Ipinahiwatig ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang pagkamatay kamakailan ng mga matatanda sa Norway ay dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine ng Pfizer-BioNTech.
Kailangan nito ng konteksto.
PAHAYAG
Sa pagtatanggol sa kontrobersyal na pagbili ng COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese pharmaceutical company Sinovac Biotech, tinuya ni Duterte ang ilang mga senador na pumapabor umano sa Pfizer kaysa Sinovac. Sinabi niya:
“Ayan ‘yung sa Pfizer … gusto ninyong Pfizer, kayong mga senador. In (Sa) Norway, 25 persons died after receiving Pfizer vaccination (25 katao ang namatay matapos ang pagbabakuna ng Pfizer). Gusto ninyo? Mag-order kami para sa inyo. Lahat kayo … apparently (tila) … mas bilib kayo sa…”
Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office, Talk to the People of President Rodrigo Roa Duterte on Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), Jan. 18, 2021, panoorin mula 1:34 hanggang 2:11
Idinagdag niya:
“Almost everybody na kilala ko are scrambling to buy itong Pfizer. Well, to me, I think it’s a good one. If you want to follow the experience of Norway, go ahead. Nobody would stop you.
(Halos lahat ng kilala ko nagkukumahog na bumili nitong Pfizer. Puwes, sa akin, sa palagay ko magaling ito. Kung nais mong sundan ang karanasan ng Norway, sige lang. Walang pumipigil sa inyo.)”
Pinagmulan: panoorin mula 13:55 hanggang 14:13
ANG KATOTOHANAN
Ang naiulat na pagkamatay ng mga matatanda — may edad na 75 pataas — pagkatapos mabakunahan ng Pfizer “ay hindi nagpapahiwatig na mayroong kaugnayan ang pagkamatay at ang bakuna,” ayon sa isang pahayag noong Enero 15 ng Norwegian Medicines Agency (NMA).
Binanggit nito na karaniwang 45 katao ang namamatay araw-araw, o 300 katao bawat linggo, sa Norwegian nursing homes o mga katulad na institusyon. Dahil ang unang round ng pagbabakuna ay karamihan sa mga pasyente sa nursing homes na lubhang mahina o may malubhang sakit, sinabi ng NMA na “ang mga pagkamatay ay hindi maiiwasang mangyari kaagad pagkatapos ng pagbabakuna.” Bilang dagdag, sinabi nito:
“Ang mga ulat tungkol sa maraming mga pagkamatay na ito na nagsasaad na hindi pinaghihinalaan na may kaugnayan sa pagbabakuna at ang nangyari ay dahil sa sakit na dinadanas ng pasyente; iniuulat ang pagkamatay para lamang sa kapakanan ng pagiging kumpleto.”
Pinagmulan: Norwegian Medicines Agency, Weekly report on suspected adverse drug reactions to coronavirus vaccines, Enero 14, 2021
Sinabi ng Norwegian Institute of Public Health (NIPH) na kahit na medyo banayad ang mga side effect ay maaaring magkaroon ng seryosong kahihinatnan sa mga may malubhang kahinaan. Ang mga doktor ng mga pasyenteng ito ay dapat gumawa ng “maingat na pangkalahatang pagtatasa” upang magpasya kung ang mga matatandang may kahinaan ay papayuhan na magpabakuna, idinagdag ng NIPH information sheet.
Hanggang Enero 21, nakapagproseso ang NMA ng kabuuang 30 sa 33 pagkamatay para sa lingguhang update ng masamang reaksyon sa mga COVID-19 vaccine. Idinagdag ng ulat sa Ingles:
“Sa kaso ng ilan sa mga pinakamahinang pasyente, hindi maikakaila na ang banayad na masamang epekto pagkatapos ng pagbabakuna ay nakadagdag sa mas matinding kurso ng kanilang pangkalahatang kondisyon o pinagbabatayan na sakit, na humahantong sa pagkamatay ng pasyente.”
Karaniwang mga side effect ng Pfizer-BioNTech COVID-19 shots ang pagod, sakit ng ulo, at sakit ng kalamnan, ayon sa fact sheet ng Food and Drug Administration (FDA) sa Emergency Use Authorization (EUA) ng Pfizer, isang pansamantalang permiso na inisyu sa mga hindi rehistradong gamot o bakuna.
