Sinabi ng kandidato sa pagkapangulo na si Dr. Jose “Joey” Montemayor na ang bilang ng mga ganap na nabakunahan sa Pilipinas ay hindi pa umabot sa 30 milyon noong unang bahagi ng Marso. Ito ay hindi totoo.
Si Montemayor ay tutol sa sapilitang pagbabakuna.
Ang kanyang pahayag na ang mga bakuna sa COVID-19 ay maaari lamang “gumawa ng artificial immunity sa loob ng tatlong buwan,” kaya’t may pangangailangan ng booster shot, ay kulang din sa konteksto.
PAHAYAG
Sa isang panayam ng Politiko TV channel noong Marso 1, idinetalye ni Montemayor ang kanyang posisyon sa COVID-19 vaccination program ng gobyerno.
Bahagi ng sinabi niya:
“Alam niyo po, wala pang 30 million ang napabakunahan. Inflated ang figures nila … E bakit kung talagang marami — 76 million ang hindi vaccinated. In fact, ang vaccination is only artificial, it can only produce artificial immunity for three months kaya nga may booster e. Kasi kung talagang magbibigay ng herd immunity ‘yan, e ‘di dapat wala nang booster.”
(Alam niyo po, wala pang 30 milyon ang napabakunahan. Pinalaki ang bilang nila … E bakit kung talagang marami — 76 milyon ang hindi nabakunahan. Sa katunayan, ang pagbabakuna ay artipisyal lamang, maaari lamang itong makagawa ng artificial immunity sa loob ng tatlong buwan kaya nga may booster e. Kasi kung talagang magbibigay ng herd immunity ‘yan, e ‘di dapat wala nang booster.)
Pinagmulan: Politiko TV Channel, Balitang Sapol With Presidential Candidate Dr. Joey Montemayor, Marso 1, 2022, panoorin mula 8:46 hanggang 9:11
Ang episode ng Politiko TV na “Balitang Sapol” na may segment tungkol sa presidential aspirant ay live na ipinalabas sa Facebook page nito, na mayroong 992,932 followers. Ang video ay may maaaring makaabot sa 1.24 milyong users, batay sa social media monitoring tool na CrowdTangle.
Si Montemayor ay tumatakbo bilang pangulo sa ilalim ng Democratic Party of the Philippines. Ayon sa kanyang website, siya ay isang cardiologist, isang medical technologist, isang ekonomista, at isang abogado.
ANG KATOTOHANAN
Ipinapakita ng datos ng Department of Health (DOH) na higit sa 63.30 milyong Pilipino — dalawang beses na higit sa pahayag ni Montemayor — ang ganap na nabakunahan noong Marso 1.
Target ng gobyerno na mabakunahan ang 80%, o humigit-kumulang 88.8 milyon, ng kabuuang populasyon ng 111 milyong Pilipino. Nangangahulugan ito na humigit-kumulang 25.49 milyon ng target ang partially vaccinated o hindi pa nakakatanggap ng isang dosis.
Bilang tugon sa pahayag ng kandidato na ang mga naiulat na bilang ng nabakunahan ay “pinataas,” sinabi ng DOH na “pinaninindigan nito ang mga nakolektang datos na inilalabas tungkol sa bilang ng mga nabakunahang indibidwal sa bansa.”
“Ang data na ito ay nakolekta ng National Vaccination Operation Center sa pamamagitan ng mga listahang isinumite ng mga national vaccination sites sa buong bansa at isinangguni sa pamamagitan ng Vaccine Operation System,” sabi nito. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: What it takes to be ‘ready’ to roll out the COVID-19 vaccines)
Binigyang-diin ng ahensya na “lahat ng mga ulat ay sumasailalim sa pagpapatibay ng Centers for Health Development na siyang namamahala sa pagpapatupad, pagsubaybay at pag-uugnay ng mga patakaran at programang may kinalaman sa kalusugan sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan.”
Immunity na dulot ng bakuna
Pinabulaanan din ng mga eksperto sa kalusugan ang ipinahihiwatig ni Montemayor na ang proteksyon mula sa pagbabakuna ay pansamantala lamang, kaya naman nagbibigay ang bansa ng mga booster shot.
Ang booster ay isang karagdagang dosis na ibinibigay sa isang taong nakagawa ng sapat na proteksyon pagkatapos ng pagbabakuna upang “muling ilantad ang [kanilang] mga katawan sa bahagi ng bakuna na nagpoprotekta laban sa sakit.”
Ilang ahensya ng kalusugan, kabilang ang DOH ng Pilipinas, ang nagrekomenda ng mga booster dahil sa mga bagong variant of concern, tulad ng Omicron, na maaaring makaapekto sa pagiging epektibo ng bakuna.
(Basahin ang VERA FILES FACT SHEET: Bakit nahahawaan pa rin ng COVID-19 ang taong nabakunahan)
Pinahintulutan ng DOH at ng Food and Drug Administration ang mga booster para sa mga nasa hustong gulang na 18 taong gulang pataas nang hindi bababa sa tatlong buwan kasunod ng huling dosis ng alinman sa mga sumusunod na bakuna: AstraZeneca, Gamaleya Sputnik V, Gamaleya Sputnik Light, Moderna, Pfizer, Sinopharm, at Sinovac.
