Skip to content
post thumbnail

​VERA FILES FACT CHECK: Duterte iniutos ang muling paglabag sa mga patakaran ng bidding

Ang presidente ay walang kapangyarihan na mag utos sa isang institusyon na laktawan ang batas sa pagkuha/procurement law

By VERA Files

Jul 26, 2017

5-minute read

BASAHIN SA INGLES

ifcn badge

Share This Article

:

Sa kalagitnaan ng kanyang dalawang-oras na State of the Nation Address (SONA), sinabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang opisyal ng Gabinete na “huwag pansinin” ang Commission on Audit (COA).

Pinupuna ang mga pagkaantala sa paghahatid ng mga medikal na kagamitan para sa militar tila dahil sa umiiral na mga panuntunan sa pagkuha (procurement rules), tinukoy ni Duterte si Health Secretary Paulyn Jean Ubial, at sinabihan na kanyang “baguhin ang pamamaraan (patakaran).”

PAHAYAG

Sinabi ni Duterte:

“Kaya sabi ko kay Ubial, hindi niya kasalanan… dahil ito sa pagkuha, pero ganun kahaba (ang proseso). Si Secretary Ubial andito? Andito ka ba, Kalihim? Palitan (mo) ang pamamaraan dahil papalitan kita… Ngunit bilang pangmatagalang solusyon, hinihimok ko ang Kongreso na lubusang na repasuhin ang mga umiiral na batas sa pagkuha, at gumawa ng batas na matitiyak ang mabilis na paghahatid ng mga kalakal at serbisyo sa mga tao – lalo na ang mga gamot at mga kagamitan sa ospital. Kasi itong militar, sabi ko ‘Huwag isipin/pansinin ang COA.’ Sasagutin ko iyan.”

Pinagkunan: 2nd State of the Nation Address (SONA) ni President Rodrigo Roa Duterte, House of Representatives, Quezon City, Hulyo 24, 2017, panoorin mula 02:18:12 to 02:20:13

FACT

Hindi ito ang unang pagkakataon na ginawa ni Duterte ang mga maling pahayag tungkol sa procurement rules (mga panuntunan sa pagkuha) ng pamahalaan.

Ang VERA Files ay may mas naunang fact-check sa katulad na pahayag na ginawa ng pangulo sa isang talumpati sa Butuan City noong Hunyo 17, at may nakita na tatlong kamalian. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Maaari bang uturan ng presidente ang COA na laktawan ang mga panuntunan sa bidding ng gobyerno?)

Una, ang presidente ay walang kapangyarihan na mag utos sa isang institusyon na laktawan ang batas sa procurement law o “baguhin ang pamamaraan” na itinakda sa batas, nang walang pagsusog o pagbabago ang Kongreso sa mismong batas.

Hindi ito pinapayagan sa Republic Act No. 9184 o ang Government Procurement Reform Act (GPRA), sabi ng Government Procurement Policy Board sa VERA Files sa isang naunang pakikipanayam, bagaman si Duterte mismo, sa parehong pahayag, ay hinimok ang Kongreso na repasuhin ang mga umiiral na batas sa pagkuha/procurement laws at magkaroon ng bagong batas.

Ikalawa, hindi pinamumunuan ng COA ang proseso ng bidding.

Sa ilalim ng batas, ang proseso ng bidding para sa pagbili ng mga kalakal, mga serbisyo sa pagkonsulta at mga proyektong pang-imprastraktura ay pinamumunuan ng Bids and Awards Committee (BAC) ng bawat ahensiya ng gobyerno.

Inatasan ng Konstitusyon ng 1987 na i-audit ang lahat ng mga paggasta ng pamahalaan, ang tanging papel ng COA sa pagkuha/procurement ay tiyakin ang transparency sa pamamagitan ng pagpapadala ng isang tagamasid sa panahon ng proseso ng bidding.

Ikatlo, kahit na ang militar ay saklaw ng batas na kailangan ng “kumpetisyon o pampublikong bidding,” na nagbubukas sa buong proseso ng bidding sa anumang interesadong partido, hindi alintana kung ang pinagmumulan ng pagpopondo ay lokal o dayuhan.

Ang pamahalaan ay maaaring gumamit ng mas mabisa at matipid na alternatibong mga pamamaraan ng pagkuha/procurement, basta makuha ang pinakakapakipakinabang na presyo. Kasama rito ang limited source bidding o selective bidding, direct contracting, repeat order, shopping at negotiated procurement.

Bago himukin ang Kongreso na gumawa ng bagong batas sa mga pamamaraan sa pagkuha/procure ng pamahalaan, pinirmahan ni Duterte ang Executive Order No. 34, na bukod sa iba pa, pinapasimple ang pag-apruba ng mga kontrata ng pamahalaan na ipinasok sa pamamagitan ng alternatibong paraan ng pagkuha/procurement.

Binago ng E.O. 34, na pinirmahan ni Duterte noong Hulyo 7, ang E.O. 423 ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na kapansin-pansin ang Seksiyon 4, na tinanggal ang probisyon na kailangan ng procuring entity na humingi ng opinyon ng GPPB at ng pag-apruba ng direktor ng National Economic and Development Authority (NEDA) bago magsagawa ng mga alternatibong paraan ng pagkuha/procurement para sa mga kontrata na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P500 milyon.

“Ang pangangailangan ng pagpapasiya at pag-apruba ng GPPB,” puna ng E.O. 34, “ay nagdaragdag sa kabuuang proseso ng pagkuha/procurement at takdang panahon, at binibigo ang mismong layunin ng paggamit sa mga alternatibong pamamaraan ng pagkuha/procurement.”

Sa ilalim ng pinakahuling EO, ang pinuno ng procuring entity ay maglalabas ng isang sinumpaang sertipikasyon na ang kontrata ay sumusunod sa mga eksepsiyon ng pampublikong bidding.

Gayunman, sa isang naunang kaso tungkol sa mga alternatibong paraan ng pagkuha/procurement, kinatigan ng Korte Suprema ang malakas na “pagsunod sa mga kondisyon na ibinigay sa GPRA at lahat ng mga may kinalaman na patakaran at pamamaraan.”

Noong 2015, nagpasya ang mataas na kapulungan na ang Commission on Elections (Comelec) ay labis na inabuso ang kalayaan nitong magdesisyon na humantong sa kulang o labis na hurisdiksyon nang ito ay nabigong bigyang-katwiran ang mga dahilan nito sa paggamit ng direktang paraan ng pagkontrata sa provider ng teknolohiya na Smartmatic-TechnoIogy Information Management sa halip ng bukas na proseso ng bidding sa publiko. Dahil dito, ang kontrata ay pinawalang bisa.

“Habang kinikilala ng Korte na ang Comelec ay dapat bigyan ng sapat na kaluwagan sa pagpapatupad nito sa utos ng konstitusyon,” sinabi ng desisyon na, “hinihingi ang pantay na pagkilala na tungkulin ng Korte ayon sa konstitusyon na tiyakin na ang lahat ng mga aksyon ng pamahalaan ay legal na pinahihintulutan.”

Maraming mga panukalang batas para baguhin ang GPRA ang naihain na sa Kongreso ngunit nakabinbin pa sa Committee on Appropriations.

Mga pinagmulan:

Executive Order No. 34, s. 2017

Executive Order No. 423, s. 2005

Republic Act No. 9184 or the Government Procurement Reform Act

 

Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.

 

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.