Habang minamadali ng pharmaceutical industry ang paghahanap ng gamot para coronavirus disease (COVID-19), tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na tatanggalin na niya ang mga hakbang sa quarantine sa bansa oras na lumabas sa merkado ang “lunas.”
Sa isang press briefing noong Abril 13, sinabi ng pangulo, bagamat hindi niya mababanggit ang mga pangalan, ang mga “higanteng” kumpanya ng parmasyutiko ay tinitignan na ngayon ang “antibodies” bilang paggamot sa sakit:
“Dito sa nabasa ko…meron nang medisina, antibody ang isang giant pharmaceutical (higanteng parmasyutika)… Kung meron na ‘yan tapos makita ko na ginagamit na ng tao, ili-lift ko [ang quarantine].”
Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office, Talk to the People of the President Rodrigo Roa Duterte, Abril 13, 2020, panoorin mula 33:15 hanggang 34:47
Sinabi ni Duterte na ang mga kumpanya ng parmasyutiko ay “nagkakarera laban sa isa’t isa” at “siguro” magsisimula nang itinda ito sa Mayo.
Ano ang antibody at paano ito makakatulong sa paglaban sa COVID-19 virus?
Narito ang limang bagay na dapat mong malaman.
1. Ano ang antibody?
Ang antibodies ay mga protina na ginawa ng immune system upang matulungan ang katawan na labanan sa isang partikular na sakit sa pamamagitan ng “pagpuksa” sa mga lason o “organismo na nagdadala ng sakit,” ayon sa isang explainer ng United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC).
Binibigyan nito ang tao ng isang antas ng immunity sa ilang mga sakit. Dalawa ang uri ng immunity, ayon sa CDC explainer: active at passive.
2. Paano nakatutulong ang antibodies sa paglaban sa impeksyon?
Ang antibodies ay may kakayahang kilalanin at i-neutralize ang isang antigen o foreign substance, kabilang ang COVID-19 virus (opisyal na kilala bilang SARS-CoV-2), upang hindi ito gumawa ng kamukha niya.
Kapag ang SARS-CoV-2 ay pumapasok sa katawan — karaniwang sa pamamagitan ng mga respiratory droplets at pumapasok sa mga mata at ilong — dumidikit ito sa, at pumapasok, sa isang cell. Kapag nasa loob, ang virus ay “magha-hijack” ng cell upang gumawa ng higit pang mga kopya ng sarili nito, sumisira ng host nito sa proseso. Ang mga bagong kopya ng virus pagkatapos ay kumakalat at makakahawa sa mga kalapit na cell, ayon sa maraming mga explainer.
Upang matugunan ang viral infection, naglalabas ang katawan ng tinatawag ng WHO na isang agarang “non-specific innate response” upang mapabagal ang pag-unlad ng virus at “maaaring maiwasan pa” ang pagkakaroon ng mga sintomas.
Sinusundan ito ng isang “adaptive response,” kung saan ang katawan ay bumubuo ng antibodies — o mga protina na tinatawag na immunoglobulins — na partikular na “nagbubuklod” sa virus. Gagawa din ito ng “T-cells” na makakikilala at mag-aalis ng iba pang mga nahawahan na cells, sabi ng WHO sa isang scientific brief.
Pinagsama, ang mga tugon na ito ay “maaaring magtanggal ng virus sa katawan,” at, kung “sapat na malakas,” ay maaaring mapigilan ang virus sa pagdebelop ng isang malubhang sakit o kahit na muling impeksyonsa parehong virus, idinagdag ng WHO. Ngunit habang ang tugon ng antibody ay nagbibigay ng “ilang antas ng proteksyon,” ang lawak at tagal ng naturang proteksyon ay hindi pa rin alam.
3. Ang antibodies ba ay pareho ng mga bakuna?
Hindi sila pareho.
Ang mga bakuna ay mga produkto na naglalaman ng isang “patay” o “humina” na bersyon ng mikrobyo o virus na nagdudulot ng isang partikular na sakit (tulad ng COVID-19). Ginagamit ito upang “sanayin” ang immune system ng isang tao upang makabuo ng antibodies upang siya ay makadebelop ng immunity sa sakit nang hindi kinakailangang na magkasakit muna.
Binabawasan nila ang mga panganib ng pagkakaroon ng impeksyon sa pamamagitan ng pagtulong sa immune system ng katawan na “tandaan” ang sakit at kung paano labanan ito.
Binigyang diin ng mga siyentipiko at medical expert ang pangangailangan ng isang bakuna upang “kontrolin” ang virus ng COVID-19. Ngunit ang isang bakuna ay karaniwang tumatagal ng mga taon para madebelop dahil sa matagal na proseso na dinadaanan bago ito ipahayag na ligtas at epektibo.
Para sa isang bakuna ng COVID-19, sinasabi ng mga eksperto na aabutin ng hindi bababa sa 12 hanggang 18 buwan bago ito malawakang magamit sa buong mundo. Dito punapasok ang pagsubok ng iba pang klase ng mga paggamot.
4. Paano ginagamit ang antibodies sa paggamot ng mga pasyente ng COVID-19?
Habang wala pang kasalukuyang napatunayan na gamot upang malunasan o maiwasan ang COVID-19, ang mga health care provider ay naghahanap ng maraming mga paraan kung paano gamutin ang kanilang mga pasyente, kabilang ang paggamit ng antibodies upang magkaroon ng passive immunity.
Sa Pilipinas, ang ilang mga medical institution, tulad ng Philippine General Hospital (PGH), ay nangangasiwa ng “convalescent plasma therapy” para sa mga pasyenteng malubha at kritikal ang sakit.
