Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang hayagang nagtanong sa kanya tungkol sa paglabag ng karapatang pantao sa nakaraang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, ilang minuto lang pagkatapos iwasan ang tanong kaugnay ng pampublikong pahayag ng isa pang lider ng bansa tungkol sa paglabag sa karapatang pantao.
PAHAYAG
Sa pagtatapos ng ika-31 ASEAN Summit sa Maynila noong Nob. 14, si Duterte ay hiningan ng komento tun gkol sa pahayag ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau na naungkat sa kanilang maigsing pag-uusap ang pagkabahala tungkol sa paglabag sa karapatang pantao.
Inilagan ni Duterte ang tanong, lumigoy-ligoy sa pagiging narco-politics state umano ng Pilipinas bukod sa iba, bumalik sa paksa sa pagsagot ng isa pang tanong, at sinabing:
“Walang nagbanggit tungkol sa paglabag ng karapatang pantao. Walang handang magtanong tungkol dito kahit nang sarilinan o nang lantaran. Kami ay… ang mga Canadian ay nagsalita tungkol sa aid, assistance.”
Pinagkunan: Press Conference ni Presidente Rodrigo Duterte pagkatapos ng Closing Ceremonies ng 31st ASEAN Summit , Nob. 14, Pasay City, panoorin mula 52:35 hanggang 52:58
FACT
Nauna nang araw ding iyon, hayagang sinabi ni Trudeau sa mga reporter:
“Ngunit binanggit ko rin anG karapatang pantao, ang alituntunin ng batas, partikular ang mga extrajudicial killing bilang isang isyu na ang Canada ay nababahala.”
Pinagkunan: Press Briefing ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau, Nob. 14, 2017, panoorin mula 09:39 hanggang 09:50
Sa parehong briefig, muling hayagang sinabi rin ni Trudeau:
“Tulad ng binanggit ko kay Presidente Duterte, kami ay may malasakit sa human rights, nababahala sa extrajudicial killings, binigyan-diin sa kanya na kailangan respetuhin ang alituntunin ng batas, at sa tuwi-tuwina, ang Canada ay nag alok ng suporta at tulong bilang kaibigan para tumulong sa pag usad na siyang tunay na hamon.”
Pinagkunan: Press Briefing ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau, Nob. 14, 2017, panoorin mula 34:52 hanggang 35:16
BACKSTORY
Ang mga joint statement ng United States at Pilipinas, at ng US at ASEAN, ay tumukoy din sa human rights, nang hindi binabanggit nang malinaw ang mga paglabag.
Ang pahayag na naglalaman ng buod ng kinalabasan ng pagpupulong ni Duterte kay US President Donald Trump noong Nob. 13 ay nagsabing:
“Binigyan-diin ng dalawang panig na mahalaga ang karapatang pantao at dangal ng buhay, at nagkasundo na ipagpatuloy ang pagpapairal ng human rights agenda sa kanilang mga pambansang programa para itaguyod ang kapakanan ng lahat ng sektor maging ang mga pinakamahinang grupo.”
Pinagkunan: Philippines-US Joint Statement
Samantala, ang pinagsamang pahayag ng ASEAN-US inilabas bilang tanda ng 40 taong relasyong diplomatiko, ay nagsabing:
“Nakatuon kami na tiyakin ang mga oportunidad para sa lahat ng aming mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng demokrasya, pagpapahusay ng mabuting pamamahala at alituntunin ng batas, pagtataguyod at pagtatanggol sa karapatang pantao at mga pangunahing kalayaaan, pakikipaglaban sa korapsyon at paghikayat sa pagtataguyod ng hinahon at pagkamakatuwiran.”
Mga pinagkunan:
Philippines-US Joint Statement
Press Briefing of Canadian Prime Minister Justin Trudeau