Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Duterte labis na pinalaki ang bilang ng namamatay araw araw dahil sa droga sa US, mali nang pagsipi kay Obama

Mali si Duterte sa parehong mga pahayag.

By VERA FILES

Jun 19, 2019

5-minute read

Basahin ni Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa isang talumpati sa harap ng mga Pilipino sa Tokyo, Japan, si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagbigay ng napakalaking bilang ng mga namamatay araw araw sa US dahil sa droga at nagkamali rin sa pagsipi sa sinabi ni dating U.S. President Barack Obama.

 

PAHAYAG

Noong Mayo 30, binalikan ni Duterte ang kanyang tirada laban kay Obama tungkol sa mga extrajudicial killing umano sa Pilipinas noong 2016:

“Ngayon, hinahabol ako ng Amerika noon. Kaya kami nag-away. Kaya pinu****-i** ko si Obama. Talaga, sinabi ko, ‘p***** i****, l**** ka. ‘Wag mo akong pakialaman. In a presscon sabihin mo na, ‘we will prosecute you for extrajudicial killing(Sa isang presscon sabihin mo na, ‘uusigin ka namin dahil sa extrajudicial killing.’

Pinagmulan: RTVMalacanang, Pagpupulong sa Filipino Community (Talumpati) 5/30/2019, Mayo 30, 2019, panoorin mula 30:25 hanggang 30:52

Idinagdag niya:

 

“Tama ka na, sabi ko, ‘bantayan mo ‘yang iyo kay mas deadly (nakamamatay) ‘yan There are 63,000 lives lost in America every day sa droga (May 63,000 na buhay na nawawala sa Amerika araw-araw dahil sa droga.)”

Pinagmulan: RTVMalacanang, Pagpupulong sa Filipino Community (Talumpati) 5/30/2019, Mayo 30, 2019, panoorin mula 30:52 hanggang 31:06

ANG KATOTOHANAN

Mali si Duterte sa parehong mga pahayag.

Hindi kailanman sinabi ni Obama na “uusigin ka (Duterte) namin (U.S.) dahil sa mga extrajudicial killing.”

Tinawag ni Duterte si Obama na “anak ng kalapating mababa ang lipad” nang tanungin siya kung ano ang kanyang gagawin sakaling banggitin ng pangulo ng Amerika ang isyu ng mga extrajudicial killing sa Pilipinas sa 2016 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit.

Sa huling araw ng G-20 Leaders’ Summit sa Hangzhou, China, noong Setyembre 2016, sinabi ni Obama:

“We recognize the significant burden that the drug trade plays not just in the Philippines, but around the world. And fighting narco-trafficking is tough. But we will always assert the need to have due process and to engage in that fight against drugs in a way that’s consistent with basic international norms.”

“(Kinikilala namin ang malaking pasanin na dala ng bawal na gamot hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo. At ang pakikipaglaban sa narco-trafficking ay mahirap. Ngunit lagi naming igigiit ang pangangailangan ng tamang proseso at pagsali sa pakikipaglaban sa droga sa isang paraan na naaayon sa mga pangunahing internasyunal na pamantayan.)”

Mali rin ang sinabi ni Duterte na umaabot na sa 63,000 ang bilang ng namamatay sa pagdo-droga kada araw sa U.S.

Ayon sa ulat na Opioid Crisis ng White House, halos 175 ang naitalang namamatay araw-araw dahil sa overdose sa droga noong 2016.

Ang pinakamalapit na bilang sa di-wastong datos ni Duterte ay ang sa U.S. Center for Disease Control and Prevention (CDC), na nagtala ng 63,632 na namatay dahil sa overdose ng gamot sa parehong taon.

Isang ulat ng CDC na inilabas noong Enero ang nagtala ng 70,237 pagkamatay na may kinalaman sa droga sa U.S. noong 2017. Ang 47,600 na mga biktima o 67.8% ng mga namatay na may kinalaman sa droga ay dahil sa mga opioid.

