Bilang reaksyon sa resolusyon ni Sen. Risa Hontiveros na humihimok sa gobyerno na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) sa drug war probe nito sa Pilipinas, sinabi ni Sen. Imee Marcos na “walang hurisdiksyon” ang Netherlands-based tribunal na magsagawa ng imbestigasyon dahil ang judicial system ng bansa ay “gumagana.”
Ito ay nakapanliligaw.
PAHAYAG
Sa isang panayam noong Nob. 28 sa programang Balitaan ng CNN Philippines, tinanong ng news anchor na si Mai Rodriguez si Marcos kung ano ang kanyang palagay tungkol sa hurisdiksyon ng ICC na imbestigahan ang umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan na ginawa sa digmaan laban sa droga sa panahon ng administrasyong Duterte.
Sumagot si Marcos, na nagsabi noong araw na iyon na sumasang-ayon siya na ang mga imbestigador ng ICC ay hindi dapat payagang makapasok sa bansa:
“Paulit-ulit ko nang sinasabi na talagang walang hurisdiksyon ang ICC. They have absolutely no jurisdiction in the Philippines pagka’t ang liwa-liwanag ng mga datos ng ICC, ang kanilang – ang sariling mga batay at batas ay talagang nagpapakita na ‘pag hindi umaandar at wala nang korte na nakikinig at naglilitis, eh, saka lang sila papasok.”
(“Paulit-ulit ko nang sinasabi na talagang walang hurisdiksyon ang ICC. Walang pasubali na wala silang hurisdiksiyon sa Pilipinas pagka’t ang liwa-liwanag ng mga datos ng ICC, ang kanilang – ang sariling mga batayan at batas ay talagang nagpapakita na ‘pag hindi umaandar at wala nang korte na nakikinig at naglilitis, eh, saka lang sila papasok.”)
Pinagmulan: CNN Philippines, en. Marcos: Nasa Ehekutibo kung makikipagtulungan ang PH sa ICC | Balitaan, Nob. 28, 2023, panoorin mula 1:23 hanggang 1:53
Iginiit ng mambabatas na “gumagana” ang judicial system sa bansa dahil pinayagan nitong makapagpiyansa si dating senador Leila De Lima. Sa pagbanggit sa pangyayari, sinabi ni Marcos na “nakinabang” si De Lima sa malakas at malayang hudikatura ng bansa.
Nakalaya si De Lima mula sa pagkakakulong noong Nob. 13 pagkatapos ng mahigit anim na taon dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa illegal drug trade sa national penitentiary noong siya ay secretary of Justice.
ANG KATOTOHANAN
Layunin ng ICC na punuan ang mga lokal na sistema ng hustisya, hindi palitan ang mga ito, at mag-usig lamang ng mga kaso kapag ang mga estado ay “hindi kaya o ayaw na gawin ito” sa isang matapat na paraan. Dahil dito, nang ipagpatuloy ng ICC ang ganap na pagsisiyasat nito sa giyera laban sa droga, tinukoy nito ang sariling pagdinig sa drug war ng gobyerno ng Pilipinas na “hindi katumbas ng tunay, kongkreto at progresibong mga hakbang sa pagsisiyasat” na sapat na sasalamin sa pagsisiyasat ng ICC at pagbibigay-katwiran sa suspensyon nito.
(Tingnan ang TRANSCRIPT: ICC probe sa drug war: Ang susunod na kabanata)
Sa desisyon nito noong Enero 26, ipinaliwanag ng ICC Pre-Trial Chamber I na ang mga pagsisiyasat sa Pilipinas ay tumutugon lamang sa “mga pisikal, mababang ranggo na mga perpetrator at, sa kasalukuyan, ay hindi umaabot sa sinumang matataas na opisyal.”
Dahil dito, si Marcos ay isa sa maraming public figure na gumawa ng mga mapanlinlang na pahayag sa pag-giit ng “hindi pakikipagtulungan” ng Pilipinas sa pagsisiyasat ng ICC sa giyera kontra sa droga ng administrasyong Duterte.
(Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Dela Rosa sa prinsipyo ng complementarity ng ICC nakaliligaw, VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Jinggoy Estrada sa ICC complementarity principle nakaliligaw, VERA FILES FACT CHECK: Remulla inuulit ang ICC jurisdiction, complementarity principle nang walang sa konteksto)
BACKSTORY
Pinalaya ng Muntinlupa Regional Trial Court si De Lima at apat pang kapwa akusado noong Nob. 13 matapos magbayad ng tig-P300,000 piyansa. Sa isang 69-pahinang desisyon, sinabi ng korte na ang mga testimonya ng mga testigo ng prosekusyon ay hindi naipakita ang sabwatan ng mga nasasakdal na gumawa ng ilegal na kalakalan ng droga.
Naglabas ng pahayag si Marcos kinabukasan, na binanggit ang kaso ni De Lima bilang “testamento” ng judicial independence.
Idinagdag ng mambabatas, na namumuno sa Senate Committee on Foreign Affairs, na ang kaso ay “nagpapatibay” sa kanyang posisyon na ang ICC ay walang hurisdiksyon sa bansa, lalo na kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
(Basahin ang Disinformation about ICC echoes Duterte’s defense, targets prosecutors)
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Senate of the Philippines, Proposed Senate Resolution No. 867, Nov. 28, 2023
International Criminal Court, How the Court Works, Accessed Feb. 6, 2023
International Criminal Court, Public Redacted Version of “Authorisation pursuant to article 18(2) of the Statute to resume the investigation”, Jan. 26, 2023
ABS-CBN News, Why Muntinlupa court allowed De Lima, others to post bail, Nov. 13, 2023
One News, De Lima Freed On Bail; 4 Co-Accused Also Granted Temporary Liberty, Nov. 13, 2023
Inquirer.net, Muntinlupa court allows De Lima to post bail, Nov. 13, 2023
Sen. Imee Marcos Official Facebook Page, “The independence of the judiciary…”, Nov. 14, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)