Sinabi ni vice presidential candidate Willie Ong sa isang health vlog na ang karaniwang sipon at ang mga Omicron at Delta variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay maaaring matukoy sa pamamagitan ng mga sintomas na nararanasan ng mga pasyente. Ito ay nangangailangan ng konteksto.
Sinasabi ng ibang mga eksperto sa kalusugan na tanging genome sequencing lang ang makatitiyak kung anong variant ng COVID-19 mayroon ang isang tao.
PAHAYAG
Sa kanyang vlog na pinamagatang “Sipon, Omi-cron or Del-ta: Paano Malalaman? – Payo ni Doc Willie Ong (Internist & Cardiologist)” na nai-post noong Enero 10 sa kanyang opisyal na Facebook page gayundin sa page ng kanyang asawa, binanggit ni Ong ang limang sintomas na umano’y nagpapahiwatig ng impeksyon ng Omicron variant:
“Pag kayo ay may lagnat, malamang Omicron na iyan. Pag kayo ay may chills, nanginginig, Omicron na iyan. Pag kayo ay may sore throat, may headache, malamang sa panahon ngayon Omicron na ‘yan. Pag hirap huminga, talagang Omicron na, malala na iyon.”
Pinagmulan: Opisyal na Facebook page ni Doc Willie Ong, Sipon, Omi-cron or Del-ta…, Enero 10, 2022
Binanggit din niya ang isang sintomas na umano’y nagpapahiwatig ng impeksyon bunga ng Delta variant:
“Kapag nawala ‘yung pang-amoy mo, di mo malasahan yung pagkain mo, Delta ‘yon.”
Ang post ay may higit sa 8,600 interactions sa opisyal na Facebook page ni Ong at 791,000 sa page ng kanyang asawa hanggang Enero 19. Ito ay nai-post sa parehong araw na sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang Omicron ay naging pinakalaganap na variant sa bansa.
ANG KATOTOHANAN
Bagama’t ang karaniwang sipon at COVID-19 ay may maraming katulad na mga senyales at sintomas, sinabi ng mga eksperto sa kalusugan maliban kay Ong na ang genome sequencing lang ang maaaring matukoy nang may katiyakan kung ang isang tao ay may Omicron o Delta variant.
“Hindi maaaring magkaiba ang mga sintomas sa mga variant. Ang buong genome sequencing lang ang makakagawa niyan,” sagot sa Ingles ni John Wong, isang Filipino epidemiologist at senior technical advisor ng public health research institution na Epimetrics, Inc., sa tanong ng VERA Files Fact Check sa isang webinar noong Enero 14 na inorganisa ng University of the Philippines (UP).
Ang buong genome sequencing ay isang pamamaraan sa laboratoryo na tumutukoy sa natatanging genetic fingerprint ng isang organismo sa isang proseso, ayon sa United States Centers of Disease Control and Prevention (U.S. CDC).
Ito ay “nagbibigay-daan sa mga siyentipiko na tukuyin ang SARS-CoV-2 at subaybayan kung paano ito nagbabago sa paglipas ng panahon sa mga bagong variant, maunawaan kung paano nakakaapekto ang mga pagbabagong ito sa mga katangian ng virus, at gamitin ang impormasyong ito para mas maunawaan kung paano ito maaaring makaapekto sa kalusugan,” paliwanag ng U.S. CDC.
Sa UP webinar, sinabi ni infectious disease specialist Franco Felizarta na, “sa mga tuntunin ng symptomatology, hindi mo makikita ang pagkakaiba ng Delta at Omicron.” Gayunpaman, sinabi niya na naobserbahan niya na ang pinakakaraniwang sintomas sa mga pasyenteng may Omicron ay pananakit ng lalamunan, sipon, pagtatae, at mga pantal.
Ipinaliwanag ng mga eksperto sa kalusugan na tinipon ng non-profit organization Meedan na “ang iba’t ibang variant ng SARS-CoV-2 ay hindi matutukoy ng mga sintomas ng isang tao dahil ang karamihan sa mga sintomas ay nagsasapawan. Ang mga sintomas ay maaari rin mag-iba batay sa vaccination status ng isang indibidwal laban sa virus.”
Ang COVID-19 at ang karaniwang sipon ay sanhi ng mga virus na kumakalat sa magkatulad na paraan at nagdudulot ng parehong mga sintomas, ayon sa U.S. CDC. Ang COVID-19 ay sanhi ng SARS-CoV-2, habang ang karaniwang sipon ay kadalasang sanhi ng mga rhinovirus.
Ang mga sintomas ng Omicron variant na binanggit ni Ong ay hindi pa tiyak, batay sa paunang pananaliksik na isinagawa sa buong mundo.
Gaya ng iniulat sa mga paunang pag-aaral ng United Kingdom Health Security Agency (UK HSA), ang London-based health science company na ZOE, ang Norwegian Institute of Public Health, at ang U.S. CDC, ang pananakit ng lalamunan, sipon, ubo, sakit ng ulo, at sobrang pagod ay kabilang sa mga pinakanaiulat na nangungunang sintomas ng Omicron variant.
Sinabi ni Anthony “Tony” Leachon, dating special adviser ng National Task Force on COVID-19, sa VERA Files Fact Check sa isang panayam sa Zoom na “sa ngayon, napakahirap sabihin na mayroon kang Omicron, o mayroon kang Delta, dahil wala kaming genome sequencing para sa lahat ng pasyente.”
