Nagbago na naman ng pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte noong Peb. 25 nang sabihing “marami” siyang mga mayayamang kaibigan na maaaring hingan ng pinansiyal na tulong.
PAHAYAG
Sa change of command ceremony ng Presidential Security Group (PSG), sinabi ni Duterte na handa siyang manghingi ng pera upang pondohan ang mga karagdagang drills ng militar dahil ang mga nasabing aktibidad ay nagbibigay sa publiko ng “sense of security” at pride.
Nangako sa mga opisyal ng PSG na hihingi lamang siya ng pondo mula sa mga taong “handang (magbigay),” sinabi niya pagkatapos:
“Marami akong kaibigan na mayayaman. Marami akong classmates (kaklase) na talagang made it (may kaya na). Well, one of them is (Ang isa sa kanila ay si) [Transport Secretary Arthur] Tugade. He’s a billionaire even before (Isa siyang bilyonaryo noon pa man).”
Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office, Speech of President Rodrigo Roa Duterte during the [PSG] Change of Command Ceremony, Peb. 25, 2020, panoorin mula 5:49 hanggang 6:39
FLIPFLOP
Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address noong Hulyo 2019, tahasang sinabi ni Duterte na siya ay “walang mayamang mga kaibigan.” At hindi rin niya nais na magkaroon, idinagdag niya.
Itinatanggi ang mga paratang na iniutos niya ang anim na buwang pagsasara at rehabilitasyon ng Boracay Island para sa kapakinabangan ng kanyang mga crony, sinabi ng pangulo:
“Wala akong kaibigang mayaman. Ayaw kong kaibigan ang mayaman because ‘pag mayaman ka, tatabi ka lang sa akin, pati ako napahiran na ng… Kung anu-ano ang hingin mo sa gobyerno.
Pinagmulan: RTVMalacanang, State of the Nation Address (SONA) 2019 (Speech), Hulyo 22, 2019, panoorin mula 25:08 hanggang 25:33
Tinukoy ng VERA Files Fact Check ang pahayag ni Duterte noon at ni-rate na flip-flop dahil hayagan niyang ikinukwento ang ilan sa mga mayayaman at kilala niyang “kaibigan” — tulad nila Tugade, Finance Secretary Carlos Dominguez III, at ang kanyang dating special aide at ngayon ang senador Christopher Lawrence “Bong” Go — sa mga nakaraang talumpati at panayam mula umpisa ng kanyang termino. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte flipflops on having wealthy friends)
Mga Pinagmulan
Presidential Communications Operations Office, Speech of President Rodrigo Roa Duterte during the [PSG] Change of Command Ceremony, Feb. 25, 2020
RTVMalacanang, State of the Nation Address (SONA) 2019 (Speech), July 22, 2019
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)