang announcement tungkol dito ang DepEd sa kanilang official website at social media accounts.
Noong April 26 ay may nag-post ng graphic na may picture ni DepEd Secretary Sara Duterte at may official seal ng DepEd:
Deparment of Education Cash Assistance S.Y. 2024. Announcement: sagot na ng DepEd ang graduation expenses mo, mag-register online. Elementary 5000, High School 6000, College 7000. Proof of graduation only ang kaylangan. APPLY NOW!
May isa pang graphic na nagsabing ang DepEd ay mamimigay raw ng ₱7,000 para sa mga ga-graduate sa 2025.
Panloloko ang mga ito. Ang DepEd ay walang mga ayuda para sa mga estudyanteng ga-graduate. Ilang beses na ring itinanggi ng DepEd ang mga post tungkol sa mga pekeng scholarship na kumakalat online.
Ang mga post ay may mga link na dinadala ang mga netizen sa mga website na nagnanakaw ng personal na impormasyon.
Ayon sa kanilang official website, ang DepEd ay kasalukuyang may tatlong assistance programs:
- Educational Service Contracting Program para sa mga Grade 7 hanggang 10
- Senior High School Voucher Program para sa mga Grade 11 at 12
- Joint Delivery Voucher Program para sa mga Grade 12 na nasa Technical-Vocational Livelihood Track.
Ang mga ayuda ng gobyerno para sa mga estudyante sa college ay pinamamahalaan ng Commission on Higher Education, hindi DepEd.
Maraming beses nang pinasinungalingan ng VERA Files Fact Check ang mga post tungkol sa mga pekeng scholarship.
Ini-upload ng Facebook pages na Philippine Scholarship, PRC News and Updates at DSWD LandBank Pay out, ang mga panlolokong post ay may higit 2,000 interactions.