Ang Pfizer-BioNTech, na dinebelop ng United States pharmaceutical firm Pfizer Inc. at German biotechnology company BioNTech SE, ay ang unang manufacturer ng bakuna na nakakuha ng EUA sa Pilipinas noong Enero 14.
Ang mga residente sa nursing home ay kasama sa priority group para sa pagbabakuna dahil sila ay nasa “very high risk” na magkaroon ng matinding karamdaman o pagkamatay dahil sa COVID-19, sinabi ng NMA.
Samantala, itinanggi ng mga senador ang pahayag ni Duterte na mas gusto nila ang bakunang Pfizer kaysa sa iba pang mga brand.
“Hindi kailanman ito naging tungkol sa pagpili ng isang partikular na brand. Ang pinagmulan ng bakuna ay walang kabuluhan hangga’t walang garantiya na ito ay ligtas, epektibo, at magagamit sa oras,” sinabi ni Sen. Risa Hontiveros sa isang press statement noong Enero 19.
Itinanggi rin ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pahayag sa isang tweet na nai-post noong Enero 19.
“I wonder who gave PRRD the wrong info that senators favor Pfizer? We do not! We favor any vaccine CORRECTLY PRICED! Properly procured [and] distributed!
(Nagtataka ako kung sino ang nagbigay ng maling impormasyon kay PRRD na pinapaboran ng mga senador ang Pfizer? Hindi! Pinapaboran namin ang anumang bakuna na TAMA ANG PRESYO! Wasto ang pagbili [at] pagbahagi!)”
Sa isang privilege speech noong Enero 18 tungkol sa National Vaccination Program, sinabi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na mayroong “pagtatangka na itaas ng sobra ang presyo ng mga Sinovac vaccine.”
‘Misinformation’
Ang balita tungkol sa inuugnay sa COVID vaccines na mga pagkamatay sa Norway ay mabilis na kumalat sa buong mundo, pati na sa Pilipinas. Ang VERA Files ay nakapag-fact-check ng infographic na may higit sa 74,000 shares, na dala ang nakaliligaw na impormasyon. (VERA FILES FACT CHECK: No direct link found between Pfizer vaccine and deaths in Norway)
Binigyang diin ng COVID-19 Vaccine Communication handbook na inilathala ng Sci Beh, isang team na binubuo ng scientists at volunteers, ang kahalagahan ng “transparent at epektibong risk communication,” lalo na sa kamalayan ng kultura at emosyonal na mga pagkakaiba sa pagitan ng mga bansa:
“Ilang mga nakapanlulumong pangyayari ang magaganap pagkatapos ng pagbabakuna, kahit na walang kinalaman ang bakuna dito. Mahalagang huwag basta gumawa ng konklusyon na mayroong koneksyon sa pagitan ng pagbabakuna at mga pangyayaring iyon (atake sa puso, stroke, bagong diagnosis ng cancer, pagkamatay).”
Tiningnan din ng VERA Files ang epekto ng maling impormasyon sa kumpiyansa sa bakuna nang pasinungalingan nito ang maraming mga viral post na nauugnay sa maling impormasyon sa bakuna. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK YEARENDER: Hoaxes, myths precede COVID-19 vaccine rollout)
Sa isang public briefing noong Enero 19, sinabi ni Rolando Enrique Domingo, director general ng FDA Philippines, ang regulatory agency ay masigasig na maglabas ng mga alituntunin, na lilimitahan ang paggamit ng bakuna sa napakatanda at masasakitin na mga tao.
Matapos suriin ang scientific na impormasyon at datos tungkol sa pagkamatay ng mga matatandang pasyente na tumanggap ng bakunang Pfizer, sinabi ng subcommitee on Global Advisory Committee on Vaccine Safety (GACVS) ng World Health Organization (WHO) na ang immunization ng Pfizer ay nananatiling “kanais-nais” para sa mga matatanda. Sinabi ng WHO-GACVS na “hindi ito nagmumungkahi ng anumang pagbabago” sa mga rekomendasyon sa kaligtasan ng bakunang Pfizer.
