Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Ang CHR ba ay isang Constitutional Commission?

Ang CHR ay hindi isang Constitutional Commission.

By VERA Files

Aug 20, 2017

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Nang magbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na buwagin ang Commission on Human Rights (CHR) o Komisyon sa mga Karapatang Pantao, mabilis na ipinawalang-halaga ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella ang sinabi ng presidente na “nagpapahayag lamang ng kanyang pagkadismaya.”

Pagkalipas ng ilang linggo, si House Speaker Pantaleon Alvarez ang nagbanta na bibigyan ang CHR ng “zero budget.” Ipinagtanggol ni Senador Risa Hontiveros ang ahensya at sinabing ang pagkilos na ito ay labag sa konstitusyon.

Sinabi nina Abella at Hontiveros na ang CHR ay isang Constitutional Commission. Sila ba ay tama sa pagsabi nito?

ANG PAHAYAG

Nang hingan ng komento tungkol sa pahayag ng presidente sa kanyang pagharap sa media noong Hulyo 21, sinabi ni Abella:

“Gayunpaman, ang [CHR] ay isang Constitutional Commission at hindi ito maaaring buwagin sa pamamagitan lamang ng pag gawa ng batas. Ang tagapangulo at ang kanyang mga miyembro, gayunpaman, ay naglilingkod sa kagustuhan ng Pangulo. “

(Pinagkunan: Transcript, Presidential Spokesperson Ernesto Abella with Chairman William Ramirez Philippine Sports Commission, Press Briefing, Hulyo 27, 2017)

Sa pagtugon sa pagkilos ni Alvarez sa huwag bigyan ng pondo ang CHR, sinabi ni Hontiveros noong Agosto 8:

“Ang plano ng ilang mga mambabatas na gawing sero ang badyet ng Commission on Human Rights para sa 2018 ay labag sa saligang-batas. Ang CHR, tulad ng iba pang mga constitutional commission, tulad ng Tanggapan ng Ombudsman, at ng hudikatura, ay may pansariling pananalapi. “

(Mga pinagkunan: GMA: Hontiveros on Alvarez threat to give CHR zero budget: Unconstitutional, grossly fallacious; TV 5: Zero budget for CHR | Sen. Hontiveros: to cut to zero the CHR’s 2018 budget is unconstitutional; Abante: Zero budget sa CHR, unconstitutional

FACT

Ang CHR ay hindi isang Constitutional Commission.

Ang Artikulo IX ng 1987 Konstitusyon ay nagtatag ng tatlong malaya at may pansariling pananalapi na mga komisyon: ang Civil Service Commission (CSC), ang Commission on Elections (Comelec), at ang Commission on Audit (COA).

Ang CHR ay nilikhang malaya sa pamamagitan ng isang hiwalay na probisyon sa konstitusyon, Artikulo XIII Seksiyon 17 at Executive Order 292 ni Corazon C. Aquino o ang Administrative Code ng 1987.

Sinasabi ng Administrative Code: “Alinsunod sa Konstitusyon, magkakaroon ng isang Tanggapan ng Ombudsman, isang Komisyon sa mga Karapatang Pantao, at independiyenteng sentral na awtoridad ng salapi, at isang pambansang komisyon ng kapulisan.”

Kasunod ng pagpapatibay ng Konstitusyon, ang pag-iral ng CHR ay ipinahayag na epektibo noong Mayo 5, 1987 sa pamamagitan ng Executive Order No. 163 ni Aquino.

BACKSTORY

Ikinaturiwan ni Hontiveros na ang CHR, isang consitutional body, ay may awtonomiya sa pananalapi.

Ang awtonomiya sa pananalapi ay “isang garantiya ng buong kakayahang umangkop upang ilaan at gamitin ang yaman nang matalino at agad ihatid ang kanilang mga pangangailangan,” tinukoy ng Korte Suprema sa Bengzon v. Drilon.

Nangangahulugan lamang ito ng “kalayaan mula sa panlabas na kontrol.”

Subalit ang sugnay sa Konstitusyon tungkol sa fiscal autonomy ay para lamang sa tatlong mga Constitutional Commission: ang CSC, COA at Comelec.

Ang CHR ay may limitadong awtonomiya sa pananalapi, ang pasya ng Kataas-taasang Kapulungan noong 2006 nang bahagyang ipinagkaloob nito ang motion for reconsideration ng CHR sa CHR Employees Association (CHREA) v. CHR.

Ang awtonomiya nito ay limitado “sa isang dako na ito ay may karapatan sa awtomatiko at regular na pagpapalabas ng aprubadong taunang paglalaan ng pondo,” sabi ng SC, na binanggit ang mga talakayan ng 1987 Constitutional Commission.

“Ang korteng ito ay kumbinsido na ang ConCom ay naglalayong bigyan ang [CHR] ng pribilehiyong magkaroon ng aprubadong taunang paglalaan (ng pondo) na awtomatiko at regular na inilalabas, ngunit wala nang iba pa,” anang desisyon ng korte.

Sources:

Bengzon v. Drilon (G.R. No. 103524) Bengzon v. Drilon (G.R. No. 103524)

CHR Employees Association (CHREA) v. CHR (G.R. No. 155336)

Executive Order No. 163, s. 1987

Executive Order No. 292, s. 1987 or the Administrative Code of 1987

The Constitution of the Republic of the Philippines

Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.