Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Duterte tungkol sa pagkuha ng mga sample virus sa mga bangkay, kailangan ng konteksto

Ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa mga kabayo na nagkakaroon ng immunity sa sakit sa pamamagitan ng pag-iniksyon ng dugo mula sa pasyenteng namatay sa coronavirus disease (COVID-19) ay nangangailangan ng konteksto.

By VERA Files

May 14, 2020

6-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa mga kabayo na nagkakaroon ng immunity sa sakit sa pamamagitan ng pag-iniksyon ng dugo mula sa pasyenteng namatay sa coronavirus disease (COVID-19) ay nangangailangan ng konteksto.

PAHAYAG

Habang tinatalakay ang mga solusyon sa COVID-19 pandemic sa isa sa mga ginabi niyang press briefing, sinabi ni Duterte:

Usually (kadalasan) magkuha ka kasi ng doon sa patay, kunan mo ng dugo niya, i-inject (i-iniksyon) mo doon sa kabayo. Iyong kabayo, kaya niya na ang ano, ‘yon [virus] ang i-inject (i-iniksyon) mo dahan-dahan sa kabayo rin. Huwag naman bigla kasi magka-COVID talaga. Biktima ‘yan. Dahan-dahan lang hanggang ma-immune. Kapag marami ng antibodies ‘yung kabayo, doon na kunin ‘yung maraming…

Idinagdag niya:

“Dumaan na ‘yan ng kabayo. Kagaya ng kagat ng ahas.”

Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office, Talk to the People of President Rodrigo Duterte, Abril 16, 2020, panoorin mula 41:31 hanggang 42:17

ANG KATOTOHANAN

Ang mga viral sample ng novel coronavirus (SARS-CoV-2), na nagiging sanhi ng COVID-19, ay “nakahiwalay sa swab mula sa mga pasyente [sa talamak na bahagi ng impeksyon], at malamang na hindi mula sa isang namatay na tao,” ayon sa World Health Organization (WHO) Philippines.

Sa isang email noong Mayo 9 sa VERA Files, ipinaliwanag ng ahensya ng kalusugan na ang mga virus, tulad ng SARS-CoV-2, ay kinokopya ang kanilang sarili gamit ang mga nahawang cell, sa gayon:

“…if cells are no longer functioning in a dead body, the virus replication will also stop and remaining viruses in the body will be degraded (…kung ang mga cell ay hindi na gumagana sa isang bangkay, ang pagkopya ng virus sa sarili ay titigil din at ang natitirang mga virus sa katawan ay mapapawi).”

Gayunpaman, dahil “wala pa ring scientific na ebidensya” para sa SARS-CoV-2, sinabi ng WHO Philippines na “ang mga paglabas ng dumi mula sa kamamatay lang na pasyente ay dapat ingatan mabuti at maayos na i-disinfect ng may dangal at paggalang upang maiwasan ang potensyal na kontaminasyon.”

“Hindi ethical na direktang mag-ani ng virus mula sa isang bangkay para sa pananaliksik sa bakuna nang walang paunang pahintulot,” dagdag pa ng WHO Philippines.

Sa mga patnubay ng Department of Health (DOH) noong Marso 22 sa pag asikaso ng mga labi ng mga pinaghihinalaan, posible, at kumpirmadong mga kaso ng COVID-19, sinabi nito na ang paglilibing at cremation ay dapat gawin “sa loob ng 12 oras pagkatapos ng mamatay.” Ang mga tauhan na nag aasikaso sa mga bangkay ay inutusan din na magsuot ng naaangkop na personal protective equipment at sundin ang mga kasanayan sa kalinisan.

Sa paggawa ng mga bakuna, ang mga virus ay karaniwang humina o “hindi aktibo” (pinatay) para mawala na kanilang kakayahang makahawa ng mga cell. (VERA FILES FACT SHEET: Five questions on COVID-19 vaccines, answered)

Ginagamit ang mga ito sa mga hayop o tao upang makabuo ng antibodies at makadebelop ng immunity sa sakit nang hindi kinakailangang magkasakit muna. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Limang mga bagay na kailangan mong malaman tungkol sa COVID-19 antibodies)

COVID-19 at antibodies

Ang antibody treatment para sa COVID-19 “ay nangangailangan ng [isang] buhay na host na gumaling mula sa sakit,” hindi isang patay na indibidwal, na magbibigay ng “convalescent plasma” na gagamitin para sa kasalukuyang pasyente, ayon sa DOH.

Ang convalescent plasma ay ang likidong bahagi ng dugo na naglalaman ng antibodies upang labanan ang impeksyon.

