Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Dela Rosa nanligaw sa pagbabanggit ng mga lumang balita tungkol sa death penalty

Niligaw ni Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa ang kanyang mga kapwa mambabatas at ang publiko nang mamili siya ng mga detalye ng isang ulat ng Inquirer noong 2017 para palakasin ang kanyang posisyon para sa muling pagpapataw ng parusang kamatayan sa bansa.

By VERA Files

Aug 27, 2020

7-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Niligaw ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang kanyang mga kapwa mambabatas at ang publiko nang mamili siya ng mga detalye ng isang ulat ng Inquirer noong 2017 para palakasin ang kanyang posisyon para sa muling pagpapataw ng parusang kamatayan sa bansa.

PAHAYAG

Sa plenary session ng Senado noong Hulyo 29, sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng pulisya at corrections, na mula nang ipawalang-bisa noong 2006 ang Republic Act 7659, na nagbalik sa parusang kamatayan, ang bansa ay:

“…witnessed the horrors of [the] increasing trend of crime rate, particularly those that involved drug trafficking (nasaksihan ang mga kakila-kilabot na pagtaas ng krimen, lalo na iyong may kinalaman sa droga).”

Sinabi niya pagkatapos:

“According to a news article published (on) January 29, 2017, the Philippines saw a decrease in crime rate when the death penalty was imposed for heinous crimes in 1993. Crime rate decreased from 145.7 in 1993 to 98 in 1998.

(Ayon sa isang artikulo ng balita na inilathala (noong) Enero 29, 2017, nakita ng Pilipinas ang pagbaba ng crime rate nang ang parusang kamatayan ay ipinataw sa mga heinous crime noong 1993. Bumaba ang rate ng krimen mula 145.7 noong 1993 hanggang 98 noong 1998.)”

Pinagmulan: Senate of the Philippines, Senate Session No. 2 (July 29, 2020), Hulyo 29, 2020, panoorin mula 55:10 hanggang 55:17 at mula 55:19 hanggang 55:41

ANG KATOTOHANAN

Bagamat hindi tinukoy ni Dela Rosa ang “artikulo ng balita” na kanyang sinasabi, isang Google Advanced Search gamit ang mga keyword na “crime rate,” “death penalty,” “decrease,” at ang panahon na nabanggit niya ay humantong sa isang ulat ng Inquirer.net na nailathala noong Enero 29, 2017 na pinamagatang “Looking at the numbers behind death penalty.”

Sinabi ng ulat, sa katunayan, na ang crime rate ng bansa ay nabawasan ng halos 50 percentage points, mula sa 145.7 porsyento noong 1993 hanggang 98 porsyento noong 1998. Gayunpaman, hindi binanggit ni Dela Rosa ang iba pang mahahalagang natuklasan sa kwento.

Matapos na banggitin ang pagbaba ng crime rate mula 1993 hanggang 1998, sinabi agad ng ulat ng Inquirer:

In 1999, however, when six of the seven executions under the Estrada administration happened, the crime rate rose to 111 [percent] (Noong 1999, gayunpaman, nang mangyari ang anim sa pitong execution sa ilalim ng Estrada administration, ang crime rate ay tumaas sa 111 [porsyento]).”

Pinagmulan: Inquirer.net, Looking at the numbers behind death penalty, Enero 29, 2017

Ito ay naaayon sa datos ng krimen na inilathala ng Philippine Statistics Authority (PSA), batay sa mga opisyal na tala ng pulisya, na nagpapakita na ang crime rate sa bansa ay nagbabago mula 1993 hanggang 2006.

Ang mga statistical yearbook na inilathala ng ahensya nang buong panahon na ito ay naglalaman ng mga bahagyang hindi pagkakapare-pareho. Kaya’t kinuha ng VERA Files ang pinakabagong magagamit na mga bilang para sa bawat taon.

Batay sa taunang statistical yearbook ng PSA noong 2005, ang crime rate na 145.7 bawat 100,000 populasyon noong 1993 ay unti-unting lumubog sa 97.8 porsyento noong 1998, ngunit muling tumaas sa 110.5 porsyento nang sumunod na taon.

Ang mga bilang ay patuloy na akyat-baba hanggang 2006, batay sa datos mula sa PSA 2008 (mula 2000 hanggang 2004) at 2014 (mula 2005 hanggang 2006) statistical yearbooks.

Ang pahayag ni Dela Rosa na “nasaksihan ng bansa ang mga kakila-kilabot na pagtaas ng trend ng rate ng krimen” pagkatapos nang 2006 ay nakaliligaw din.

Ang crime rate ay bumaba ng halos 14.02 percentage points sa taon matapos na mapawalang bisa ang parusang kamatayan, mula sa 82.57 porsyento noong 2006 hanggang 68.55 porsyento noong 2007, at pagkatapos ay bahagyang tumaas muli sa 74.75 porsyento noong 2008.