“Alam mo, sa ilang taon kong pagiging doktor, kung mayroon kang preliminary study at ang mga variation na iyon ay lumabas, iyon ay tama. Ilang panahon na lang bago ito mag-trending,” sabi ni Leachon, isang cardiologist, sa Ingles.
Binanggit ang medical research at ang kanyang karanasan sa paggamot sa 700 hanggang 1,000 mga pasyente mula noong Enero 2, sinabi ni Leachon na naniniwala siya na may ilang mga sintomas na may pagkakaiba ang Omicron sa variant ng Delta.
“Ang Omicron ay hindi umaatake sa baga. May lagnat, sipon, raspy sore throat, at pagkatapos ay sumasakit ang ulo mo. Karaniwang ito ay tulad ng trangkaso ngunit mayroon din itong muscle fatigue at pangkalahatang pananakit ng katawan. Pero ang pinaka-predominant na nakikita ko sa aking mga pasyente ay masakit na lalamunan,” aniya sa Ingles.
“Sa kabilang banda ng Delta, nawawalan ka ng pang-amoy at panlasa. Ang predominant na sintomas ay kinakapos ng hininga dahil inaatake nito ang baga,” dagdag niya.
Sa pag-aaral ng UK HSA na may petsang Enero 14 at ulat ng U.S. CDC na may petsang Dis. 17, 2021, ang pagkawala ng pang-amoy at panlasa ay hindi madalas na naiulat sa mga nahawahan ng Omicron variant.
Ang pagkawala ng pang-amoy o panlasa ay naiulat sa 13% ng 182,133 mga kaso ng Omicron, kumpara sa 34% ng 87,920 mga kaso ng Delta, binanggit ng ulat ng UK HSA. Walong porsiyento lamang sa 43 nakumpirmang mga kaso ng Omicron sa United States ang nag-ulat ng pagkawala ng panlasa o pang-amoy, nakasaad sa ulat ng U.S. CDC.
Hanggang Enero 6, ang Department of Health ay nanindigan na “walang impormasyon na nagpapahiwatig na ang Omicron variant ay nagdudulot ng ibang sintomas ng COVID-19.”
Pinayuhan ni Leachon ang mga taong nakakaranas ng mga sintomas ng COVID-19 na mag-isolate kaagad, kumuha ng antigen test kung maaari, at laging magsuot ng face mask. Dapat din aniyang bigyan ng kapangyarihan ang mga Pilipino na malaman ang mga sintomas at subukan gawin ang mga hakbang upang matugunan ang virus.
Ang mga antigen test, na nakaka-detect ng pagkakaroon ng antibodies laban sa virus, ay mas hindi gaanong sensitibo kaysa sa reverse transcription polymerase chain reaction tests (RT-PCR) na nakaka-detect ng SARS-CoV-2, ayon sa U.S. CDC. Hanggang Set. 27, 2021, isinasaalang-alang ng Department of Health ang mga RT-PCR test bilang gold standard para sa pag-detect ng COVID-19, ngunit inirerekomenda ang paggamit ng mga antigen test para sa mga taong may sintomas ng sakit.
“Ang bawat mamamayang Pilipino ay dapat na makapag-trace, at makapag-test, at makapag-quarantine. Dapat silang makagawa ng mga remedyo sa bahay, at dagdagan ang kanilang immunity sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig, pagkain ng mga prutas at gulay, at maraming pahinga,” sabi niya sa Ingles.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Doc Willie Ong’s official Facebook page, Sipon, Omi-cron or Del-ta…, Jan. 10, 2022
Presidential Communications Operations Office, Talk to the People of President Rodrigo Roa Duterte, Jan. 10, 2022
United States Centers for Disease Control and Prevention, What is whole genome sequencing (WGS)?, accessed Jan. 19, 2022
United States Centers for Disease Control and Prevention, Genomic Surveillance for SARS-CoV-2, accessed Jan. 19, 2022
University of the Philippines, “OMICRON: What We Should Know & What We Should Do,” Jan. 14, 2022
University of the Philippines official Twitter account, Felizarta: In terms of symptomatology…, Jan. 14, 2022
University of the Philippines official Twitter account, Felizarta: Regarding symptoms…, Jan. 14, 2022
Meedan Health Desk, Is it possible to compare symptoms of the Delta and Omicron variants?, Jan. 14, 2022
United States Centers for Disease Control and Prevention, Basics of COVID-19, Nov. 4, 2021
United States Centers for Disease Control and Prevention, Common Colds: Protect Yourself and Others, accessed Jan. 19, 2022
UK Health Security Agency, SARS-CoV-2 variants of concern and variants under investigation in England | Technical briefing 34, Jan. 14, 2022
ZOE YouTube channel, Omicron spread slows but infections rising in older people, Jan. 6, 2022
Eurosurveillance.org, Outbreak caused by the SARS-CoV-2 Omicron variant in Norway, November to December 2021, Dec. 16, 2021
United States Centers for Disease Control and Prevention Morbidity and Mortality Weekly Report, SARS-CoV-2 B.1.1.529 (Omicron) Variant — United States, December 1-8, 2021, Dec. 17, 2021
Dr. Anthony “Tony” Leachon – Personal communication, Jan. 16, 2022
Department of Health (Philippines) official Twitter account, Worried about the possible threat of the more transmissible Omicron variant?…, Jan. 6, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)