Ang convalescent plasma therapy ay isang passive immunity treatment kung saan ang mga indibidwal na naka-recover sa COVID-19 ay maaaring magbigay ng kanilang plasma, o ang likidong bahagi ng dugo, na may antibodies, upang matulungan ang kasalukuyang mga pasyente na labanan ang impeksyon.
Ang treatment ay kasalukuyang ginagamit “magkakasama” sa iba pang mga gamot, at bilang “last resort” dahil “walang malinaw na katibayan na ang plasma therapy ay gumagana,” sinabi ni PGH spokesperson Jonas del Rosario sa hiwalay na mga panayam online.
Sinabi ni Del Rosario na “plano” ng PGH na tingnan ang paggamit ng treatment sa mga pasyente na hindi malala ang sakit na posibleng mapigilan ang paglala ng kanilang mga kondisyon. (Tingnan ang The science behind COVID-19 testing)
Sa pansamantalang mga patnubay na inilabas noong Marso 20, sinabi ng WHO na “ipinakikita ng karanasan na ang empirikal na paggamit ng convalescent plasma ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa COVID-19.”
5. Mayroon bang mga lunas, gamot, o treatment na nakatakdang ilabas sa Mayo?
Sa ngayon, walang “magic drug o kilalang treatment para sa COVID-19, at kailangan makakita ng madaliang at mabisang panggamot,” sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang Abril 16 presser.
Ang Pilipinas ay isa sa 100 mga bansa na kasalukuyang nakikilahok sa WHO Solidarity Trial, isang pang-internasyonal na clinical trial na susubok sa kaligtasan at pagiging epektibo ng apat na mga treatment option gamit ang “investigational” drugs — mga gamot na ginagamit sa iba pang mga sakit — tulad ng chloroquine (para sa malaria) at hydroxychloroquine (para sa rheumatology), laban sa COVID-19.
Sinabi ni Vergeire na 500 mga pasyente ang unang makikilahok sa pag-aaral, na isasagawa sa 20 ospital sa buong bansa. Sa isang email sa VERA Files, sinabi ng health undersecretary na “dahil ang trial ay magpapatuloy hanggang ang kinakailangang bilang ng mga subject ay nakatala, walang mga resulta na darating kaagad.”
Samantala, may 102 mga kandidatong bakuna ang kasalukuyang nasa iba’t ibang yugto ng pagsusuri noong Abril 30, sinabi ng WHO.
Mga Pinagmulan
Presidential Communications Operations Office, Talk to the People of the President Rodrigo Roa Duterte, April 13, 2020
Radio Television Malacañang Youtube, PRRD’s Meeting with the IATF-EID and Talk to the Nation on COVID-19, April 13, 2020
Antibodies
- United States Centers for Disease Control and Prevention, Immunity types
- United States Centers for Disease Control and Prevention, Immunization: The Basics
Fighting infection
- National Human Genome Research Institute, Antibody
- Britannica.com, Antibody
- Study.com, What are Antibodies? – Definition, Function & Types
- Vox.com, What immunity to Covid-19 might actually mean, April 23, 2020
- World Economic Forum, This visualisation shows what COVID-19 does to your body, April 11, 2020
- The Washington Post, What the structure of the coronavirus can tell us, March 23, 2020
- World Health Organization, “Immunity passports” in the context of COVID-19, April 24, 2020
- Britannica.com, T cell
- World Health Organization Twitter, Earlier today we tweeted about a new WHO scientific brief on “immunity passports“, April 26, 2020
Relationship of antibodies and vaccines
- United States Centers for Disease Control and Prevention, Vaccines: The Basics
- World Health Organization, Q&A; on vaccines, 25 August 2019
- CNN Investigates, The timetable for a coronavirus vaccine is 18 months. Experts say that’s risky, April 1, 2020
- The Guardian, Coronavirus vaccine: when will we have one?, April 19, 2020
- World Health Organization, WHO Director-General’s opening remarks at the media briefing on COVID-19, April 27, 2020
- Department of Health Facebook, DOH virtual presser, April 27, 2020, watch from 4:30
Standard care for COVID-19 patients
- World Health Organization, Mythbusters: There are currently no drugs licensed for the treatment or prevention of COVID-19
- The Washington Post, Plasma from recovered patients could help treat covid-19 until we find a vaccine, April 7, 2020
- National Geographic, What you should know about experimental therapies for coronavirus, April 28, 2020
- Wired Magazine, The Race to Get Convalescent Plasma to Covid-19 Patients, April 27, 2020
- PGH Blood Donor Center Facebook, Information on Convalescent Plasma Donation, April 15, 2020
- CNN Philippines Youtube, The Doctor Is In: Convalescent plasma therapy for COVID-19 patients, April 24, 2020
- News5 Facebook, PGH spokesperson explains plasma therapy, says it should be given earlier to COVID-19 patients, April 24, 2020
- World Health Organization, Maintaining a safe and adequate blood supply during the pandemic outbreak of coronavirus disease (COVID-19), March 20, 2020
Ongoing research on vaccines
- Department of Health, Press Release: DOH explains COVID-19 treatment protocols, April 16, 2020
- World Health Organization, “Solidarity” clinical trial for COVID-19 treatments
- World Health Organization, PH Solidarity trial for COVID-19 treatments receives green light from ethics review body, April 22, 2020
- ABS-CBN News, 500 PH patients to join WHO clinical trials on COVID-19 cure, April 23, 2020
- GMA News Online, DOH: 500 Philippine patients to join initial trial of drugs vs. COVID-19, April 23, 2020
- Manila Bulletin, DOH: 500 patients joining the WHO’s Solidarity trial; identifies 20 participating hospitals, April 23, 2020
- World Health Organization, Draft landscape of COVID 19 candidate vaccines, April 30, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)