Dapat ipagpatuloy ng mga bansa ang pagsubaybay sa kaligtasan at regular na pag-aalaga ng mga nabakunahan, sinabi ng WHO-GACVS. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Alamin ang mga prospect na COVID-19 bakuna sa Pilipinas)
Mga Pinagmulan
Senate of the Philippines, Privilege Speech on the National Vaccination Program, Jan. 18, 2021
Presidential Communications Operations Office, Talk to the People of President Rodrigo Roa Duterte on Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), Jan. 18, 2021
RTVMalacanang, Kumusta Po Mahal Kong Kababayan | Meeting on COVID-19 Concerns and Talk to the People on COVID-19, Jan. 19, 2021
GMA News Online, Senators deny preference for Pfizer after Duterte’s mocking remark, Jan. 19, 2021
Inquirer.net, Senators prefer Pfizer? Hontiveros says it’s Palace showing preference for China vaccine, Jan. 19, 2021
Philstar, Senators deny preference for Pfizer jabs, stress oversight function after Duterte lashes out, Jan. 19, 2021
Senate of the Philippines, Statement of Senator Risa Hontiveros on Senate’s alleged preference for Pfizer vaccine, Jan. 19, 2021
Senate President Vicente “Tito” Sotto official Twitter, I wonder who gave PRRD the wrong info…!, Jan. 19, 2021
Reported deaths in Norway
- Full Fact, What you need to know about the claims 23 people died after getting the Covid-19 vaccine in Norway, Jan. 18, 2021
- Bloomberg, Norway Moves to Calm Vaccine Anxiety After Elderly Deaths, Jan. 18, 2021
- South China Morning Post, Coronavirus: no evidence Norway elderly deaths caused by Pfizer’s vaccine, WHO says, Jan. 22, 2021
- Norwegian Medicines Agency, Reported suspected adverse reactions of covid-19 vaccines, Jan. 15, 2021
- Norwegian Medicines Agency, Weekly report on suspected adverse drug reactions to coronavirus vaccines, Jan. 14, 2021
- Norwegian Institute of Public Health, International interest about deaths following coronavirus vaccination, Jan. 19, 2021
- Norwegian Institute of Public Health, Coronavirus vaccine – information for the public: Frail people with short life expectancy, Jan. 22, 2021
- Mendiratta P, Latif R. Clinical Frailty Scale. Retrieved on Jan. 28, 2021
- Norwegian Medicines Agency, Reported suspected adverse reactions to COVID-19 vaccines as of 21 January 2021, Jan. 22, 2021
- Norwegian Medicines Agency, Reported suspected adverse drug reactions to coronavirus vaccines: Reports on Deaths, Jan. 21, 2021
- Faktisk, Too soon to say whether 23 Norwegians died because of the covid-19 vaccine, Jan. 19, 2021
- Politifact, The COVID-19 vaccine is dangerous because 23 people died in Norway “within hours” of receiving it, Jan. 17, 2021
- The Straits Times, No direct vaccine link to deaths of 33 seniors: Norway, Jan. 20, 2021
- Food and Drug Administration, Fact sheet for recipients and caregivers: Emergency Use Authorization (EUA) of the Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine to prevent COVID-19, December 2020
- Food and Drug Administration, Emergency Use Authorization for Vaccines Explained, Nov. 20, 2020
- Department of Health, FDA Special Announcement, Jan. 14, 2021
Misinformation on Norway deaths
- The COVID-19 Vaccine Communication Handbook & Wiki, The COVID-19 Vaccine Communication Handbook: Communicating Risk. pg. 6-7. Accessed on Jan. 26, 2021
- The COVID-19 Vaccine Communication Handbook & Wiki, Authors and acknowledgements
- The COVID-19 Vaccine Communication Handbook & Wiki, Cultural differences in vaccine acceptance
- Presidential Communications Operations Office, Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio, Jan. 19, 2021
- World Health Organization, GACVS COVID-19 Vaccine Safety subcommittee meeting to review reports of deaths of very frail elderly individuals vaccinated with Pfizer BioNTech COVID-19 vaccine, BNT162b2, Jan. 22, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)