Muling sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may “constitutional mandate” ang Commission on Audit (COA) na i-audit ang Philippine Red Cross (PRC), isang independent, autonomous, non-government organization.
Ito ay nangangailangan ng konteksto.
ANG PAHAYAG
Sa isang pahayag sa telebisyon noong Set. 20, sinabi ni Duterte nang walang iniharap na anumang ebidensiya na si Sen. Richard “Dick” Gordon ay “pinagsama” ang humigit-kumulang P88 milyon sa priority development assistance fund (PDAF) sa pera ng Red Cross, na pinamumunuan ni Gordon. Sinabi niya na ang halaga ay “nawala magpakailanman; hindi ito maipaliliwanag (kung saan ginamit o napunta).”
Sinabi pa ng pangulo:
“[K]ung totoo ito, you (Gordon) must answer [for] it, because I am really going to insist that COA conduct an audit sa (on) Red Cross. You cannot escape that constitutional mandate.”
([K]ung totoo ito, ikaw (Gordon) kailangan sagutin ito, dahil ako talagang pipilitin ko na ang COA ay gumawa ng audit sa Red Cross. Hindi mo matatakasan ang mandato ng konstitusyon.)
Pinagmulan: RVMalacanang Official Youtube Channel, President Rodrigo Roa Duterte’s Talk to the People 9/20/2021, Set. 20, 2021, panoorin mula 10:00 hanggang 10:20
Idinagdag niya:
“As a matter of fact, the mandate that you give — you have to give me, a yearly report of COA’s wrongdoings or anong ginawa, hindi mo binigay.”
(Sa katunayan, ang mandato na bigay mo — kailangan bigyan mo ako, isang taunang report ng kamalian ng COA o anong ginawa, hindi mo binigay.)
Pinagmulan: panoorin mula 10:20 hanggang 10:33
Bilang tagapangulo ng Blue Ribbon Committee, si Gordon ang pinagbubuhusan ng galit ni Duterte dahil sa pangunguna sa pagsisiyasat ng Senado sa mga transaksyon ng gobyerno na may kaugnayan sa pagtugon sa pandemya.
ANG KATOTOHANAN
Bilang isang non-government organization, ang PRC ay hindi napapailalim sa mandated audit ng COA sa taunang paggasta at mga kita ng mga ahensya ng gobyerno.
Gayunpaman, maaaring magsagawa ang COA ng post-audit, o pagrepaso sa mga transaksyon ng gobyerno sa mga pribadong entity, gaya ng Red Cross, na kinumpirma ni COA Chairperson Michael Aguinaldo sa isang pagdinig noong Set. 2 sa House of Representatives.
Ipinaliwanag ni Aguinaldo, sa pagdinig ng Kamara sa panukalang budget ng COA para sa 2022:
“We do not have the jurisdiction to audit the organization, ‘yung Philippine National Red Cross. The only thing we can audit are payments made by PhilHealth to the Red Cross but in that case what we’re auditing, actually, is PhilHealth for making those payments.”
(Wala kaming hurisdiksiyon na i-audit ang organisasyon, ‘yung Philippine National Red Cross. Ang maaari lang naming i-audit ay ang mga pagbabayad na ginawa ng PhilHealth sa Red Cross ngunit sa kasong iyon, ang aming ina-audit, talaga, ay ang PhilHealth para sa paggawa ng mga pagbabayad na iyon.)
Pinagmulan: House of Representatives Official Facebook Page, COMMITTEE ON APPROPRIATIONS Agenda: FY 2022 Budget briefing (Commission on Audit), Set. 2, 2021, panoorin mula 51:09 hanggang 52:06
Ang COA ay inaatasan ng Konstitusyon na magsagawa ng taunan at regular na pag-audit ng mga kita at gastos ng mga ahensya ng estado at lahat ng mga korporasyong pag-aari at kontrolado ng gobyerno. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Hirit ni Gadon tungkol sa pondo ng Red Cross at audit, mali)
Ang mga pribadong entidad na tumatanggap ng mga subsidy mula sa gobyerno ay maaari ring i-post-audit, ayon sa Article IX, Section 2d ng Konstitusyon. Ang post-audit ay isang pagrepaso pagkatapos magawa ang isang transaksyon ng pamahalaan. Sa ilalim ng probisyong ito, tinitingnan ng COA ang pagsunod sa pananalapi, kahusayan sa ekonomiya, at pagiging epektibo ng pagbabayad.
Noong nilikha ang PRC sa ilalim ng Republic Act No. 10072, ang gobyerno ay naglaan ng “kahit isang lottery draw” bawat taon mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office upang suportahan ang blood program at disaster relief efforts ng Red Cross.
Gayunpaman, walang alokasyon ang PRC sa ilalim ng budget ng pambansang pamahalaan, o ang general appropriations act (GAA), na pinag-uusapan at inaaprubahan ng Kongreso.
Nauna nang iginiit ni Duterte na mandato ang COA na i-audit ang PRC. Sa isang talumpati noong Set. 11, sinabi niya na ang komisyon ay “magiging babaya sa tungkulin” kung “tumanggi itong magsagawa ng investigation audit.”
Sa PDAF ni Gordon
Sa panayam noong Set. 21 sa ABS-CBN Teleradyo, kinumpirma ni Gordon na inilaan niya ang isang bahagi ng kanyang PDAF noong 2010 sa Department of Social Welfare and Development para bumili ng mga mangosteen sa Sulu at sa PRC para makabili ng mga ambulansya, na pinayagan noon.
Idineklara ng Korte Suprema na labag sa konstitusyon ang PDAF noong 2013, kasunod ng imbestigasyon ng Philippine Daily Inquirer sa pork-barrel scam, na kinilala ang negosyanteng si Janet Lim Napoles bilang utak sa likod ng P10-bilyong scam.
Unang isinama ang PDAF sa 1990 GAA noong termino ng yumaong Pangulong Corazon C. Aquino. Naglaan ito ng pera sa mga distrito ng kongreso para pondohan ang “maliit na lokal na imprastraktura at iba pang prayoridad na proyekto ng komunidad” na tinukoy ng mga mambabatas.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Official Gazette of the Philippines, Republic Act No. 10072, April 20, 2010
Presidential Communications Operations Office (PCOO), TALK TO THE PEOPLE OF PRESIDENT RODRIGO ROA DUTERTE, Sept. 20, 2021
RTVMalacanang Official Youtube Channel, President Rodrigo Roa Duterte’s Talk to the People 9/20/2021, Sept. 20, 2021
House of Representatives Official Facebook Page, COMMITTEE ON APPROPRIATIONS Agenda: FY 2022 Budget briefing (Commission on Audit), Sept. 2, 2021
Official Gazette of the Philippines, The 1987 Constitution, Accessed Sept. 23, 2021
Commission on Audit (COA), Circular No. 81-162, July 1, 1981
On Gordon’s PDAF
- ABS-CBN News Official Youtube Channel, Gordon confirms part of PDAF given to Philippine Red Cross in 2010 | TeleRadyo, Sept. 21, 2021
- CNN Philippines, EXPLAINER: What you need to know about the PDAF scam, Feb. 14, 2021
- Commission on Audit (COA), “C. Post-Martial Law Era: Corazon Cojuangco Aquino Administration(1986-1992)”, Accessed Sept. 23, 2021
- Supreme Court of the Philippines, G.R. No. 208566, Nov. 19, 2013
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)