Ang pinakabagong datos mula sa National Center for Health Statistics (NCHS), ang pangunahing health statistics provider sa U.S., ay nagpapakita ng pagtaas dami ng mga pagkamatay kaugnay ng droga sa U.S. mula 1999 hanggang 2017.

Naitala ng NCHS ang 66,986 pagkamatay dahil sa overdose sa droga batay sa mga rekord na nakolekta mula Nobyembre 2017 hanggang Nobyembre 2018.

Ang mga opioid, na minsan tinatawag na narcotics, ay mga gamot na inirereseta ng mga doktor upang pamahalaan ang patuloy o matinding sakit. Ang mga ito ay ginagamit ng mga taong may malubhang sakit ng ulo at likuran, mga pasyente na nagpapagaling mula sa operasyon o nakakaranas ng matinding pananakit, ayon sa American Society of Anesthesiologists.

Ang mga opioid ay maaaring magkaroon ng matinding mga side effect at maaaring humantong sa pagkagumon. Ang codeine, fentanyl at morphine ay kabilang sa maraming uri ng mga inireseta na opioid.

Sa isang talumpati sa kanyang bayan sa Davao City noong 2017, sinabi ni Duterte sa mga tao na pakiramdam niya na siya ay nasa “cloud nine” matapos ang gumamit ng fentanyl, isang opioid, na inireseta ng kanyang doktor bilang isang pain reliever para sa pinsala sa kanyang spine dahil sa isang insidente sa motorsiklo noong 2013.

Ang fentanyl ay itinuturing na isang “mapanganib na gamot” sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Nakaklasipika bilang “Schedule 1” na gamot sa ilalim ng 1961 United Nations Single Convention on Narcotic Drugs, na sinususugan ng 1972 protocol, ang fentanyl ay “maaaring kasalukuyang tinatanggap ang gamit sa medikal na paggamot sa Pilipinas, at may mataas na potensyal na ma-abuso na maaaring humantong sa malubhang psychological o pisikal na pagkagumon, “ayon sa Dangerous Drugs Board.

 

Mga Pinagmulan

 

RTVMalacanang, Meeting with the Filipino Community (Speech) 5/30/2019, May 30, 2019

The Obama White House, President Obama Holds a Press Conference, Sept. 5, 2016

The Obama White House, President Obama Holds a Press Conference, Sept. 8, 2016

Philstar.com, Duterte apologizes to Barack Obama, Sept. 8, 2018

ABS-CBN News, Duterte calls Obama a ‘son of a w****’, Sept. 5, 2016

Rappler.com, Obama-Duterte meeting: Sea dispute ruling, human rights on the table, Aug. 30 2016

RTVMalacanang, Question and Answer – Davao City 9/5/2016, Sept. 5, 2016

White House, The Opioid Crisis, n.d.

Centers for Disease Control and Prevention, Drug and Opioid-Involved Overdose Deaths — United States, 2013–2017, January 4, 2019

Centers for Disease Control and Prevention, About CDC 24-7

American Society of Anesthesiologists, What are Opioids

ABS-CBN News, Duterte on Fentanyl use: Felt like cloud nine, Feb. 10, 2017

Philippine Drug Enforcement Agency, Republic Act 9165

Bureau of Food and Drugs Administration, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002

Dangerous Drugs Board, Board Regulation No. 1, Series of 2014

Dangerous Drugs Board, Annex A — Philippine Schedules of Dangerous Drugs

Philippine Medical Association, Guidelines in Prescribing Dangerous Drugs, Oct. 3, 2018

World Health Organization, Single Convention on Narcotic Drugs, 1961 (Amended), n.d.

Centers for Disease Control and Prevention, New Data Show Growing Complexity of Drug Overdose Deaths in America, Dec. 21, 2018

Centers for Disease Control and Prevention, Provisional Drug Overdose Death Counts, Retrieved June 11, 2019

Centers for Disease Control and Prevention, Data Brief 329. Drug Overdose Deaths in the United States, 1999–2017, November 2019

 

(Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.