Mali ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang patayan sa Davao City kasabay ng kanyang pagbibigay diin sa kahalagahan ng kapayapaan sa pag-unlad sa ekonomiya at pag engganyo sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na magbalik loob.
PAHAYAG
Habang nananawagan sa mga rebeldeng komunista na sumuko, sinabi ni Duterte sa isang talumpati noong Okt. 19:
“Ikumpara mo ang Davao sa ibang mga lugar. Tingnan nyo kung ano ang maaaring makamit ng isang lungsod … Sa isang lugar kung saan walang patayan; kung paano ang lungsod na walang patayan ).”
Idinagdag niya:
“Alam mo, kung ang isang lugar ay magulo tulad ng nangyari noon, may mga patayan dito at doon. Ang lugar na ito ang may pinakamaraming pamamaslang. Kahit na ang tindahan doon sa kanto ng kalye — sino na yun? Si … Yung kanto doon. Iyon doon sa Callawa. Tumawid ako sa lugar na iyon ng maraming beses habang nakikipag giyera ka. Hindi tayo uunlad kailanman.”
Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office, President Rodrigo Duterte, Talumpati sa inagurasyon ng Gaisano Grand Citygate Mall, Okt. 19, 2018, panoorin mula 3:35-3:50.
ANG KATOTOHANAN
Hindi malinaw kung ang ibig sabihin ng presidente ay walang mga murder at homicide o walang pagpatay dahil sa mga engkuwentro ng NPA sa Davao City. Ang kanyang pahayag ay hindi tama, alin man sa dalawa ang kanyang tinutukoy.
Kung ang tinutukoy niya ay ang unang sitwasyon, pinasisinungalingan ito ng datos ng pamahalaan.
Nasaksihan ng lungsod ang 56 pagpatay/murder at 15 insidente ng homicide mula Jan. 1 hanggang Oktubre 31, 2018, lamang, batay sa online interactive map ng Philippine National Police (PNP) Bantay Krimen.
Binibilang at binabalangkas ng site ang mga pangunahing insidente ng krimen sa bansa hanggang sa antas ng kalye batay sa datos mula sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) yunit ng PNP, na nangangasiwa ng lahat ng mga istatistika ng krimen. Gayunpaman, ang ilan sa mga tampok na nilalaman ng site, kabilang ang mapa, ay kasalukuyang hindi magagamit habang ang datos ay nire-revalidate, ayon sa IT division ng PNP.
Ang revalidation ay ginagawa upang isama ang mga nahuling naiulat na mga krimen at iba pang pagsasaayos ng mga tanggapan ng rehiyon,sabi ng isang kawani ng DIDM.
Noong 2017, naitala ng lungsod ang 122 murder at 20 homicide, batay sa datos mula sa Davao regional police office na inilathala sa kanilang opisyal na website.
Ang datos ng krimen ng PNP tuwing ikatlong buwan nang Pebrero 2017 ay nagpapakita na mayroong 162 murder at 20 homicide sa lungsod noong 2016. Sa huling termino ni Duterte bilang mayor, ang bilang ay 219 na murder at 31 homicide noong 2015; 169 at 25 noong 2014; at 157 at 55 noong 2013.
Ang Davao City ay nanguna sa bilang ng mga kaso ng murder sa 1,032, at ikatlo sa homicide sa 245 sa listahan ng PNP sa 15 lungsod na may pinakamataas na index ng krimen mula 2010 hanggang 2015. Si Sara Duterte, anak na babae ng presidente ang alkalde ng lungsod mula 2010 hanggang 2013; ang ama niyang Duterte ang mayor mula 2013 hanggang 2016.
Ayon sa Revised Penal Code, ang homicide at murder ay ang pagpatay sa tao na hindi isang direktang miyembro ng pamilya, habang ang murder ay sadyang isinagawa, hindi makatao o may maliwanag na paghahanda, bukod sa iba pang mga kwalipikasyon.
Ngunit kahit na ang ibig sabihin ni Duterte ay walang napatay sa mga engkuwentro sa pagitan ng mga hukbo ng gobyerno at ng NPA, siya ay magiging mali pa rin.
Maraming mga ulat ng balita ang nagpapakita na hindi bababa sa siyam na katao, mga sundalo at mga rebelde, ang napatay sa nakalipas na dalawang taon pa lamang.
Ang pinakahuling insidente, isang putukan kung saan napatay ang pinaniniwalaang lider ng rebelde sa Toril District, Davao City, ay naganap noong Setyembre 16, isang buwan lamang bago binanggit ni Duterte ang pahayag.
Sa pamamagitan ng Google Advanced Search gamit ang mga keyword na “NPA,” “Davao City” at “Killed,” ang VERA Files ay nakapag-triangulate ng apat na engkwentro ng militar-NPA na nagkaroon ng sugatan at/o napatay.
Duterte ay dati nang nagbigay ng maling pahayag tungkol sa sitwasyon ng kapayapaan sa lungsod (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Is Davao City ‘relatively safe’?).Mga pinagkunan ng impormasyon: PCOO, President Rodrigo Duterte, Speech during the inauguration of the Gaisano Grand Citygate Mall, Oct. 9, 2018
Philippine National Police, Bantay Krimen Map
Philippine National Police, Quick Look Crime Environment Report, National Level and Davao City, data as of February 20, 2017
Top 15 Highest Number of Index Crimes
Inquirer.net, Alleged NPA rebel killed in Davao clash, Sept. 17, 2018
GMA News Online, NPA commander killed in Davao city clash — military, Sept. 17, 2018
Philippine News Agency, NPA leader killed in clash with Army troops, Sept. 17, 2018
Manila Bulletin, Two NPAs killed in an attempt to recover a cleared barangay in Davao city, June 28, 2018
Mindanao Times, 2 NPAs killed in clash, June 29, 2018
Philippine News Agency, 2 die, 2 hurt as NPA tries to retake lair in Davao, June 28, 2018
Inquirer.net, 2 soldiers killed in firefight with NPA rebels in Davao, June 11, 2017
Philstar.com, 2 soldiers killed in Davao city clash, June 12, 2017
SunStar Philippines, 2 dead, 6 wounded in Davao city clash, June 11, 2017
Inquirer.net, 4 killed in NPA ambush in Davao city, Feb. 17, 2017
Manila Bulletin, NPA clash in Davao leaves 2 soldiers, 3 rebels dead; 11 others wounded, Feb. 17, 2018
SunStar Philippines, 4 killed 15 wounded in Davao roadside bombing, firefight, Feb. 17, 2017