Lumobo ito ng higit sa 550 porsyento nang sumunod na taon. Gayunpaman, pinuna ng mga yearbook ng PSA simula noong 2010 na ang datos ng krimen mula 2009 ay “hindi maikukumpara sa datos mula sa mga nakaraang taon” dahil sa isang bagong pamamaraan ng pag-uulat ng krimen na binago ang data parameters.

Noong 2009, ipinagtibay ng Philippine National Police (PNP) ang National Crime Reporting System (NCRS), na nag-uutos sa lahat ng mga yunit ng PNP na iulat ang mga insidente ng krimen sa national headquarters para sa “sentralisadong pag-record,” ayon sa PSA.

Mula noon, umasa ang PNP sa Unit Crime Periodic Report, isang sistema ng pag-uulat na batay sa blotter, bilang batayan nito sa pagtatala ng mga datos ng krimen upang “maitaguyod ang pagkakapare-pareho sa pagtatala ng insidente ng krimen.”

Sa isang ulat na balita noong 2012, sinabi ng noo’y deputy director general ng PNP na si Alan Purisima sa The Philippine Daily Inquirer na:

Before [2009], the crime volume in the country was probably one of the lowest (in the world) because we were not reporting the crimes correctly as they happened (Bago ang [2009], ang dami ng krimen sa bansa ay marahil isa sa pinakamababa (sa mundo) dahil hindi namin iniuulat nang wasto ang mga krimen kapag nangyari).”

Ang mga natuklasang ito ay nabanggit din sa 2017 news report na binanggit ni Dela Rosa sa kanyang talumpati.

Humiling ang VERA Files ng na-update na dcrime data mula sa PNP, ngunit wala pa rin kaming natatanggap na tugon.

BACKSTORY

Naisabatas noong 1993, ang parusang kamatayan ay ibinasura matapos ang higit isang dekada noong 2006 sa pamamagitan ng RA 9346, na nilagdaan ni dating pangulo Gloria Macapagal-Arroyo.

Kasunod ng pagpapawalang-bisa, ang Pilipinas ay naging isang partido sa Second Optional Protocol, isang side agreement sa International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR), na nilagdaan at niratipika noong Dis. 19, 1966, at Okt. 23, 1986, ayon sa pagkakabanggit. Malinaw na ipinagbabawalan ng Second Optional Protocol ang mga estado ng signatory sa pagsasagawa ng mga pagpatay sa loob ng kani-kanilang nasasakupan.

Tinukoy din ng Article 6 ng ICCPR na ang “parusang kamatayan ay maaaring ipataw para lamang sa pinaka-seryosong krimen” sa mga bansa na hindi pa tinatanggal ang parusang kamatayan.

Sa 2007 report ni UN Special Rapporteur on extrajudicial, summary, o arbitrary executions Philip Alston, sinabi niyang ang UN Commission on Human Rights at UN Human Rights Committee ay nagpasiya na “drug trafficking” at “katiwalian,” bukod sa iba pang mga pagkakasala, ay sa labas ng saklaw ng “pinaka-seryosong mga krimen” kung saan maaaring ipataw ang parusang kamatayan.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address noong Hulyo 27, inulit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang panawagan para sa “mabilis na pagpasa ng isang batas na muling bubuhay sa parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection,” partikular sa mga krimen sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act, na sinasabing hindi lamang ito tutulong na “hadlangan ang kriminalidad” kung hindi “sasagipin din ang ating mga anak” mula sa ilegal na droga.

Hindi bababa sa 11 na panukalang batas ang nakabinbin sa Senado, kasama ang Senate Bill 226 na isinulat ni Dela Rosa, at 13 sa House of Representatives na nagnanais na buhayin ang parusang kamatayan.

 

Mga Pinagmulan

Senate of the Philippines, Senate Session No. 2 (July 29, 2020), July 29, 2020

INQUIRER.net, Looking at the numbers behind death penalty, Jan. 29, 2017

Crime statistics

Philippine National Police, UNIT CRIME PERIODIC REPORT, April 22, 2009

Philippine Daily Inquirer, PNP: Rise in crime due to reporting system, not failure of cops, Nov. 12, 2012

Official Gazette, Republic Act No. 9346, June 24, 2006

Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights, Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights, aiming at the abolition of the death penalty, Dec. 15, 1989

United Nations Treaty Collection, International Covenant on Civil and Political Rights, Dec. 16, 1966

United Nations Office of the High Commissioner on Human Rights, International Covenant on Civil and Political Rights, Dec. 16, 1966

United Nations Office of the High Commissioner on Human Rights, Report of the Special Rapporteur on Extrajudicial, Summary or Arbitrary Executions, UN Doc. A/HRC/4/20, March 2007

RTVMalacanang, President Rodrigo Duterte’s 5th State of the Nation Address (SONA) 7/27/2020, July 27, 2020

Senate of the Philippines, Senate Bill 226

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.