Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Dalawang pahayag ni Bato Dela Rosa tungkol sa yaman ni Duterte at botatante noong 2016 walang basehan

Sa isang pakikipanayam sa media, dalawang hindi suportadong pahayag tungkol sa kayamanan ni Presidente Rodrigo Duterte at mga tagasuporta noong eleksyon ng 2016 ang pinakawalan ni dating hepe ng Bureau of Corrections at kandidato sa pagka-senador Ronald "Bato" Dela Rosa.

By VERA FILES

Nov 30, 2018

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Sa isang pakikipanayam sa media, dalawang hindi suportadong pahayag tungkol sa kayamanan ni Presidente Rodrigo Duterte at mga tagasuporta noong eleksyon ng 2016 ang pinakawalan ni dating hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) at kandidato sa pagka-senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

PAHAYAG

Sa isang Nob. 21 na pakikipanayam ng UNTV, si Dela Rosa, na pinuno din ng kapulisan sa ilalim ni Duterte bago itinalaga sa BuCor, ay tinanong kung saan niya planong kumuha ng suporta para sa kanyang pagtakbo bilang senador.

Sinabi niya:

“Moral support lang yung sabihin niya (Duterte), walang pinansiyal na suporta dahil alam man nating mahirap din ang presidente, wala man din yang pera.”

Pinagmulan: UNTV News and Rescue, Ronald “Bato” Dela Rosa, Panayam sa Get it Straight with Daniel Razon, Nob. 21, 2018, panoorin mula 35: 01-35: 07

Idinagdag niya:

“Alam kong si presidente nanalo hindi sa pamamagitan ng suporta ng mga –yung mga mayayaman dito na — negosyanteng nagbigay sa kanya ng pera. Nanalo siya sa taong bayan, ang suporta ng taong bayan.”

Pinagmulan: panoorin mula 35: 14-35: 27

ANG KATOTOHANAN

Ang pahayag ni Dela Rosa na si Duterte ay “mahirap” at “walang pera” ay salungat sa mga naunang pahayag mismo ng pangulo.

Si Duterte ay paulit-ulit na binabago ang sariling pahayag tungkol sa kanyang yaman at ng kanyang pamilya; sa ilang mga talumpati, sinasabi niyang siya ay nagmula sa isang mahirap na pamilya, habang sa iba ay sinabi niyang siya ay nagmana ng malaking kayamanan. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte flip-flops on family’s wealth at VERA FILES FACT CHECK: In his own words: Duterte sometimes poor, sometimes rich)

Noong nakaraang taon, ang presidente, na inimbestigahan ng Office of the Ombudsman dahil sa umano’y tagong kayamanan, ay nagsabi na ang kanyang ipon ay “hindi lalagpas sa P40 milyon.” (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Timeline of the controversy on Duterte’s wealth)

Ang ikalawang pahayag ni Dela Rosa ay maaaring nangangahulugan na hindi nakuha ni Duterte ang suporta ng mga mayayaman, o ang kanilang mga boto ay hindi napakahalaga sa landslide nitong pagkapanalo noong 2016. Pareho itong walang basehan.

Ang statement of contributions and expenditures (SOCE) ni Duterte ay nagpapakita na ang malaking bahagi ng mga pondo para sa kanyang kampanya ay nagmula sa mga kilalang mayayamang personalidad. Kabilang sa mga nangungunang nagbigay ng pondo ay sina Davao del Norte 2nd District Rep. Antonio Floirendo Jr. at dating Sen. Alan Peter Cayetano na tumakbo bilang kanyang bise presidente.

Sinabi rin ni Duterte sa magkahiwalay na okasyon na pinondohan nina Ilocos Norte Gob. Imee Marcos at Transport Secretary Arthur Tugade ang kanyang kampanya. Wala sina Marcos at Tugade sa SOCE ni Duterte. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Did Imee fund Duterte’s campaign?and VERA FILES FACT CHECK: Duterte either made a false claim or admitted to election offense in Jerusalem)

Kung ang ibig sabihin ni Dela Rosa ay ang mga botante sa mas mataas na mga antas ng kinikita ay hindi nakatulong sa panalo ni Duterte, ang exit poll ng Social Weather Stations (SWS) noong 2016 na pinondohan ng TV5 Network Inc. ay taliwas sa kanyang pahayag.

Habang ang survey ay nagpakita na si Duterte ay nanguna sa botohan sa lahat ng panlipuna’t pangkabuhayang antas, ang kanyang pinakamalalaking lamang ay sa mga botanteng kabilang sa class ABC.

Sa kanyang kolum sa Philippine Daily Inquirer noong Mayo 14, 2016, sinulat ni SWS president Mahar Mangahas:

“Habang mas mataas ang klase, mas malakas ang hatak ni Duterte: Ang kanyang lamang kay Roxas ay 26 puntos sa class ABC, kumpara sa 17 puntos sa class D, at 7 puntos lamang sa class E.”

Pinagmulan: Inquirer.net, Revelations of the TV5-SWS Exit Poll, Mayo 14, 2016

Ang dating Interior Secretary Manuel “Mar” Roxas ay pumangalawa sa pampanguluhang labanan noong 2016, kapos ng may higit na 6.6 milyong boto.

Ang TV5-SWS exit poll ay nagkaroon ng final sample size na 72,821 botante mula sa mga 802 voting center sa buong bansa. Bukod sa panlipuna’t pangkabuhayang antas, sinakop ng survey ang karaniwang demograpiko kabilang ang kasarian, edad, edukasyon at relihiyon.

Ang buong resulta ng eleksyon ay ibubukas sa publiko sa 2019, hanggang sa kung saan ang sponsor ng survey ay may mga eksklusibong karapatan, sinabi Vladymir Licudine, SWS deputy director for survey design, analysis and training group.

Mga pinagkunan ng impormasyon:

UNTV News and Rescue, Ronald “Bato” Dela Rosa, Interview at Get it Straight with Daniel Razon, Nov. 21, 2018

PCOO, President Rodrigo Duterte, Speech during the installation of new officers and induction of new members of the Integrated Bar of the Philippines Davao City Chapter, Sept. 30, 2017

Statement of Contributions and Expenditures, Rodrigo Duterte

Mangahas, M. (May 14, 2016), Inquirer.net, Revelations of the TV5-SWS Exit Poll

Social Weather Stations, The Bilang Pilipino TV5-SWS 2016 Exit Poll, May 9, 2018

Social Weather Stations, The 2017 SWS Survey Review, Jan. 31, 2017

CNN Philippines, Official count: Duterte is new president, Robredo is vice president, May 30, 2016

Philstar.com, Duterte, Robredo win in final, official tally, May 27, 2018

Aljazeera, Rodrigo Duterte officially wins Philippines presidency, May 27, 2018

Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.