Muling iginiit ng Chinese Embassy sa Maynila ang maling pahayag ng Beijing na ang Julian Felipe Reef (international na pangalan: Whitsun Reef) ay bahagi ng teritoryo ng China.
Taliwas ang pahayag sa international law pati na rin sa 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na pumabor sa Pilipinas laban sa China sa isyu ng pinagtatalunang mga lugar sa West Philippine Sea.
PAHAYAG
Sa isang pahayag noong Abril 5, nag-react ang Chinese Embassy sa naunang pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na pumalag sa patuloy na pag istasyon ng 44 Chinese vessels sa Julian Felipe Reef, na tinukoy ng China na Niu’e Jiao.
Nakasaad sa bahagi ng pahayag na:
“The Niu’e Jiao is part of China’s Nansha Islands (internationally known as the Spratly Island Group). The waters around Niu’e Jiao has been a traditional fishing ground for Chinese fishermen for many years.”
(Ang Niu’e Jiao ay bahagi ng Nansha Islands (kilala sa buong mundo bilang Spratly Island Group) ng China. Ang tubig sa paligid ng Niu’e Jiao ay tradisyonal na lugar ng pinangingisdaan ng mga mangingisdang Tsino sa loob ng maraming taon.)
Pinagmulan: Chinese Embassy in Manila, Statement by Spokesperson of the Chinese Embassy (Archived), Abril 5, 2021
Tinawag din nito ang mga sinabi ni Lorenzana na “perplexing” at “unprofessional,” at itinuro siya sa isang pahayag noong Marso 22 ng tagapagsalita ng embahada tungkol sa isyu na parehong nagsabing, “Ang Niu’e Jiao ay bahagi ng Nansha Qundao ng China.”
ANG KATOTOHANAN
Ang Julian Felipe Reef, na matatagpuan sa paligid ng 324 kilometro o 175 nautical miles sa kanluran ng bayan ng Bataraza sa lalawigan ng Palawan, ay nasa loob ng 200-nautical-mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa South China Sea. Humigit kumulang 638.23 nautical miles ang layo nito mula sa Hainan Island ng China.
Bahagi ito ng Kalayaan Island Group, na binubuo ng higit sa 50 mga feature at ang mga nakapaligid na tubig sa Spratly Island Group, na nasasakop ng hurisdiksiyon ng Pilipinas.
Ang EEZ ay ang area na “lampas at katabi ng teritoryong dagat” ng isang coastal state, tulad ng Pilipinas, kung saan mayroon itong mga sovereign right na mag galugad, gumamit, magmasid, at pamahalaan ang likas na yaman, ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ang China at ang Pilipinas ay parehong partido sa UNCLOS. Ngunit patuloy na iginiit ng China ang nine-dash line na pag-aangkin nito, na sumasakop sa halos 80% ng buong South China Sea, kasama ang mga lugar na nasasailalim sa teritoryo ng Pilipinas at EEZ (kilala bilang West Philippine Sea).
(Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte says the name ‘South China Sea’ reflects China’s historical claim)
Sa desisyon nito noong Hulyo 2016 tungkol sa pagtatalo sa South China Sea, nagpasya ang PCA na ang mga pag-angkin ng China sa “historic rights, o iba pang mga sovereign rights o hurisdiksyon” sa ilalim ng nine-dash line claim nito ay:
“…contrary to [UNCLOS] and without lawful effect to the extent that they exceed the geographic and substantive limits of China’s maritime entitlements under the Convention.”
(…salungat sa [UNCLOS] at walang ayon sa batas na epekto dahil lumampas sila sa geographic at substantive na limitasyon ng mga maritime entitlement ng China sa ilalim ng Convention.)
Pinagmulan: Permanent Court of Arbitration, South China Sea Arbitration Award (p. 473), Hulyo 12, 2016
Idinagdag ng tribunal na ang UNCLOS “ay pumalit sa anumang mga historic right, o iba pang mga sovereign right o hurisdiksyon, na labis sa mga limitasyong ipinataw nito.”
BACKSTORY
Ang isyu ay unang umabot sa publiko noong Marso 20, nang sinabi ng National Task Force for the West Philippine Sea na nakatanggap ito ng isang “kumpirmadong ulat” mula sa coast guard na “humigit-kumulang 220 Chinese Maritime Militia Vessels [ang] nasa Julian Felipe Reef.”
Kinabukasan, naglabas ng isang pahayag si Lorenzana na nagpapahayag ng “matinding pag-aalala” sa pagkakaroon ng “Chinese militia boats” sa West Philippine Sea, na tinawag nitong isang “malinaw na nanghahamon na pagkilos ng militarisasyon sa lugar.”
Ang West Philippine Sea ay tumutukoy sa mga maritime area sa kanlurang bahagi ng arkipelago ng Pilipinas. Ito ang bahagi ng South China Sea na “pinakamalapit, at may mahalagang interes, sa Pilipinas,” ayon sa 2013 primer ng Institute for Maritime and Ocean Affairs.
Nagsampa ng diplomatic protest si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. laban sa Beijing tungkol sa bagay na ito noong Marso 21.
