Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Kampo ni Marcos binaluktot ang pahayag ng Comelec spox sa ‘disqualification’ petition

Pinalabas ng kampo ni presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na sinabi ni James Jimenez, tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec), noong Nob. 2 na "walang malinaw na batayan ang petisyon na kanselahin ang kandidatura ng dating senador.”

By VERA Files

Nov 5, 2021

7-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Pinalabas ng kampo ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sinabi ni James Jimenez, tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec), noong Nob. 2 na “walang malinaw na batayan ang petisyon na kanselahin ang kandidatura ng dating senador.”

Ito ay hindi totoo at nakaliligaw. Habang sinabi nga ni Jimenez ang pariralang “walang malinaw na batayan” sa isang panayam, hindi ito tumutukoy sa kaso ng pagkansela [ng certificate of candidacy ni Marcos Jr.].

PAHAYAG

Noong umaga ng Nob. 3, nakatanggap ang VERA Files ng press release sa email mula sa kampo ni Marcos Jr. na may pamagat na “Comelec spox says ‘no clear case’ for disqualification bid against Bongbong.” Ang siyam na talatang press release ay nagsimula sa:

Comelec spokesperson James Jimenez on Wednesday said the disqualification case filed against Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. has no clear basis.

(Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez noong Miyerkules na walang malinaw na batayan ang disqualification case na isinampa laban kay Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.)

Pinagmulan: Office of Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., COMELEC SPOX SAYS ‘NO CLEAR CASE’ FOR DISQUALIFICATION BID AGAINST BONGBONG, Nob. 3, 2021

Sinabi pa nito:

Jimenez noted that in order to be disqualified, a candidate must have been convicted of a crime constituting ‘moral turpitude,’ or an offense with at least an 18-month jail term.

(Binanggit ni Jimenez na upang madiskwalipika, ang isang kandidato ay dapat na nahatulan ng isang krimen na may kinalaman sa ‘moral turpitude,’ o isang pagkakasala na may hindi bababa sa 18-buwang pagkakakulong.)

According to Jimenez, Bongbong does not fit the criteria, and that there is no clear basis for the disqualification case.

(Ayon kay Jimenez, hindi akma si Bongbong sa pamantayan, at walang malinaw na basehan para sa disqualification case.)

‘He doesn’t meet this criteria. Right now there is no clear case for disqualification,’ Jimenez said in an interview with the media.

(‘Hindi niya naaabot ang criteria na ito. Sa ngayon ay walang malinaw na kaso para sa disqualification,’ sabi ni Jimenez sa isang panayam sa media.)

Several groups and personalities with known ties to the Liberal Party (LP) on Tuesday submitted a petition with the poll body seeking to cancel or deny the Certificate of Candidacy (COC) of the former senator over supposed ‘false material representation’ stemming from a 1995 tax case.

(Ilang mga grupo at personalidad na may kilalang relasyon sa Liberal Party (LP) noong Martes ang nagsumite ng petisyon sa poll body na naglalayong kanselahin o ibasura ang Certificate of Candidacy (COC) ng dating senador dahil sa umano’y ‘false material representation’ na nag-uugat sa isang tax case noong 1995.)

Ang press release ay wala sa opisyal na website ni Marcos Jr., ngunit nakuha ng VERA Files ang kopya nito mula sa parehong email address na ginamit ng kanyang mga opisyal ng media.

ANG KATOTOHANAN

Binaluktot ng press release ang pahayag ni Jimenez mula sa isang panayam na naganap noong umaga ng Nob. 2 — hindi noong Nob. 3 gaya ng pahayag — ilang oras bago isinampa ang petisyon para kanselahin o ibasura ang COC ni Marcos Jr., at tumutukoy sa iba pang isyu.

Ang pahayag sa media release ay hinango mula sa komento ni Jimenez na ginamit sa isang video report noong Nob. 2 ng One News PH. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Comelec spox’s remark on ‘no clear case’ vs Bongbong Marcos NEEDS CONTEXT)

Kinabukasan, nag-post si Jimenez sa Viber group ng Comelec reporters ganap na 11:06 a.m. na ang press release mula sa kampo ni Marcos ay “nakaliligaw” at ang kanyang pahayag ay “hindi inilaan sa anumang paraan bilang komento sa kasalukuyang petisyon na inihain kamakailan.” Nilinaw niya:

The quote was referring to why Senator Marcos hadn’t yet been disqualified despite the fact of his conviction. The original quote should have been taken in the context of the fact that the Senator ran for VP (vice president) iIn 2016.

(Ang quote ay tumutukoy sa kung bakit hindi pa nadi-disqualify si Senador Marcos sa kabila ng katotohanan ng kanyang conviction. Ang orihinal na quote ay dapat na kinuha sa konteksto ng katotohanan na ang Senador ay tumakbo bilang VP (bise presidente) noong 2016.)

