Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Ang ulat ni Ben Tulfo na ‘pabor sa drug war ni Duterte’ ang UN chief NAKALILINLANG

Pumili ng ilang banggit mula sa Setyembre 24 na talumpati ni Guterres, pinalabas ni Tulfo na sinabi ng pinuno ng UN na ang kampanya ni Duterte laban sa droga ay kaayon ng UN.

By VERA FILES

Oct 19, 2018

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Niligaw kamakailan ni broadcaster Benjamin Tulfo ang kanyang mga tagapakinig sa programang teleradyo na pinapatakbo ng estado sa pamamagitan ng isang ulat na sinabing sumusuporta si United Nations Secretary-General António Guterres sa giyera ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa droga.

Pumili ng ilang banggit mula sa Setyembre 24 na talumpati ni Guterres, pinalabas ni Tulfo na sinabi ng pinuno ng UN na ang kampanya ni Duterte laban sa droga ay kaayon ng UN. Ang pamagat ng isang clip ng episode na na-upload sa Youtube channel ng palabas ay nagsabi rin na si Guterres ay “pabor” sa giyera laban sa droga ni Duterte.

MGA PAHAYAG

Ang Youtube channel na BITAG OPISYAL ay nag upload Oktubre 12 ng isang 9-minutong clip ng BITAG Live episode ni Tulfo nang araw na iyon na may pamagat na, “UN chief, pabor sa Drug War ni PDu30! CHR, sampal sa inyo! ”

Ang episode, na umere sa People’s Television Network (PTV-4) at Radyo Pilipinas (DZRP 738), ay nagtampok kay Tulfo na nagbabasa at nagsasalin ng mga sipi mula sa talumpati ni Guterres sa Septiyembre 24 High Level Event on Counter-Narcotics sa UN Headquarters sa New York.

Sinipi niya ang sinabi ni Guterres:

“Ang mga pangunahing priyoridad ay maaaring magkaiba, ngunit ang pandaigdigang komunidad ay may isang panlahat na layunin: upang protektahan ang seguridad ng tao, kalusugan at kabutihan.”

Pinagmulan: Guterres, A., “Remarks at High-Level Event on Counter-Narcotics hosted by the United States of America,” Setyembre 24, 2018

Isinalin niya ito bilang:

“Kung yun hong pambansang priyoridad, o yung prayoridad na pang-nasyonal ng bawat bansa ay maaaring magkaiba. Magkaiba ang pamamaraan, pero iisa lang ang layunin ay solbahin at harapin ang sinasabing ay problema ng gamot sa buong mundo na ho ito.”

Pinagmulan: BITAG OFFICIAL, “UN chief, pabor sa Drug War ni PDu30! CHR, sampal sa inyo!,” Okt. 12, 2018, panoorin mula 2:47 hanggang 3:05

Ang isa pang sipi na binanggit niya ay:

“Ang sistema ng United Nations — at ako mismo — ay nakahandang tumulong sa mga pamahalaan sa pagtugon sa hamon ng problema sa bawal na gamot sa mundo.”

Pinagmulan: Guterres, A., “Remarks at High-Level Event on Counter-Narcotics hosted by the United States of America,” Setyembre 24, 2018

Pagsasalin ni Tulfo:

“Sabi niya, eto raw ho, sila, naninindiga’t naniniwala – personal, lalo’t siya nga – na sila’y nakahandang suportahan ang mga gobyerno, ang iba’t ibang bansa, dito ho sa hamon na pag-uusapan ay problema sa droga …”

Pinagmulan: BITAG OFFICIAL, “UN chief, pabor sa Drug War ni PDu30! CHR, sampal sa inyo!,” Okt. 12, 2018, panoorin mula 4:39 hanggang 4:55

Sinabi ni Tulfo:

““Ang siste ho eh, kung UN na po ang nagsabi niyan, eh bakit ho sa bansa ho natin, yung Commission on Human Rights… laging ito’y tinutuligsa na mali lagi?…So hindi ho naiintindihan, eh numero uno hong prioridad ni President Duterte yan na tumutugma doon sa sinasabi ng UN.”