Bilang tugon, itinanggi ng Chinese Embassy ang pagkakaroon ng mga militia ship sa reef at sinabi na iyon ay mga “fishing vessel” na sumilong “dahil sa masamang kondisyon ng dagat.”
Sa isang panayam sa media, nagbabala si retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, na gumanap ang isang mahalagang papel sa tagumpay ng bansa laban sa China sa PCA, na ang mga aksyon ng China ay maaaring isang “paunang pagkilos sa pagsakop sa Julian Felipe Reef tulad ng [ginawa] nito sa Mischief Reef noong 1995.” (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Three things Duterte got wrong on the PH-China maritime standoff)
Noong Abril 3, tinuligsa ni Lorenzana ang patuloy na pagtigil ng 44 Chinese vessels sa lugar, at sinabi sa Ingles na: “Hindi ako tanga. Maganda ang panahon hanggang ngayon, kaya wala silang dahilan upang manatili doon. Ang mga barkong ito ay dapat umalis na doon.”
Noong Abril 5, sumagot ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pahayag ng Chinese Embassy nang araw ding iyon (na tinawag na “unprofessional” ang mga sinabi ni Lorenzana), na nagsabing naglalaman ito ng “mga lantarang kasinungalingan tulad ng pahayag ng masamang kondisyon ng panahon kahit na hindi totoo at ang sinasabing pagkakaroon ng mga maritime militia vessel sa lugar.”
Sinubukan din nitong itaguyod ang “malinaw na hindi totoong salaysay ng malawak at hindi lehitimong mga pag-aangkin ng China sa West Philippine Sea,” dagdag ng DFA.
Iginiit ng kagawaran ang hinihingi ni Lorenzana na umalis ang mga Chinese vesssel sa mga maritime zone ng Pilipinas at binalaan na magsasampa ng diplomatic protest “sa bawat araw ng pagkaantala.”
Sinabi ng Malacañang na ang gobyerno ng Pilipinas ay “hindi isasakripisyo … ang pambansang teritoryo at exclusive economic zone [ng bansa].” Idinagdag nito na “malulutas nito ang [nagpapatuloy] na hindi pagkakasundo [sa China] sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan.”
Sa kanyang press briefing noong Abril 5, sinabi ni Palace Spokesperson Harry Roque na “kampante” si Pangulong Rodrigo Duterte na malulutas ng dalawang bansa ang isyu dahil sa kanilang “malapit na pagkakaibigan.”
Isang asosasyon ng mga mangingisdang Tsino ang gumawa ng parehong pahayag noong Agosto 2019 nang ipinahiwatig nito na ang Recto Bank (international na pangalan: Reed Bank), na nasa loob din ng EEZ ng Pilipinas, ay teritoryo ng China. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Apology from Chinese association falsely claims Recto Bank is China territory)
Mga Pinagmulan
Chinese Embassy in Manila, Statement by Spokesperson of the Chinese Embassy, April 5, 2021
Chinese Embassy in Manila, Statement by Spokesperson of the Chinese Embassy, March 22, 2021
Department of Foreign Affairs, STATEMENT: DFA DEPLORES CHINESE EMBASSY RESPONSE TO SECRETARY OF DEFENSE’S STATEMENT, April 5, 2021
Baviera, A. & Batongbacal, J., The West Philippine Sea, the territorial and maritime disputes from a Filipino perspective, A Primer, July 15, 2013
Official Gazette, Presidential Decree No. 1596, June 11, 1978
United Nations, United Nations Convention on the Law of the Sea Part V: Exclusive Economic Zone, Accessed on April 6, 2021
United Nations, United Nations Treaty Collection: United Nations Convention on the Law of the Sea, Accessed on April 6, 2021
Institute for Maritime and Ocean Affairs, Ang laban ni Juan para sa West Philippine Sea – Episode 1, Jan. 23, 2021
Permanent Court of Arbitration, South China Sea Arbitration Award (p. 473), July 12, 2016
Backstory
- PCOO Global Media Affairs, READ: STATEMENT OF THE NATIONAL TASK FORCE FOR THE WEST PHILIPPINE SEA ON THE PRESENCE OF CHINA’S MARITIME MILITIAS AT THE WEST PHILIPPINE SEA, March 20, 2021
- Delfin Lorenzana official Facebook page, On the presence of Chinese militia boats in the Julian Felipe Reef, March 21, 2021
- Presidential Communications Operations Office, READ: STATEMENT OF NATIONAL TASK FORCE FOR THE WEST PHILIPPINE SEA, March 31, 2021
- Official Gazette, Administrative Order No. 29, Sept. 5, 2012
- Teodoro Locsin Jr. official Twitter account, “So recommended by General Esperon this noon by What’s App…,” March 21, 2021
- ABS-CBN News, China incursion in Julian Felipe Reef may be prelude to occupation: Carpio | ANC, March 24, 2021
- Delfin Lorenzana official Twitter account, “The Chinese Ambassador to the PH has a lot of explaining to do…,” April 3, 2021
- Presidential Communications Operations Office, Press briefing with Presidential Spokesperson Harry Roque, April 5, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)