Batay sa transcript ng panayam — isinagawa ng News5/TV5 reporter na si Jen Calimon-Tan at ibinahagi niya sa Comelec reporters’ Viber group — si Jimenez ay hindi nagkomento sa isang partikular na kaso ng disqualification:

Calimon Tan: [A]bout BBM (Bongbong Marcos), sir, pwede ba s[i]yang ma-disqualify dahil sa (can he be disqualified due to his) conviction n[i]ya before on tax case?

(Calimon Tan: Tungkol kay BBM (Bongbong Marcos), sir, pwede ba s[i]yang ma-disqualify dahil sa hatol sa kanya dati sa tax case?)

Jimenez: “[U]nder the law, a conviction has to be for a crime committed under moral turpitude or for an offen[s]e and a sentence is a penalty of at least 18 months, it doesn’t meet this criteria so right now in order for him to be disqualified, as [retired Supreme Court associate] justice [Antonio] [C]arpio opined in his article, there has to be a finding that the crime for which he was convicted involves moral turpitude, right now it does not, because the Supreme Court said that it does not, so right now there is no clear case for disqualification[.]”

(Jimenez: “Sa ilalim ng batas, ang isang conviction ay dapat sa isang krimen na ginawa sa ilalim ng moral turpitude o para sa isang pagkakasala at ang sintensiya ay isang parusa na hindi bababa sa 18 buwan, hindi ito nakatutugon sa pamantayang ito kaya sa ngayon para ma-disqualify siya, gaya ng opinyon ni [retired Supreme Court associate] justice [Antonio] [C]arpio sa kanyang artikulo, kailangang magkaroon ng finding na ang krimen kung saan siya hinatulan ay may kaugnayan sa moral turpitude, sa ngayon ay hindi, dahil sinabi ng Korte Suprema na hindi, kaya sa ngayon ay walang malinaw na kaso para sa disqualification[.]”)

Pinagmulan: Comelec reporters’ Viber group, Statement on the Marcos press release, Nob. 3, 2021 (11:21 a.m.)

Sinabi ni Calimon-Tan sa VERA Files Fact Check na ang panayam ay naganap bandang alas-10 ng umaga noong Nob. 2. Ang petisyon para kanselahin ang COC ni Marcos Jr. ay inihain makalipas ang anim na oras, alas-4:40 ng hapon nang araw ding iyon, ng grupo ng mga civic leader sa pangunguna ni Fr. Christian Buenafe ng Task Force Detainees at Fides Lim ng Kapatid.

Sa isang panayam noong Nob. 3 sa noontime news program ng One News PH, muling iginiit ni Jimenez na ang kanyang komento, gaya ng sinipi ng kampo ni Marcos, ay ginawa “bago” isinampa ang petisyon laban sa presidential aspirant. Idinagdag ng tagapagsalita:

[D]efinitely (Tiyak) po ‘yung sinabi ko na ‘yun hindi dapat ikonsidera na komento doon sa finile na kaso pagkatapos kong sabihin ‘yun.”

Binanggit ng mga petitioner bilang batayan para sa pagkansela ng COC ni Marcos Jr. ang umano’y “false material representation” sa kanyang kabiguan na isiwalat ang kanyang conviction noong 1995 dahil sa hindi pagbabayad ng income tax mula 1982 hanggang 1985. (Tingnan ang Final decision to bar Bongbong Marcos in 2022 nat’l elections due to tax evasion is on SC – Carpio)

Sa isang panayam sa telebisyon noong Nob. 4, sinabi ni Jimenez na ang Comelec, sa pamamagitan ng alinman sa dalawang dibisyon nito, ay inaasahang mareresolba ang petisyon sa huling bahagi ng Disyembre. Kung pabor ang Comelec sa mga petitioner, maaaring iapela ni Marcos ang desisyon sa Korte Suprema, na may panghuling desisyon kung maaari siyang tumakbo bilang pangulo o hindi.

Sinabi ni Carpio, sa isang panayam sa The Chiefs ng One News PH noong Okt. 29, kung sakaling lumabas ang naturang desisyon [na hindi pabor sa dating senador] pagkatapos ng halalan, ang mga boto para kay Marcos Jr. ay “ituturing na stray votes, bale-wala…parang hindi siya tumakbo.”

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Office of Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., COMELEC SPOX SAYS ‘NO CLEAR CASE’ FOR DISQUALIFICATION BID AGAINST BONGBONG, Nov. 3, 2021

Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. official website, Press releases, Accessed Nov., 3, 2021

One News PH, Carpio files disqualification case vs. Marcos, Jr., Nov. 2, 2021

Comelec Viber group, Accessed Nov. 3, 2021

Personal communication with News5/TV5 reporter Jen Calimon-Tan, One News PH, About Us, Accessed Nov. 3, 2021

Kapatid, (names of petitioners), Nov. 3, 2021

Kapatid, (Copy of the petition), Nov. 3, 2021

Philippine News Agency, Photo of Comelec Spokesperson James Jimenez and Comelec Information and Education Department Director III Frances Arabe 76.jpg, May 13, 2019

CNN Philippines, Atty. Vic Rodriguez & Comelec spox James Jimenez | The Source, Nov. 4, 2021

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.