Pinagmulan: BITAG OFFICIAL, “UN chief, pabor sa Drug War ni PDu30! CHR, sampal sa inyo!,” Okt. 12, 2018, panoorin mula 6:58 hanggang 7:41

FACT

Parehong ang pamagat ng clip at ang ulat ni Tulfo ay nakalilinlang.

Wala kahit saan sa talumpati ni Guterres ang nagpahayag ng suporta, tumukoy sa o kahit na banggitin si Duterte at ang kanyang giyera sa droga, na nagreresulta sa maling pamagat.

Binaluktot din ni Tulfo ang kanyang isinalin na mga salita ng pinuno ng UN upang magtugma ang kanyang pahayag tungkol sa giyera laban sa droga ni Duterte na kaayon sa UN.

Binago niya ang pahayag ni Guterres tungkol sa mga bansa na may “pagkakaiba sa mga pambansang priyoridad” sa mga bansa na may “mga pagkakaiba sa mga estratehiya” sa pagtugon sa problema sa droga.

Idiniin din ni Tulfo ang suporta ni Guterres at ng UN sa mga pamahalaan na lumalaban sa ilegal na droga sa kanilang mga bansa, ngunit hindi binanggit na si Guterres ay paulit-ulit na nagsabi na ang mga drug adik ay kailangang ituring bilang “biktima” at “mga pasyente.”

Inalis ni Tulfo ang mga pangungusap na ito:

  • “Upang matugunan ang komplikadong isyu na ito, kailangan natin ng malakas na pagkilos sa dalawang lugar … Ang ikalawang lugar ng pagkilos ay tinitiyak na ang mga nangangailangan ng paggamot ay nakukuha ito. Ang mga mamimili ang una at pinakamahalang pasyente at biktima.”
  • Ang mga “adik ay (mga) biktima na nangangailangan ng paggamot kaysa kaparusahan.”

Binigyan-katuwiran ni Duterte ang mga pagpatay sa mga gumagamit ng droga sa pagsasabing sila ay “hindi tao.” Inamin niya dalawang linggo na ang nakalilipas na ang tanging “kasalanan” niya ay ang “extrajudicial killings.”

Hindi bababa sa isang website, pinolitika.com, ang gumamit ng nakalilinlang na ulat ni Tulfo sa isang kuwento na may parehong nakalilinlang na headline.

Ang orihinal na YouTube clip at ang ulat ng pinolitika.com ay maaaring umabot sa halos 1.2 milyong tao; ang pinakamalaking traffic generators/gumawa ng trapiko nito ay ang mga pahinang Pangulong Duterte TV, Pangulo Rody Duterte at SENATOR HARRY ROQUE 2019 …. DDS KAILANGAN NATIN SIYA …. SUPPORT NOW !!!.

Ang Pinolitika.com ay nilikha noong Hulyo 20; ang BITAG OPISYAL Youtube channel ni Tulfo noong Abril 2016.

Mga pinagkunan ng impormasyon:

Guterres, A., “Remarks at High-Level Event on Counter-Narcotics hosted by the United States of America,” Sept. 24, 2018.

Official Gazette, “Rodrigo Roa Duterte During The 10th Eastern Mindanao Command Anniversary,” Aug. 16, 2016.

Presidential Communications Operations Office, Speech of President Rodrigo Roa Duterte during the oath-taking of the new Career Executive Service Officers (CESOs), and Conferment Ceremony of the 2017 Gawad Career Executive Services (CES), and 2018 Outstanding Government Workers Awards rites, Sept. 27, 2018.

Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling
salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at
personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami
ay ginagabayan ng mga
prinsipyo ng
International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan
bisitahin ang
pahinang ito.

Share the Facts

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.