Nag share ang dating special adviser ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 ng isang maling graphic na naglilista ng iba’t ibang sintomas na sinasabing mula sa impeksyon ng Omicron virus variant. Lumabas ito habang ang bansa ay nakikipagbuno sa pagdami ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos ang mga holiday.
Pinabulaanan ng research group na binanggit na pinagmulan ng listahan ang pagiging lehitimo nito. Sinabi rin ng Department of Health (DOH) na mahirap sabihin, batay sa mga sintomas lamang, kung ang isang tao ay nahawaan ng Omicron o ng iba pang variant ng COVID-19 virus.
PAHAYAG
Binabanggit ang isang pag-aaral ng sintomas ng COVID-19 mula sa health science company ZOE na nakabase sa London, ibinahagi ni Dr. Anthony “Tony” Leachon, dating presidente ng Philippine College of Physicians, ang isang graphic sa kanyang mga social media account noong Enero 3 na may caption na:
“The first 8 Omicron symptoms that should never be ignored which can appear as quickly as 48 hours after you’ve been infected. Please read on.”
(Ang unang 8 sintomas ng Omicron na hindi dapat balewalain na maaaring lumitaw nang kasing bilis ng 48 oras pagkatapos mong mahawa. Pakibasa pa.)
Pinagmulan: Dr. Tony Leachon (@DrTonyLeachon) official Facebook page, “The first 8 Omicron symptoms…,” Enero 3, 2022
Ang mga sintomas umano ay pagbahing, pagkahapo, pangangati ng lalamunan, sipon, sakit ng ulo, pananakit ng bandang ibaba ng likod, pagpapawis sa gabi at pananakit ng katawan, at kawalan ng gana.
Ang opisyal na Facebook (FB) page ni Leachon ay mayroong 278,000 followers. Ang kanyang maling post ay nakatanggap ng mahigit 1,900 interactions at halos 2,000 shares hanggang Enero 6.
Tatlong minuto matapos mag-post sa FB, ibinahagi ng dating special adviser sa COVID-19 task force ng gobyerno ang graphic sa kanyang Twitter account, na mayroong mahigit 57,000 followers. Ang tweet ay nakakuha na ng 3,611 retweets at 3,852 likes hanggang Enero 7.
Na-upload din ang graphic sa FB page ng grupong Kilusang Kontra COVID (KILKOVID), na ang logo ay lumalabas sa social media card. Pinangungunahan nina Leachon at ng abogadong si Dot Balasbas-Gancayco ang grupo.
Ayon sa FB page nito, ang KILKOVID ay isang “unincorporated association ng civic minded citizens na ang layunin ay labanan ang COVID-19 pandemic.” Ito ay may higit sa 5,700 followers sa platform.
Noong Hunyo 17, 2020, inihayag ni Leachon na “iniwan” niya sa kanyang posisyon bilang special adviser ng NTF Against COVID-19 dahil sa “hindi magkakasundo sa mga patakaran ng DOH.”
ANG KATOTOHANAN
Sa isang email sa VERA Files Fact Check, sinabi ng ZOE COVID Study team na hindi tumpak ang ipinakikita sa graphic sa mga natuklasan sa pananaliksik nito. Sinabi nito:
“We haven’t done the analysis on the first 48 hours [of] symptoms, so … we aren’t aware where this has come from on this graphic and Prof. [Tim] Spector hasn’t said this.”
(Hindi namin ginawa ang pagsusuri sa unang 48 oras [ng] mga sintomas, kaya … hindi namin alam kung saan nanggaling ang nasa graphic na ito at hindi ito sinabi ni Prof. [Tim] Spector.)
Pinagmulan: Personal communication, Eleanor Griffiths, Communications Manager ng ZOE COVID Study Team, Enero 5, 2022
Idinagdag nito na “hindi kailanman” sinabi nito na ang pananakit ng ibabang bahagi ng likod, pagpapawis sa gabi at pananakit ng katawan, at pagkawala ng gana sa pagkain ang mga pangunahing sintomas ng Omicron.
Lumalabas na ang umiikot na graphic ay nagkamali sa pagbibigay kahulugan sa isang ulat noong nakaraang buwan ng ZOE COVID Study team.
Sa isang blog post noong Dis. 21, 2021 na pinamagatang “What are the symptoms of Omicron?,” nag-ulat ang team ng pagsusuri ng datos mula sa COVID Study mobile phone app ng kumpanya, na magagamit ng mga tao para iulat ang kanilang mga sintomas ng COVID-19. Sinasabi ng kumpanya na mayroon itong “mahigit apat na milyon” na mga contributor sa buong mundo mula nang ilunsad ang pag-aaral nito noong Marso 2020.
Tinignan ng team ang “pinakahuling” datos mula sa London — na inilarawan nito bilang may mas mataas na prevalence ng Omicron kaysa sa iba pang bahagi ng United Kingdom — at inihambing ito sa datos na nakolekta mula sa unang bahagi ng Oktubre 2021, nang ang Delta variant ang mas nangingibabaw.
