Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Duterte mali tungkol sa laki ng Davao City

Habang binabalikan ang kanyang karanasan sa pagharap sa mga disaster bilang dating mayor ng Davao City, nagkamali si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsabing Davao City ang "pinakamalaking" lungsod sa buong mundo.

By VERA Files

Nov 21, 2020

3-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Habang binabalikan ang kanyang karanasan sa pagharap sa mga disaster bilang dating mayor ng Davao City, nagkamali si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsabing Davao City ang “pinakamalaking” lungsod sa buong mundo.

PAHAYAG

Sa isang briefing noong Nob. 15 pagkatapos ng Bagyong Ulysses, ang pangulo, na naglingkod bilang mayor ng Davao City mula 1988 hanggang 1996 at 2001 hanggang 2016, o kabuuang 22 taon at apat na buwan, ay nagsabi:

“Ang Davao kasi malawak. On the other side, on the south side, if you had a flood (Sa kabilang panig, sa timog na bahagi, kung magkaroon ka ng baha), ‘yung ulan doon lang. [I]n the downtown area, there was none at all. Pagdating sa north side (Pagdating sa hilagang bahagi), ayon ‘yung baha tapos ulan.”

Sinabi ni Duterte pagkatapos:

“So ganoon kalaki ang Davao City, reputed (kinilalang)—reputedly the biggest city in the world and I would agree (may reputasyon na pinakamalaking lungsod sa buong mundo at sang-ayon ako). Hindi mo ma-ano na kalaki, noong umulan dito, may baha doon. [But] It does not cover the entire place ([Ngunit] hindi ito sakop ang buong lugar).”

Pinagmulan: Presidential Communication Operations Office, Situation Briefing on the effects of Typhoon Ulysses presided over by President Rodrigo Roa Duterte, Nob. 15, 2020, panoorin mula 25:43 hanggang 26:23

ANG KATOTOHANAN

Mali si Duterte. Batay sa land area, hindi bababa sa isang lungsod sa Asia pa lamang ang mas malaki kaysa sa Davao City, na mayroong kabuuang land area na 2,443.61 square kilometers, ayon sa 2015 census ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ang Shanghai City sa China ay may naitalang kabuuang land area na 6,340.5 square kilometers — halos tatlong beses ang laki sa Davao City, ayon sa datos mula sa Shanghai Municipal Statistics Bureau na inilabas noong 2019.

Ang parehong maling pahayag — na naglalarawan sa Davao City bilang “kilalang pinakamalaking lungsod sa buong mundo” — ay makikita rin sa website ng National Economic and Development Authority (NEDA) – Region XI noong pa mang Hulyo 2015.

Gayunpaman, sa Pilipinas, ang Davao City ay nananatiling pinakamalaki. Sinundan ito ng Puerto Princesa City na may kabuuang land area na 2,381.02 square kilometers, Zamboanga City na may 1,414.70 square kilometers, at Ilagan City na may 1,166.26 square kilometers na kabuuang land area, batay sa datos ng PSA.

Ang bagyong Ulysses ay unang nag landfall sa Patnanungan, Quezon Province noong gabi ng Nob. 11. Sinalanta ng bagyo ang mga Region I hanggang V, at Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR) ng isang araw, na nakaapekto sa 3.7 milyong katao sa buong Luzon.

Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nag iwan ang bagyo ng kabuuang P10-bilyong halaga ng pinsala sa mga pananim at imprastrakturang pang-agrikultura sa mga apektadong rehiyon.

 

Mga Pinagmulan

Presidential Communications Operations Office Official Facebook Account, Situation Briefing on the effects of Typhoon Ulysses presided over by President Rodrigo Roa Duterte, Nov. 15, 2020

Philippine Statistics Authority, 2015 Census of Population, Aug. 2016

Shanghai City Government Official Website, Shanghai Basic Facts, Accessed Nov. 20, 2020

National Economic and Development Authority, Davao City, Accessed Nov. 16, 2020

National Disaster Risk Reduction and Management Council Official Website, Situation Report No. 10 for Typhoon Ulysses, Nov. 20, 2020

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.