Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Robin Padilla mali sa pagsabing ‘nagdesisyon’ na ang SC sa isyu ng PDP-Laban chairmanship

WHAT WAS CLAIMED

Napagdesisyunan na ng Korte Suprema ang hindi pagkakaunawaan tungkol sa chairmanship sa pagitan ng dalawang paksyon sa Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Banay (PDP-Laban).

OUR VERDICT

Hindi totoo:

Ang pinag-aawayang pamunuan ng PDP-Laban sa 2022 elections ay hindi pa naisasampa sa Korte Suprema. Inaapela pa rin sa poll body ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na ideklara ang mga nasasakupan ng grupong pinamumunuan ni Alfonso Cusi, tulad ni Padilla, bilang “totoo at opisyal” na mga miyembro ng PDP-Laban para sa eleksyon ng 2022.

By VERA Files

Sep 23, 2022

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa pagdinig ng subcommittee ng Senado sa panukalang budget ng hudikatura para sa 2023, sinabi ni Sen. Robinhood Padilla na “nagpasya” na ang Korte Suprema sa isyu ng chairmanship sa pagitan ng dalawang paksyon sa Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Ito ay hindi totoo.

PAHAYAG

Sa takbo ng pagtatanong ni Padilla, inilarawan ng mambabatas, na kabilang sa isang paksyon ng partido, si dating pangulong Rodrigo Duterte bilang chairman ng PDP-Laban.

Ito ang nag-udyok kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, na ang ama ay co-founder ng PDP-Laban at namumuno sa kabilang paksyon, na tumindig sa pag-protesta at nagsabing:

“May binanggit na pangalan si Senador Padilla bilang chairman ng PDP-Laban at hindi iyon tama sa pagkakaalam ng representasyon na ito dahil ako ang chairman ng PDP-Laban, ang orihinal na partido ng PDP-Laban.”

 

Pinagmulan: Senate of the Philippines Official Youtube Channel, Committee on Finance – Subcommittee “A” (Sept. 19, 2022), Setyembre 19, 2022, panoorin mula 1:05:22 hanggang 1:05:39

Humingi ng tawad si Padilla at sinabing:

“Pasensya na po kasi ang alam ko, nadesisyunan na ng Korte Suprema na ang PDP-Laban eh ano — pasensya na po kayo. Wala po akong intensyon na makasagasa o ano.”

 

Pinagmulan: panoorin mula 1:06:51 hanggang 1:07:05

Muli namang itinama ni Pimentel ang kasamahan sa Senado at nilinaw na hindi pa umabot sa Korte Suprema ang alitan tungkol sa chairmanship ng partido.

ANG KATOTOHANAN

Ang hidwaan tungkol sa pamunuan ng PDP-Laban sa eleksyon 2022 ay hindi pa naisasampa sa Korte Suprema. Sa isang text message sa VERA Files Fact Check, sinabi ni Pimentel na ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na ideklara ang mga nasasakupan ng grupong pinamumunuan ni Alfonso Cusi, tulad ni Padilla, bilang “totoo at opisyal” na mga miyembro ng PDP-Laban para sa eleksyon ng 2022 ay inaapela pa rin sa poll body.

Sa magkaiba at hiwalay na isyu ng pamunuan din sa loob ng PDP-Laban noong 2019 mid-term elections, gayunpaman, kinilala ng pinakamataas na hukuman ang paksyon na pinamumunuan ni Pimentel at ang mga pinuno nito bilang mga lehitimong opisyal na “awtorisadong kumilos para at sa ngalan” ng partido sa botohan.

Ang desisyon ng SC ay lumabas matapos patalsikin si Pimentel ng isang grupo sa PDP-Laban na pinamumunuan ng abogadong si Rogelio Garcia bilang presidente ng partido kasama ng iba pang mga opisyal, at inihalal ang kanilang sarili sa isang pagpupulong noong Hulyo 2018.

Pinagtibay nito ang hatol ng Comelec noong Nobyembre 2018 na nagdeklara rin ng mga dokumentong may pangalan ni Pimentel bilang PDP-Laban chairman emeritus bilang “lehitimo” at “opisyal” na mga papeles ng partido para sa halalan noong 2019.

BACKSTORY

Ang PDP-Laban ay muling nahati sa dalawa noong ang mga miyembrong dumalo sa isang pagpupulong sa Clark, Pampanga ay inihalal si Cusi bilang “bagong presidente” ng partido noong Hulyo 17, 2021, at pagkatapos ay pinatalsik si dating senador Manny Pacquiao bilang pangulo.

Nangyari ito matapos ang sunud-sunod na pahayag ni Pacquiao kaugnay ng katiwalian sa administrasyong Duterte at ideklarang “kulang” ang ginagawa ng dating pangulo ng bansa sa problema sa West Philippine Sea.

Inihalal ng “orihinal” na pambansang konseho ng PDP-Laban si Pimentel bilang chairman ng partido noong Agosto 29, 2021 at inendorso ang kampanya ni Pacquiao para sa pagkapangulo sa pambansang halalan ngayong 2022. Suportado naman ng grupo ni Cusi si Ferdinand Marcos Jr.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Supreme Court of the Philippines, DCA Raul B. Villanueva is New Court Administrator, Marso 1, 2022

Supreme Court of the Philippines Public Information Office Twitter, Deputy Court Administrator Raul B. Villanueva has been appointed…, Marso 1, 2022

Senate of the Philippines Official Youtube Channel, Committee on Finance – Subcommittee “A” (September 19, 2022), Setyembre 19, 2022

CNN Philippines, Pimentel group prevails in PDP Laban row, Nobyembre 30, 2018

Inquirer.net, Comelec declares Pimentel’s group as the ‘legitimate’ PDP Laban, Nobyembre 30, 2018

Rappler, Pimentel group is legitimate PDP-Laban – Comelec, Nobyembre 30, 2018

Sa halalan 2022  

Supreme Court of the Philippines, Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Dayan, represented by Rogelio V. Garcia, National President Vs. Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Dayan, represented by Senator Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, and the Commission on Elections, Hunyo 18, 2019

Sa pagkakahati ng PDP-Laban noong 2018  

Sa pagkakahati ng PDP-Laban noong 2021

Kay Pacquaio  

Sa Pimentel PDP-Laban at endorsement

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.