Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Quiboloy na ipapapatay siya at $2-milyong patong sa ulo walang basehan

WHAT WAS CLAIMED

Sinabi ni Pastor Apollo Quiboloy na nakatanggap siya ng mapagkakatiwalaang impormasyon na ang gobyerno ng US at ang administrasyong Marcos ay nagsabwatan para tapusin siya sa rendition at may $2-milyong patong sa kanyang ulo.

OUR VERDICT

Walang basehan:

Itinanggi ng Federal Bureau of Investigation at ng Philippine National Police ang mga pahayag ni Quiboloy tungkol sa $2-milyong pabuya sa kanyang ulo at mga plano umano para sa kanyang rendition o assassination.

By VERA Files

Feb 28, 2024

4-minute read

BASAHIN SA INGLES

ifcn badge

Share This Article

:

Matapos hindi sumipot sa hearing sa kongreso tungkol sa mga alegasyon ng sex trafficking at mga paglabag sa prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI), sinabi ni Apollo Quiboloy na nagtago siya dahil nasa panganib ang kanyang buhay.

Sinabi niya na ang gobyerno ng Pilipinas at United States (U.S.) ay naglagay ng $2-milyong pabuya kapalit ng kanyang ulo at nagtutulungan sila para maalis siya sa pamamagitan ng rendition.” Wala itong basehan.

PAHAYAG

Ang SMNI, na pinaniniwalaang pag-aari ni Quiboloy, ay nag-upload sa channel nito sa YouTube ng isang naka-record na 37-minutong pahayag mula sa self-appointed na anak ng diyos noong Peb. 21, na nagsasabing:

…these are reliable sources na dumating sa akin na ayaw na raw po nila ng extradition treaty. Ang kanila daw pong gagawin, ng CIA, ng FBI, ng U.S. Embassy at State Department, kasabwat ng ating gobyerno, ng Pangulong Marcos at ng first lady at kung sino pa man ang nasa gobyerno, ako ay rendition ang kanilang gagawin.”

(“…dumating sa akin mula sa mga mapagkakatiwalaang source na ayaw na raw po nila ng extradition treaty. Ang kanila daw pong gagawin, ang CIA, ang FBI, ang US Embassy at State Department, kasabwat ng ating gobyerno, ng Pangulong Marcos at ng unang ginang at kung sino pa man ang nasa gobyerno, ako ay rendition ang kanilang gagawin.”)

Pinagmulan: Sonshine Media, WATCH: Full statement of Pastor Apollo C. Quiboloy | February 21, 2024, Peb. 21, 2024, panoorin mula 5:10 hanggang 5:35

Idinagdag ng 73-anyos na si Quiboloy, na nasa listahan ng “most wanted” ng United States Federal Bureau for Investigation (FBI) dahil sa sex trafficking:

Inalis ninyo ang aming malayang pagpapahayag… pati ang liberty ko na, ang aking freedom, ang aking constitutional rights, wala na po… Nakapalibot sa amin ang mga CIA, alam namin yon. FBI, nandiyan din. Pinag-usapan na ito diyan sa State Department, at ang reliable sources na dumating sa akin, ang ulo ko po ngayon may patong na $2 million or P100 million ang ipinatong sa ulo ko. Baka iyan ay madagdagan pa kung may maunang makapatay sa akin.”

(“Inalis ninyo ang aming malayang pagpapahayag… pati ang kalayaan ko na, ang aking kalayaan, ang aking mga karapatan mula sa konstitusyon, wala na po… Nakapalibot sa amin ang mga CIA, alam namin yon. FBI, nandiyan din. Pinag-usapan na ito diyan sa State Department, at ang mapagkakatiwalaang sources na dumating sa akin, ang ulo ko po ngayon may patong na $2 milyon or P100 million ang ipinatong sa ulo ko. Baka iyan ay madagdagan pa kung may maunang makapatay sa akin.”)

