Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Marcoleta mali sa pagsabing ‘itinago’ ng ABS-CBN ang mga babayarang buwis sa pamamagitan ng subsidiary company na Big Dipper

Sinabi ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta, isang kandidato para senador sa eleksyon sa Mayo 9, na “itinago” ng media giant na ABS-CBN Corp. ang “tamang halaga” ng mga buwis na dapat nitong bayaran sa pamamagitan ng subsidiary nito, ang Big Dipper. Ito ay hindi totoo.

By VERA Files

Feb 10, 2022

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sinabi ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta, isang kandidato para senador sa eleksyon sa Mayo 9, na “itinago” ng media giant na ABS-CBN Corp. ang “tamang halaga” ng mga buwis na dapat nitong bayaran sa pamamagitan ng subsidiary nito, ang Big Dipper.

Ito ay hindi totoo.

PAHAYAG

Sa isang panayam noong Peb 5., hiniling ni MJ Montejar, host ng Point of Order ng SMNI News, kay Marcoleta na timbangin ang patuloy na imbestigasyon sa Big Dipper, isang “IT-enabled company” na nakatutok sa digitalization at distribution ng content sa lokal at internasyonal na merkado.

Sumagot si Marcoleta, nang walang anumang ebidensya:

“‘Yung Big Dipper kasi, MJ, dapat ang nanguna sa imbestigasyon nito [ay] ‘yung Bureau of Internal Revenue (BIR) sapagkat ang pinag-uusapan natin dito ay ‘yung malalim na isyu ng tax evasion. Talagang ginamit nila ‘yung Big Dipper para … itago nila ‘yung karampatang buwis na dapat na bayaran ng ABS-CBN.”

Pinagmulan: SMNI News Official Youtube Channel, LIVE! Point of Order | February 5, 2022, Peb. 5, 2022, panoorin mula 38:10 hanggang 38:33

Ang Big Dipper ay isang subsidiary ng ABS-CBN Corp. na nangangasiwa sa sistema ng Media Asset Management ng network, kabilang ang pag-digitize ng mga analog video material nito at pagsuri sa kalidad ng video, bukod sa iba pang mga responsibilidad.

ANG KATOTOHANAN

Ang Big Dipper at ABS-CBN ay nagbabayad nang kanilang mga tamang buwis sa mga nakaraang taon, ayon sa mga opisyal ng BIR at Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na tumestigo sa isang pagdinig sa kongreso tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN noong Hulyo 1, 2020.

Binanggit ni PEZA Director General Charito Plaza sa parehong pagdinig na ang mga tax incentive na ipinagkaloob sa Big Dipper ay “batay sa [PEZA] law” na nag-aalok ng hanay ng fiscal incentives sa mga negosyo, depende sa kanilang mga priyoridad sa industriya. Kasama sa mga insentibong ito ang mga income tax holiday mula apat hanggang pitong taon, at isang 5% special corporate income tax.

Ipinaliwanag ni Plaza:

The PEZA board is composed of DOST (Department of Science and Technology), we also have [the] Department of Finance, we have NEDA (National Economic and Development Authority) and many others. So these are the agencies who are tasked to review and evaluate all the applications for (tax) incentives according to law. Ito pong lahat ng incentives na binibigay namin, sir, is based on the law, the PEZA law. There is no such thing as making PEZA the tax shield because all these incentives are being evaluated by all these agencies of government.

(Ang PEZA board ay binubuo ng DOST (Department of Science and Technology), meron din tayo Department of Finance, meron tayong NEDA (National Economic and Development Authority) at marami pang iba. Kaya ito ang mga ahensya na naatasang pag-aralan at suriin ang lahat ng mga aplikasyon para sa (tax) incentives ayon sa batas. Ito pong lahat ng incentives na binibigay namin, sir, ay batay sa batas, ang PEZA law. Walang ganoong gagawing tax shield ang PEZA dahil ang lahat ng mga insentibo na ito ay sinusuri ng lahat ng mga ahensya ng gobyerno.)

Pinagmulan: ABS-CBN News Channel, House of Representatives resumes ABS-CBN franchise hearing | ABS-CBN News, Hulyo 1, 2020, panoorin mula 4:30:36 hanggang 4:31:20

Binanggit din ni BIR Region 7-A Director Alvin Galanza:

As far as the tax payments by Big Dipper, I think they are paying, more or less, correctly their taxes (Tungkol sa mga pagbabayad ng buwis ng Big Dipper, sa tingin ko sila ay nagbabayad, humigit-kumulang, nang tama sa kanilang mga buwis).

Pinagmulan: panoorin mula 4:24:51 hanggang 4:25:08

Nang tanungin tungkol sa record ng ABS-CBN sa pagbabayad ng buwis, tumestigo si Assistant Commissioner Manuel Mapoy:

As a corporate taxpayer […] ABS-CBN Corporation has been regularly paying its corporate taxes for the past years (Bilang corporate taxpayer […] ang ABS-CBN Corporation ay regular na nagbabayad ng corporate taxes nito sa mga nakaraang taon).”

Pinagmulan: panoorin mula 2:06:05 hanggang 2:06:15

Bukod kay Marcoleta, nauna nang na-flag ng VERA Files Fact Check ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address noong 2021 na hindi nagbabayad ng tamang buwis ang broadcast network. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte makes false claim on ABS-CBN’s tax ‘violation’)

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

ABS-CBN Careers, ABS-CBN Big Dipper, Accessed Feb. 7, 2022

SMNI News Official Youtube Channel, LIVE! Point of Order | February 5, 2022, Feb. 5, 2022

Inquirer.net, ABS-CBN has no tax delinquency; ‘regularly’ paying taxes – BIR exec, July 1, 2020

GMA News Online, ABS-CBN paid taxes regularly, ‘in a lawful manner’ – BIR exec, July 1, 2020

Business World Online, ABS-CBN not tax delinquent, says BIR, July 1, 2020

Philippine Economic Zone Authority, Fiscal Incentives, Accessed Feb. 7, 2020

ABS-CBN News Channel, House of Representatives resumes ABS-CBN franchise hearing | ABS-CBN News, July 1, 2020

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.