Nagkamali kamakailan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsasabing ang Pilipinas ang may “pangalawa sa pinakamataas” na rate ng impeksyon ng human immunodeficiency virus (HIV) sa mundo.
PAHAYAG
Nang tanungin kung bakit hindi pa siya nagtatalaga ng kalihim para sa Department of Health (DOH), sinabi ni Marcos Jr. sa panayam noong Setyembre 13 ng aktres at host sa telebisyon na si Toni Gonzaga na ang ahensya ay “hindi tungkol sa COVID[-19] lamang” kundi ” kalusugan ng publiko sa pangkalahatan.”
Pagkatapos ay binanggit niya ang iba pang mga isyu sa pampublikong kalusugan, tulad ng tumataas na kaso ng dengue at epidemya ng HIV, na sinabing:
“Mayroon tayong pangalawang pinakamataas na rate ng impeksyon sa HIV sa mundo.”
Pinagmulan: Toni Gonzaga Studio, An Exclusive Interview with President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. | Toni Talks, Setyembre 13, 2022, panoorin mula 28:41 hanggang 28:46
Ang video ng panayam ni Gonzaga kay Marcos Jr. ay umani ng 3.24 million views sa YouTube hanggang Setyembre 20.
Batay sa social media monitoring tool na CrowdTangle, kumalat na rin ang panayam sa hindi bababa sa 82 Facebook (FB) pages, kabilang ang opisyal na page ni Toni Gonzaga, na may potensyal na makaabot ng 550,000 followers. Hindi bababa sa 127 Twitter accounts, kabilang ang opisyal na account ni Paul Soriano na may higit sa 187,000 followers, ang nag-post ng video.
ANG KATOTOHANAN
Hindi tinukoy ni Marcos Jr. kung ano ang ibig niyang sabihin sa “infection rate.” Ngunit ang datos ng World Health Organization (WHO) hanggang Hulyo 2022 ay nagpapakita na ang Pilipinas ay hindi pangalawa sa may pinakamataas na prevalence ng HIV infections sa mundo.
“Ang pinakamataas na rate ay nasa sub-Saharan Africa,” sabi ni Michel Beusenberg, information officer ng HIV/HEP/STI department sa WHO.
Ipinaliwanag niya na ang mga prevalence rate ay kumakatawan sa porsyento ng populasyon na may HIV sa mga nasa hustong edad sa pagitan ng 15 at 49 taong gulang, habang ang mga bagong impeksyon ng HIV ay kinabibilangan ng rate sa bawat 1,000 na hindi nahawaang populasyon.
Ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang may pinakamataas na bagong impeksyon ng HIV sa Western Pacific region na tinantiya mula 2010 hanggang 2021. Tingnan ang datos sa infographic na ito:
Sa isang email sa VERA Files Fact Check, sinabi ni Noel Palaypayon, supervising health program officer sa National HIV/AIDS and Sexually Transmitted Infections (STI) Surveillance and Strategic Information Unit ng DOH Epidemiology Bureau, na ang “HIV infection rate ay hindi kinakailangang katulad ng mga bagong impeksyon sa HIV, ngunit ang dalawa ay malapit na magkaugnay.”
Ipinaliwanag ni Palaypayon:
“Bagama’t totoo na ang Pilipinas sa kasalukuyan ay hindi may pinakamataas na bilang ng mga taunang bagong impeksyon ng HIV base sa bilang (na apektado rin ng laki ng populasyon kung saan, kumpara sa ibang mga bansa, ay mas maliit sa Pilipinas), ang rate ng pagdami ng taunang bagong impeksyon ng HIV ang nagtatakda sa Pilipinas bilang isa sa mga bansang may pinakamataas na epidemya ng HIV sa [pangunahing populasyon].”
Tinukoy ng United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS) ang limang pangunahing grupo ng populasyon na “vulnerable sa HIV at madalas na walang sapat na access sa mga serbisyo.” Kabilang dito ang mga gay na lalaki at iba pang mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki, mga sex worker, mga transgender, mga taong nag-iiniksyon ng droga, at mga bilanggo at iba pang mga taong nakakulong.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Toni Gonzaga Studio, An Exclusive Interview with President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. | Toni Talks, Setyembre 13, 2022
World Health Organization, Number of new HIV infections, huling na-update on Hulyo 20, 2022
Noel Palaypayon, Personal communication (email), Setyembre 19, 2022
Michel Beusenberg, Personal communication (email), Setyembre 20, 2022
UNAIDS, In Danger: UNAIDS Global AIDS Update 2022, Na-access noong Setyembre 19, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)