Pinagmulan: panoorin mula 10:21 hanggang 11:07

ANG KATOTOHANAN

tinanggi ng FBI at ng Philippine National Police (PNP) na may pabuya para kay Quiboloy gayundin ang anumang plano para sa kanyang rendition o pagpatay.

Walang basehan ang pahayag ni Apollo Quiboloy na may pabuyang $2-milyon sa kanyang ulo at may iniutos na “rendition” ang mga gobyerno ng Pilipinas at Estados Unidos laban sa kanya. Itinanggi ng FBI at PNP na nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa mga bantang ito.

“Mayroong aktibong warrant of arrest para kay Mr. Quiboloy pero wala akong alam na alok na pabuya,” sinabi ni FBI Public Affairs Specialist Laura Eimiller sa GMA Integrated News.

Sinabi ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo sa isang press briefing noong Peb. 22, “Sa ngayon, maliban sa kanyang pahayag, wala pong natatanggap na impormasyon ang PNP tungkol sa banta sa kanyang buhay.”

Sa isang pahayag noong Peb. 21, sinabi ni Kanishka Gangopadhyay, tagapagsalita ng U.S. Embassy sa Manila, na: Sa loob ng mahigit isang dekada, si Apollo Quiboloy ay nasangkot sa mga seryosong pang-aabuso ng karapatang pantao, kabilang ang isang pattern ng sistematiko at malaganap na panggagahasa sa mga batang babae na kasing bata pa ng 11 taong gulang, at siya ay kasalukuyang nasa Federal Bureau of Investigation’s Most Wanted List.”

Dagdag pa niya, Kami ay may kumpiyansa na haharapin ni Quiboloy ang hustisya para sa kanyang mga karumal-dumal na krimen.”

BACKSTORY

Kasunod ng hindi pagsipot ni Quiboloy sa pagsisiyasat ng Senado noong Enero 23 sa mga alegasyon ng human trafficking, sexual abuse, karahasan at iba pang pang-aabuso laban sa self-styled founder ng naka-base sa Davao na Kingdom of Jesus Christ, ang Name Above Every Name church, ang kamara ay nagpadala sa kanya ng subpoena para humarap sa susunod na pampublikong pagdinig sa Marso 5.

Nagpadala rin ang House of Representatives kay Quiboloy ng summons noong Peb. 19, na nag-utos sa kanya na humarap sa isang hiwalay na inquiry sa mga umano’y paglabag sa prangkisa ng operator ng SMNI, ang Swara Sug Media Corp.

Si Quiboloy ay kinasuhan noong Nobyembre 2021 sa California dahil sa kanyang partisipasyon umano sa isang labor trafficking scheme na nagdala sa mga miyembro ng kanyang simbahan sa U.S. gamit ang visa na nakuha sa panlilinlang, pakikipagsabwatan sa sex trafficking, pandaraya at bulk cash smuggling, bukod sa iba pang akusasyon.

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

Mga Pinagmulan

GMA News Online, FBI denies $2-M bounty for Quiboloy’s arrest, Feb. 21, 2024

ANC 24/7, FBI denies Quiboloy’s claim of $2-M bounty for his arrest | ANC, Feb. 23, 2024

The Philippine Star, Quiboloy will face justice – US government, Feb. 22, 2024

U.S. Federal Bureau of Investigation, Apollo Carreon Quiboloy, Accessed Feb. 27, 2024

GMA News Online, PNP: No info on threat to Quiboloy’s life, Feb. 22, 2024

Manila Standard, No info on death threats against Quiboloy—PNP, Feb. 22, 2024

SunStar Philippines, PNP: No info on threats vs Quiboloy, Feb. 22, 2024

House of Representatives, House summons Quiboloy over SMNI franchise revocation bill, Feb. 19, 2024

Senate of the Philippines official YouTube page, Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality (January 23, 2024), Jan. 23, 2024

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.