Hindi totoo ang pahayag ni Sen. Emmanuel “Manny” Pacquiao na patapos na ang Marso nang makarating sa Pilipinas ang “coronavirus isyu.”
PAHAYAG
Sa panayam noong Marso 26 ng CNN Philippines, hiningan ng komento si Pacquiao, pinuno ng Senate ethics committee, tungkol sa paglabag ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III ng mga quarantine protocol nang samahan ang kanyang buntis na asawa sa ospital sa kabila ng pagkakaroon ng mga sintomas ng coronavirus disease (COVID-19).
Kinumpirma ni Pacquiao na nakipag-ugnay siya kay Pimentel — na nag positibo sa COVID-19 — sa isang get-together sa kanyang tahanan noong Marso 4, at idinagdag:
“Nung time na ‘yun wala pa ‘yung…corona issue, ‘yung coronavirus issue dito sa Pilipinas.”
Pinagmulan: CNN Philippines, BREAKING: Total number of COVID-19 cases now at 707…, Marso 26, 2020, panoorin mula 35:24 hanggang 36:33
Muling inulit ng host na si Pia Hontiveros ang petsa ng kaganapan, na nagsabing “Meron na po, may isyu na po na ganoon.”
Ngunit iginiit ng senador:
“Wala pa, wala pa. Wala pa ‘yung issue ng coronavirus nung time na ‘yun.”
ANG KATOTOHANAN
Taliwas sa sinabi ni Pacquiao, ang Pilipinas ay nakipagbuno na sa “isyu” ng coronavirus mula pa noong Enero, nang maitala ang kauna-unahang pasyente ng COVID-19 sa bansa — isang 38-anyos na babaeng Tsino na nagmula sa Wuhan, China, ang ground zero ng outbreak.
Noong Peb. 2, inihayag ng Department of Health (DOH) ang pagkamatay ng asawa ng 44-taong-gulang na pasyente, na kasama niyang pumunta ng Pilipinas at nag positibo rin sa sakit. Ito ang unang naitalang pagkamatay kaugnay ng COVID-19 sa labas ng China, ayon sa World Health Organization.
Ang mga kasong ito ay kabilang sa mga isyu na tinalakay sa pagdinig sa Senado, na pinamunuan ng mga Senate committee on health and demography, at finance, noong Peb. 4 — isang buong buwan bago ang get-together sa tahanan ni Pacquiao — tungkol sa paghahanda ng pamahalaan sa pagharap sa banta ng novel coronavirus.
Si Pacquiao, isang miyembro ng Senate finance committee, ay hindi dumalo sa pagdinig.
Noong Marso 4, ang bansa ay mayroon nang tatlong nakumpirmang mga kaso at 39 patients under investigation, 29 sa mga ito ay nasa National Capital Region, ayon sa DOH.
Noong Marso 27, nanawagan kay Pacquiao si Dasmarinas Village Barangay Chairperson Rossana Hwang na “maging magandang halimbawa” at mag home quarantine matapos makipag-ugnay kay Pimentel at mga taong nag positibo sa COVID-19.
Kinabukasan, naglabas ang senador ng isang pahayag na nagsasabing siya at ang kanyang pamilya ay naka home quarantine mula Marso 24, at siya ay nag negatibo na sa sakit matapos ang test.
Kinumpirma ng mga awtoridad sa kalusugan ang unang naitalang local transmission ng COVID-19 noong Marso 7, na nagtulak sa pamahalaan na itaas ang alert level Code Red Sublevel 1, at muli noong Marso 12 sa Code Red Sublevel 2 — ang pinakamataas — kasunod ng kumpirmasyon ng mas marami pang mga kaso. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Code Red Alert sa COVID-19)
Noong Marso 31, naitala ng DOH ang 2,084 mga kaso ng COVID-19, na may 88 na namatay at 49 na naka-recover.
Idineklara ng gobyernong Duterte ang pagkakaroon ng isang national emergency mula noon, at iniutos ang isang enhanced community lockdown sa buong isla ng Luzon. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Pag-unawa sa mga patakaran ng ‘community quarantine’ at ‘social distancing’)
Mga Pinagkunan
ABS-CBN News, Senator Pimentel tests positive for COVID-19, March 25, 2020
CNN Philippines, Senator Pimentel tests positive for COVID-19, March 25, 2020
Philstar.com, Pimentel becomes second senator to test positive for COVID-19, March 25, 2020
CNN Philippines, BREAKING: Total number of COVID-19 cases now at 707…, March 26, 2020
Department of Health, DOH CONFIRMS FIRST 2019-NCOV CASE IN THE COUNTRY; ASSURES PUBLIC OF INTENSIFIED CONTAINMENT MEASURES, Jan. 30, 2020
World Health Organization, Coronavirus disease (COVID-19) in the Philippines, n.d.
Department of Health, DOH REVEALS MORE NEGATIVE 2019-NCOV CASES; CONFIRMS FIRST NCOV ARD DEATH IN PH, Feb. 2, 2020
World Health Organization, Novel Coronavirus (2019-nCoV) Situation Report – 13, Feb. 2, 2020
Senate of the Philippines, Committee on Health and Demography joint with Committee on Finance, Feb. 4, 2020
Senate of the Philippines, Senate Committee Directory as of Sept. 30, 2019
Department of Health, DOH CONFIRMS 3RD 2019-NCOV ARD CASE IN PH, Feb. 5, 2020
Department of Health, CORONAVIRUS DISEASE 2019 (COVID-19) TRACKER, March 4, 2020
Inquirer.net, Barangay Dasmariñas asks Pacquiao, household members to stay indoors, March 27, 2020
Philstar.com, Pacquiao negative for COVID-19 after being tested twice, March 28, 2020
ESPN TV5, Manny Pacquiao tests negative for COVID-19, March 28, 2020
Senate of the Philippines, Reply to Batangas Captain, March 28, 2020
Department of Health, DOH CONFIRMS LOCAL TRANSMISSION OF COVID-19 IN PH; REPORTS 6TH CASE, March 7, 2020
Office of the Presidential Spokesperson, On Code Red Sublevel 2, March 12, 2020
Covid19.gov.ph, COVID-19 TRACKER, March 30, 2020
Official Gazette, Bayanihan to Heal As One Act, March 25, 2020
Official Gazette, COMMUNITY QUARANTINE OVER THE ENTIRE LUZON, March 16, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)