Hindi totoo ang sinabi ng kandidato pagka-senador na si Francis Tolentino na walang batayan sa agham ang pagiging epektibo ng medical marijuana.
Higit sa 30 mga estado sa U.S. ang nag apruba na ng medical marijuana batay sa ebidensya ng pagiging epektibo para sa ilang mga kondisyon sa kalusugan.
PAHAYAG
Sa “Harapan” town hall debate ng ABS-CBN noong Peb. 17, tinanong si Tolentino at iba pang mga kandidato kung susuportahan nila ang legalisasyon ng medical marijuana sa Pilipinas.
Sinabi ni Tolentino na tututulan niya ang gayong patakaran at sinasabing walang katibayan na ang gamot ay makakatulong sa mga may sakit:
“Wala pa hong validated, scientific basis na ito ay makakatulong. Maging sa ibang estado po ng Amerika, hindi pa ho ito naaaprubahan. (Wala pa hong napatunayan na ang pang-agham na batayan na ito ay makakatulong. Maging sa ibang estado po ng Amerika, hindi pa ho ito naaaprubahan.)”
Pinagmulan: ABS-CBN News, Harapan 2019: Ang ABS-CBN Senatorial Town Hall Debate, Peb. 17, 2019, panoorin mula 51: 51-52: 03
ANG KATOTOHANAN
Tatlumpu’t tatlong mga estado ng U.S., pati na rin ang District of Columbia (D.C.), Guam at Puerto Rico, ay inaprubahan na ang mga programang pampublikong medical marijuana.
Ang California ang unang estado ng U.S. na magtatag ng isang programa ng medical marijuana noong 1996; kalaunan, ginawang legal ang paggamit nito na pang libangan noong 2016.
Napatunayan ng University of California San Diego na ang cannabis ay maaaring gamitin kasama o bilang kapalit ng opioids, mga gamot na inirereseta bilang lunas sa sakit.
Samantala, sinabi ng Department of Health ng D.C. na “ang mga pag-aaral sa pangkalahatan ay nagpakita ng mga pagbuti sa mga gamot ng sakit na may cannabis at cannabinoids,” at binanggit pangwakas na:
- Ang cannabis ay inirerekomenda para sa neuropathic pain.
- Ang Cannabis ay maaaring maging isang kapaki-pakinabang na pandagdag sa paggamot sa sakit ng kanser.
- Ang Cannabis ay epektibo para sa pagduduwal at pagsusuka.
- Ang Cannabis ay epektibo para sa ilang mga pasyente para magkaroon ng gana kumain.
- Maaaring makatulong ang cannabis sa paggamot ng pagkabalisa.
- May katamtamang katibayan na ang cannabinoids o mga aktibong kemikal na natagpuan sa cannabis ay epektibo para sa spasticity, na tumutukoy sa patuloy na paninigas ng kalamnan.
Gayunpaman, binanggit ng ahensiya na walang katibayan na ang marijuana ay magiging epektibo sa paggamot sa talamak na sakit, panginginig sa mutiple sclerosis, Huntington’s Disease, glaucoma, schizophrenia at depression.
Sa ibang lugar sa North America, ang Cannabis Act ng Canada ay umiral noong Okt. 17, 2018, na nagpapahintulot sa paggamit, pag-access, pagbebenta at pagtatanim ng marijuana para sa mga medikal at panlibang na layunin.
Ang Canada health department ay nagsabi na ang mga klinikal na pagsubok sa “smoked / vapourized cannabis” ay nagpakita ng nakakagagaling na benepisyo sa mga taong may HIV at AIDS, multiple sclerosis at chronic pain na dulot ng arthritis, kanser, sickle cell disease, kabilang ang iba pa.
Sa Pilipinas, ang marijuana ay isang ipinagbabawal na substansiya sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ang pagkakaroon ng hindi bababa sa 10 gramo ng marijuana resin o marijuana resin oil o hindi bababa sa 500 gramo ng marijuana ay maaaring parusahan ng habangbuhay na pagkabilanggo at multa na mula P500,000 hanggang P10 milyon.
Noong Enero 29, inaprubahan ng House of Representatives ang House Bill 6157 o ang Philippine Compassionate Medical Cannabis Act, na ginawa ang marijuana na “medicine of last resort” para sa “mga pasyente na may debilitating medical condition” tulad ng kanser, epilepsy, multiple sclerosis, at HIV at AIDS. Ang Senado ay hindi pa nagsasampa ng katuwang na panukala.
Ang panukala ay nangangailangan ng mga espesyal na lisensya para sa mga doktor at parmasyutiko upang makapagreseta at magbenta ng marijuana mula sa mga itinalagang center sa mga kwalipikadong pasyente, gayundin ang mga direktang ahensya ng gobyerno upang magsagawa ng pananaliksik sa madical marijuana.
Sinabi ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, isa sa mga may-akda ng panukala, noong Enero 15 na gumagamit siya ng mga pain patch na nakabase sa marijuana upang makayanan ang malubhang sakit sa kanyang cervical spine.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo noong Disyembre na susuportahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panuklang gawing legal ang medical marijuana, sa kabila ng madugong giyera ng kanyang administrasyon laban sa iligal na droga.
Mga pinagmulan
ABS-CBN News, Harapan 2019: The ABS-CBN Senatorial Town Hall Debate, Peb. 17, 2019
ABS-CBN News, Arroyo says she uses marijuana-based pain patch for cervical spine, Enero 15, 2019
CNN Philippines, Arroyo says medical marijuana works for her, Enero 15, 2019
Dangerous Drugs Board, Republic Act No. 9165
District of Columbia Department of Health, Medical Cannabis Evidence on Efficacy
Government of the District of Columbia, Facts on Marijuana in DC
Health Canada, Information for Health Care Professionals Cannabis (marijuana, marihuana) and the cannabinoids, Pebrero 2013
House of Representatives, House Bill 6157
National Conference of State Legislatures, State Medical Marijuana Laws
Philstar.com, Medical marijuana works, says Arroyo, Enero 16, 2019
Presidential Communications and Operations Office, Press Briefing of Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, Dis. 18, 2018
U.S. National Institute on Drug Abuse, Is Marijuana Safe and Effective as Medicine?
University of California San Diego, Cannabis 101: A Q&A; with UC San Diego Health’s Cannabis Experts