Ang nakita nito: “Walang malinaw na pagkakaiba sa profile ng sintomas ng Delta at Omicron.” Sinabi nito na ang nangungunang limang sintomas na iniulat sa parehong mga panahon ay sipon, sakit ng ulo, sobrang pagod, pagbahing, at pananakit ng lalamunan. Ang pagkawala ng gana sa pagkain at brain fog ay iniulat din bilang mga karaniwang sintomas.
Sinabi ng team sa email nito sa VERA Files Fact Check na ang mga user-contributor sa app ay “halos fully vaccinated, alinman sa dalawa o tatlong dosis kaya ang mga sintomas na ito ay nauugnay sa mga nabakunahang indibidwal.” Wala itong datos sa mga sintomas ng mga taong hindi nabakunahan, idinagdag ng team.
Pinangunahan ni Spector, co-founder ng ZOE, ang research team na nag-aaral sa mga ulat na isinumite ng mga user para maunawaan ang mga sintomas at panganib ng sakit, at para masubaybayan ang mga COVID-19 infection sa United Kingdom at iba pang mga bansa.
Naglabas ang DOH ng Pilipinas ng advisory noong Enero 4, 2022 at nilagyan ng label ang umiikot na graphic bilang “peke.” Sinabi nito na ang mga sintomas ay “pangkalahatang magkakapareho” para sa mga COVID-19 infection, Delta o Omicron variant man, o kahit na sa isang regular na trangkaso, at hindi sapat ang mga sintomas lamang para masabi kung ano ang sanhi ng isang impeksiyon.
Binanggit ng health agency na ang mga karaniwang sintomas ng COVID-19 ay ubo, lagnat, pananakit ng lalamunan, sobrang pagod, kawalan ng panlasa o amoy, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, pantal, at namumula o makating mga mata, ayon sa World Health Organization (WHO).
Sa isang explainer noong Dis. 17, 2021, idiniin ng COVID-19 Technical Lead ng WHO na si Dr. Maria Van Kerkhove na “hindi sila nakakikita ng pagbabago” sa mga sintomas na ipinakita ng mga tao na may Omicron kumpara sa Delta. “Hindi mo masasabi ang pagkakaiba,” sabi niya.
Isang infectious disease epidemiologist, si Kerkhove ay nagpaalala sa publiko: “Ang pinakamaganda mong gagawin ay panatilihing ligtas ang iyong sarili, magpabakuna kapag maaari at tiyaking gumawa ng mga hakbang upang mabawasan ang iyong pagkakalantad sa virus na ito.”
Noong Enero 5, hiniling ng ZOE COVID Study team sa KILKOVID sa isang komento na tanggalin ang post nito, na sinabing:
“Hi there, thank you for mentioning us, unfortunately, this data is incorrect and not released by us (Hi, salamat sa pag banggit sa amin, kaya lang, itong datos na ito ay mali at hindi kami ang naglabas).
Please could you remove this post, in a time where misinformation is particularly dangerous we want to ensure we are helping people to access accurate scientific data to understand COVID-19 (Mangyaring alisin ang post na ito, sa panahon kung saan partikular na mapanganib ang maling impormasyon, gusto naming matiyak na tinutulungan namin ang mga tao na ma-access ang tamang siyentipikong datos upang maunawaan ang COVID-19).”
Ang social media tool na CrowdTangle ay nagpapakita na hindi bababa sa 16 na iba pang mga page ang nag share o muling nag-post ng hindi totoong graphic, kabilang ang istasyon ng radyo na DWIZ 882, at ang mga page na Inday Sara Para Sa Masa, at The University Library, UP Diliman.
Ang post ay patuloy na umiikot habang ang Pilipinas ay nakapagtala ng 17,220 bagong kaso ng COVID-19 noong Enero 6, na nagdala sa kabuuang bilang ng mga aktibong kaso sa 56,561.
Sinabi ng mga opisyal ng kalusugan na ang Omicron variant ay hindi pa dominant strain sa mga lokal na naitala na mga kaso ngunit binanggit na ito ay maaaring maging gayon sa susunod na ilang linggo. Hinihimok nila ang publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum public health safety protocols at magpabakuna.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Personal Communication, ZOE COVID Study Team, Jan. 5, 2022
ZOE, Omicron Symptoms: What Are They and How Long Do They Last?, Dec. 21, 2021
ZOE, COVID Symptom Study – Apps on Google Play
ZOE, About this Research
Department of Health, Fact Check, Jan. 4, 2022
World Health Organization, Coronavirus disease (COVID-19)
World Health Organization, WHO’s Science in 5 on COVID-19: Omicron variant, Dec. 17, 2021
Department of Health, COVID-19 Tracker
ABS-CBN News, Headstart, Jan. 3, 2022
Department of Health, Beat COVID-19 Media Forum, Jan. 3, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)