Ang mga nakatanggap ng isang dosis ng bakunang Janssen ay “maaaring makakuha ng mga booster shot ng hindi bababa sa dalawang buwan pagkatapos ng kanilang unang dosis,” ayon sa Health department.
Sa isang forum noong Marso 7, sinabi ni Dr. Nina Gloriani, tagapangulo ng Department of Science and Technology (DOST) Vaccine Expert Panel, na ang ikatlong dosis ay nagpapataas ng antibodies laban sa mas maraming variant ng COVID-19 at pinipigilan ang malubhang sakit at pagpapa-ospital.
Noong Marso 9, humigit-kumulang 10.67 milyong Pilipino ang nakatanggap ng ikatlong dosis ng COVID-19 jab. Kabilang dito ang 3.62 milyong frontliners sa mga mahahalagang sektor, 2.07 milyong katao na may comorbidities 1.87 milyong senior citizen, 1.20 milyong healthcare workers, 845,819 katao na mahihirap, at 1.05 milyon mula sa natitirang populasyon.
Gayunman, sinabi ng isang pangkat ng mga public health expert na binuo ng Meedan, isang global technology nonprofit, na habang ang immunity na dulot ng bakuna ay “nababawasan” sa paglipas ng panahon, “mas mataas pa rin ang immunity kaysa kung walang bakuna.”
Sa isang email sa VERA Files Fact Check, sinabi ng Meedan team: “Ang mga bakuna sa COVID-19 ay hindi lamang ginagamit upang maiwasan ang impeksyon mismo, ginagamit din ito upang maiwasan ang malubhang sakit at kamatayan. Sa paggawa nito, bababa ang mga impeksyon sa pangkalahatan.”
Bagama’t ang immunity ay maaaring magmula sa natural na impeksiyon, ipinaliwanag ni Dr. Melvin Sanicas, eksperto sa bakuna at senior medical director sa Clover Biopharmaceuticals, sa isang naunang panayam ng VERA Files Fact Check na “ang pagbabakuna ay nagdudulot ng mas matatag na immune response sa isang ligtas at kontroladong paraan.”
“Ang kaligtasan sa sakit mula sa virus ay napaka-inconsistent at nag-iiba nang husto mula sa [tao] patungo sa [tao] dahil hindi mo makontrol ang viral dose,” sabi ni Sanicas. (Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: PAO chief Acosta mali sa pagsabing ‘walang immunity’ laban sa COVID-19 ang mga nabakunahang indibidwal)
Ang mga awtoridad sa kalusugan ay patuloy na hinihimok ang publiko na magpabakuna at mag physical distancing, magsuot ng mask, at panatiliin ang tamang bentilasyon sa kanilang mga tahanan o saanman sila naroroon upang pigilan ang pagkalat ng virus.
“Upang ligtas na makamit ang herd immunity laban sa COVID-19, isang malaking proporsyon ng isang populasyon ang kailangang mabakunahan, na magpapababa sa kabuuang dami ng virus na maaaring kumalat sa buong populasyon,” sinabi sa Ingles ng DOH sa VERA Files Fact Check sa isang media release noong Marso 8.
“Sa patuloy na pag-aaral at pag-unlad sa mga pag-aaral ng ating mga bakuna sa COVID-19, mayroon pa ring mga kawalan ng katiyakan sa haba ng proteksyon,” sabi nito, at idinagdag na kung kailan maaaring makamit ng bansa ang “herd immunity” ay nananatiling hindi malinaw.
(Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Kailan matatapos ang COVID-19 pandemic?)
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Commission on Elections, List of Candidates
Joey Montemayor, About | Joey Montemayor for President
Department of Health, National COVID-19 Vaccination Dashboard
United Nations Population Fund, World Population Dashboard Philippines
Meedan Health Desk, How long does protection last after a COVID-19 vaccine?, March 9, 2022
Australian Government Department of Health, ATAGI recommendations on the use of a booster dose of COVID-19 vaccine, March 1, 2022
United States Centers for Disease Control and Prevention, COVID-19 Vaccine Booster Shots, Feb. 2, 2022
European Medicines Agency, EMA recommends authorisation of booster doses of Comirnaty from 12 years of age, Feb. 24, 2022
Meedan Health Desk, What is a booster vaccine, why is it needed, who’s eligible, and how does it work?, July 19, 2021
Department of Health, When Can I Take My Booster Shot?, Feb. 18, 2022
Health Technology Assessment Council, BOOSTER AND ADDITIONAL DOSE FOR THE PREVENTION OF COVID-19, Nov. 3, 2021
Department of Health, Townhall Meeting with Barangay Captains and Kagawad in Preparation for National Vaccination Day Part IV, March 7, 2022
Dr. Nina Gloriani, Updates on COVID19 Vaccines Effectiveness, March 7, 2022
Department of Health, COVID 19 FAQs
Department of Health, Media Release, March 8, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)