Sa isang panayam sa email, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire sa VERA Files na ang treatment ay ginagawa:

“…in order to prevent or treat a disease caused by a specific infectious agent, such as a virus. This administration of antibodies is aimed at neutralizing the virus by conferring passive immunity to the patient.

(… upang maiwasan o gamutin ang isang sakit na sanhi ng isang partikular na nakakahawang agent, tulad ng isang virus. Ang pangangasiwa ng antibodies ay naglalayong mapawalang-bisa ang virus sa pamamagitan ng pagbibigay ng passive immunity sa pasyente.)”

Ang passive immunity ay ang paglilipat ng antibody na nagmula sa isang tao o hayop sa iba pa.

Kabilang sa mga ospital na gumagamit ng pamamaraang ito ay ang Phillippine General Hospital (PGH), na kasalukuyang iniimbestigahan ang convalescent plasma therapy bilang isang uri ng “compassionate treatment” para sa mga pasyente ng COVID-19.

Sa isang online na panayam noong Abril 24, sinabi ni PGH spokesperson Jonas del Rosario na ang mga plasma na ginagamit nila ay mula sa “donor[s] na nakaligtas at gumaling sa COVID-19” dahil ang mga ito ay may antibodies. Ito ay binibigay lamang sa mga pasyenteng malubha at kritikal ang sakit bilang isang “treatment of last resort” dahil “wala pang malinaw na katibayan na ang plasma therapy ay tumatalab,” aniya.

Para makapag-donate, sinabi ng PGH, sa isang online call para sa mga donor, na ang plasma survivor-donor ay dapat mayroong:

  • katibayan na naunang nagkasakit ng COVID-19;
  • gumaling na sa sakit; at,
  • naipasa ang lahat ng mga karaniwang kinakailangan sa mga donor ng dugo, tulad ng mabuting kalusugan sa araw ng pagkuha ng dugo.

Si Del Rosario, sa isang hiwalay na pakikipanayam noong Abril 17, ay nagsabi rin na ang mga asymptomatic na ganap nang gumaling sa sakit ay “malugod na pinapahintulutan” na magbigay ng donasyong dugo, dahil sila ay nakadebelop na ng antibodies.

Ang isang kilalang treatment na gumagamit ng mga kabayo upang makabuo ng antibodies ay ang “hyperimmune serum.” Ginagamit ito upang gamutin ang mga pasyente na kinagat ng ahas, o mga na-expose sa tetanus, dipterya, o rabies virus, sinabi ng WHO Philippines.

Ngunit nilinaw ng WHO na bagamat “biologically plausible” na makabuo ng “neutralizing” antibodies laban sa SARS-CoV-2 sa mga kabayo, “kinakailangan ng karagdagang pagsusuri at pag-aaral.”

Noong Marso 11, ang biopharmaceutical company na Emergent Biosolutions na naka base sa United States ay nagsabing ito ay nagdedebelop ng isang potensyal na treatment para sa mga malubhang pasyente na nasa ospital dahil sa COVID-19 sa pamamagitan ng paggawa ng plasma mula sa mga immunized na kabayo.

 

Mga Pinagmulan

Presidential Communications Operations Office, Talk to the People of President Rodrigo Duterte, April 16, 2020

Radio Television Malacañang Youtube, Talk to the People on COVID-19, April 16, 2020

World Health Organization Philippines, Personal communication, May 9, 2020

United States Centers for Disease Control and Prevention, Coronavirus Disease 2019: Guidelines for Clinical Specimens, May 5, 2020

Merriam-webster.com, Acute

Department of Health, Department Memorandum No. 2020-0158, March 22, 2020

Department of Health, Personal communication, April 24, 2020

PGH Blood Donor Center Facebook, Information on Convalescent Plasma Donation, April 15, 2020

News5 Facebook, PGH spokesperson explains plasma therapy, April 24, 2020

PGH Blood Donor Center Facebook, Who is eligible to donate?, April 15, 2020

Marou Pahati Sarne Youtube, Plasma Therapy for COVID-19 patients, April 18, 2020

Department of Health, Philippine Health Advisories: First Aid on Snake Bites, pg. 110, 2012

United States Centers for Disease Control and Prevention, Tetanus

United States Centers for Disease Control and Prevention, Diphtheria

United States Centers for Disease Control and Prevention, Rabies

Emergent Biosolutions website, Emergent BioSolutions initiates development of plasma-derived product for treatment and prevention of Coronavirus disease, March 11, 2020

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.