Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Eagle News, NET25 report walang basehan ang pahayag na pinapayuhan ni CPP founder Joma Sison si Robredo sa kanyang pagkandidato bilang pangulo

Hindi bababa sa dalawang news outlet na nauugnay sa Iglesia ni Cristo ang nag-ulat ng walang basehang pahayag na ang tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Jose Ma. “Joma” Sison ay nagpapayo at nag-aambag sa kampanya sa pagkapangulo ni Vice President Leni Robredo.

By VERA Files

Apr 26, 2022

4-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Hindi bababa sa dalawang news outlet na nauugnay sa Iglesia ni Cristo ang nag-ulat ng walang basehang pahayag na ang tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Jose Ma. “Joma” Sison ay nagpapayo at nag-aambag sa kampanya sa pagkapangulo ni Vice President Leni Robredo.

Na-flag at pinasinungalingan na ng VERA Files Fact Check ang kaparehong pahayag na umiikot sa social media noon pa mang Abril 21. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Pahayag na pinapayuhan ni CPP founder Joma Sison ang Robredo presidential campaign walang basehan)

PAHAYAG

Sa isang segment na pinamagatang “Mata ng Agila” na ipinalabas noong Abril 22, iniulat ni Eagle News broadcaster Vic De Leon Lima na “inamin” ni Sison na pinayuhan niya si Robredo at ang kanyang tagapagsalita na si Barry Gutierrez:

“Inamin naman ng Communist Party of the Philippines na si Jose Maria Sison na ang kanyang partido ay isang pangunahing kontributor sa kampanya ni Vice President Leni Robredo. Siya rin daw ang tumatayong adviser ng bise presidente, at ng kanyang tagapagsalita na si Barry Gutierrez.

 

Sa isang pahayag, hinikayat ni Sison lahat ng partisan na magtiyaga at maging matatag sa pagsuporta kay Robredo na nangakong tatayong kasama ang taong bayan para sa paglaban sa mapang-aping sistema.”

 

Pinagmulan: Eagle News, Mata ng Agila, Abril 22, 2022, panoorin mula 36:00 – 36:33

Idinagdag ni Lima na “nakasentro” ang pahayag ni Sison sa kampanya at diskarte ng bise presidente, na hindi sinasadyang siya ay naging bahagi nito. Sinabi niya:

“Pag-amin pa ni Sison ilang beses siyang nakausap sa telepono ni Gutierrez kung saan inilatag niya ang ilang mga punto kung paano simulan ang pag-atake ng midya sa iba pang kandidato sa pagkapangulo, partikular na sina Mayor Isko Moreno at presidential candidate Bongbong Marcos Jr.”

 

Pinagmulan: panoorin mula 36:47 – 37:11

Ang video ng Eagle News ay may 6,276 views hanggang noong Abril 25.

Ang isang clip ng walang basehang ulat ay na-upload din sa opisyal YouTube channel ng NET25, na nakakuha ng 49,098 views. Ayon sa social media monitoring tool na CrowdTangle, mayroon itong potensyal na maabot ang 368,354 users noong Abril 25.

Ginamit at tinukoy ng Manila Times ang maling ulat sa isang artikulong nai-post noong Abril 22.

Ang Eagle News at NET25 ay parehong nasa ilalim ng Eagle Broadcasting Corp., na pag-aari ni Theoben Jerdan Orosa at nauugnay sa Iglesia ni Cristo. Sa ngayon, ang relihiyosong grupo ay hindi nag-endorso ng sinumang kandidato para sa botohan sa Mayo 9.

ANG KATOTOHANAN

Nilinaw ni Sison sa isang email sa VERA Files Fact Check na hindi niya pinapayuhan si Robredo at hindi rin kumukunsulta sa kanya ang tagapagsalita nito na si Barry Gutierrez.

Itinanggi ng kampo ni Robredo ang anumang relasyon o komunikasyon sa CPP o kay Sison. Noong April 23, sinabi ni Robredo, “Hindi ko pa siya [Sison] nakakausap kahit minsan, personal man o sa anumang paraan.”

Ang opisyal na website ng CPP ay hindi nagpapakita  na gumagawa ng mga naturang pahayag si Sison.

Sa ulat nito, sinabi ng Eagle News na binalaan ni Sison ang kasalukuyang administrasyon sa posibleng pag-aalsa ng masa “kung tatangkain ni Pangulong Rodrigo Duterte na mandaya sa halalan.”

Natagpuan ng VERA Files Fact Check ang isang video noong Abril 23, na na-upload sa YouTube channel ni Sison, kung saan sinabi niya na si Duterte ay “determinadong mandaya sa halalan ng 2022 pabor sa Marcos-Duterte tandem at tiket nito” upang “iwasan ang … pananagutan sa kanyang mga krimen laban sa sangkatauhan.”

Pagkatapos sinabi ni Sison:

“[T]his will certainly incite widespread mass protests and cause further instability of the ruling system. Mass rallies being mobilized by the main political opposition party and the progressive forces continue to grow large to disprove the false claims of popular support for Duterte and his candidates, and indicate the victory of the Robredo-Pangilinan tandem and slate.” 

 

(Tiyak na mag-uudyok siya ng malawakang mga mass protest at magdulot ng higit pang kaguluhan sa naghaharing sistema. Ang mga rally na pinakikilos ng pangunahing partidong oposisyon sa pulitika at ng mga progresibong pwersa ay patuloy na lumalaki upang pabulaanan ang maling pahayag ng popular na suporta para kay Duterte at sa kanyang mga kandidato, at ipahiwatig ang tagumpay ng Robredo-Pangilinan tandem at slate.)

 

Pinagmulan: Official YouTube channel of Jose Maria Sison, The Filipino People in Struggle, Abril 23, 2022, panoorin mula 15:29 – 15:57

Hindi binanggit ni Sison ang pagiging adviser o contributor sa presidential campaign ni Robredo sa video.

 

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Joma Sison, Personal communication (email), April 22, 2022

Office of the Vice President, Statement of Vice President Leni Robredo on the fake news of Joma Sison as her “adviser”, April 23, 2022

Communist Party of the Philippines, Ang Bayan Daily News & Analysis 

Jose Maria Sison, The Filipino People in Struggle, April 23, 2022

Eagle News, About Eagle News

Eagle Broadcasting Corporation, About us

SunStar Cebu, INC wa pay endorsement nilang Rama, kaubanan, April 9, 2022

Yahoo News, Rama: No Iglesia endorsement yet, April 8, 2022

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.