Tinawag ni dating pangulong Rodrigo Duterte na “drug addict” si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sinabing kasama ang kanyang pangalan sa listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ito ay walang basehan.
PAHAYAG
Sa speech sa “One Nation, One Opposition” prayer rally sa Davao City noong Linggo, Enero 28, sinabi ni Duterte:
“Noong ako po ay mayor, pinakitaan ako ng evidence ng PDEA. Doon sa listahan, nandoon pangalan mo [Marcos].”
Pinagmulan: Rody Duterte Facebook Account, PRAYER RALLY Enero 28, 2024…, Enero 28, 2024, panoorin mula 3:33:34 hanggang 3:33:52
ANG KATOTOHANAN
Walang ipinakitang ebidensya si Duterte sa kanyang pahayag.
Noong Enero 29, nag-post ang PDEA ng pahayag sa Facebook page nito na nagpapasinungaling sa pahayag ni Duterte, na nagsasabing:
“Based on all the foregoing facts, the PDEA asserts that President Marcos Jr. is not and was never in its watchlist.”
(“Batay sa lahat ng naunang tinalakay na katotohanan, iginiit ng PDEA na si Pangulong Marcos Jr. ay wala at hindi kailanman nasa watchlist nito.”)
Pinagmulan: PDEA Top Stories, PDEA: PRESIDENT FERDINAND R MARCOS JR WAS NEVER IN OUR WATCH LIST, Enero 29, 2024
Ang PDEA, na nasa ilalim ng Office of the President, ang pangunahing anti-drug enforcement agency. Aktibo itong nakikibahagi sa mga operasyon laban sa iligal na droga sa buong bansa, kabilang ang pangangalap ng intelligence, pagbuo ng mga kaso at pagsasagawa ng mga operasyon upang arestuhin ang mga lumalabag. Naghahanda ito ng narco-list, na kinabibilangan ng mga pangalan ng mga taong binabantayan dahil sa pagkakasangkot sa illegal drug trade.
Mayor ng Davao City si Duterte ng tatlong termino: mula 1988 hanggang 1998, 2001 hanggang 2010, at 2013 hanggang 2016.
Sinabi ng PDEA na ang watchlist, o ang National Drug Information System (NDIS), ay itinatag noong 2002, sa ikalawang termino ni Duterte bilang mayor. Ang NDIS ay nagsisilbing intelligence database para sa lahat ng indibidwal na kasangkot sa mga aktibidad na may kaugnayan sa droga, nangongolekta ng impormasyon mula sa iba’t ibang mga counterpart sa pagpapatupad ng batas at mga ahensya ng intelligence.
Sinabi pa ng PDEA na nang maupo si Duterte sa pagkapangulo noong 2016, inilabas niya ang isang listahan, na unang tinawag na “narco-list,” na tinatawag ding “Duterte list.” Sa paglipas ng panahon, ang listahang ito ay naging IDID (Inter-Agency Drug Information Database). Naninindigan ang PDEA na tulad ng NDIS, hindi kailanman kasama sa IDID ang pangalan ni Marcos.
BACKSTORY
Sa isang panayam noong 2016 sa VERA Files Fact Check, binanggit ni PDEA Spokesperson Derrick Arnold Carreon na ang mga pagkakaiba sa mga narco-list ay maaaring nangyari noong nakaraan dahil sa kawalan ng “proseso ng adjudication.”
(Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Is the DILG vetting the narco-lists?)
Bahagi ng prosesong ito pagpupulong ng mga intelligence unit mula sa iba’t ibang ahensya para masuri kung ang isang pinaghihinalaang gumagamit ng droga ay aktibong kasangkot pa rin o kung ang kanilang pangalan ay dapat alisin sa listahan.
“Malalaman lang natin kapag naaresto na ang tao o kung may naisampa na kaso sa korte,” paliwanag ni Carreon.
Nabanggit din ni Carreon na, kung isasaalang-alang ang mga nakaraang kamalian sa mga narco-list, mahalagang isaalang-alang ang potensyal para sa pagkakamali ng tao sa kabila ng mga pagsisikap na maiwasan ito.
Ang huling beses na ibinunyag ni Duterte ang mga pangalan mula sa isang narco-list ay noong Marso 14, 2019, ilang mga buwan bago ang May mid-term elections. Si Marcos, na walang puwesto (sa gobyerno) noon at hindi tumatakbo para sa lokal na posisyon, ay hindi binanggit.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
PDEA Top Stories, PDEA: PRESIDENT FERDINAND R MARCOS JR WAS NEVER IN OUR WATCH LIST, January 29, 2024
Philippine Drug Enforcement Agency Website, Mandate and Functions, Accessed January 29, 2024
On Duterte revealing names of 46 “narco-politicians”
- Philippine News Agency, Duterte bares names of 46 gov’t officials linked to drugs, March 14, 2019
- Inquirer.net, Duterte exposes 46 ‘narco politicians,’ March 14, 2019
- CNN Philippines, Duterte tags politicians in ‘somewhat validated’ narco list, March 14, 2019
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)