Pumayag si Vice President Leni Robredo na maging co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) ilang oras lamang matapos sabihin ng Liberal Party (LP), na pinamumunuan ni Robredo, na hindi niya tatanggapin ang nasabing posisyon.
PAHAYAG
Sa harap ng mga miyembro ng media sa Office of the Vice President noong Nob. 6, sinabi ni Robredo:
“… sa dulo, ang pinakamahalagang konsiderasyon para sa akin ay simple lang: Kung ito ang pagkakataon para matigil ang patayan ng mga inosente at mapanagot ang kailangang managot, papasanin ko ito. Kaya tinatanggap ko ang trabaho na ibinigay sa akin ng pangulo”
Pinagmulan: VP Leni Robredo official Facebook page, Vice President Leni Robredo nakikipag-usap sa media, Nob. 6, 2019, panoorin mula 1:00 hanggang 1:24
FLIPFLOP
Sa isang pahayag na ipinadala sa mga mamamahayag sa pamamagitan ng email bandang 8:20 ng umaga at nai-post sa opisyal na website ng LP, malinaw na sinabi ni LP Spokesperson Erin Tañada:
“Tatanggihan ni VP Leni ang maging tau-tauhan sa giyera laban sa droga na nakaangkla sa pagpatay.”
Pinagmulan: Liberal Party, Tanada: Tatanggihan ni VP Leni ang maging tau-tauhan sa drug war na nakaangkla sa pagpatay, Nob. 6, 2019
Tinawag ang alok na ICAD post ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang “pag-amin” na ang madugong giyera ng gobyerno laban sa droga ay isang “kabiguan,” sinabi ni Tañada:
“Bakit tatanggapin ni VP Leni ang alok kung ang gusto pa ring mangyari ng gobyerno ay pumatay nang pumatay? Dahil unang-una, mali ang pumatay. At ramdam ni VP Leni ang ramdam ng mga biktima ng patayan…Hindi tatanggapin ni VP Leni ang alok na pumatay para sa huwad na war on drugs (giyera laban sa droga).”
Ilang oras pagkatapos ng anunsyo ng bise presidente, sinabi ni LP President Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na sinusuportahan ng partido ang desisyon ni Robredo.
Lumabas ang anunsyo ni Robredo isang araw matapos ilabas ng Malacañang ang memorandum ni Duterte, na may petsang Okt. 31, na opisyal na nagtatalaga sa kanya bilang co-chair ng ICAD, na kasalukuyang pinamumunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Nauna nang sinabi ng kanyang tagapagsalita na si Barry Gutierrez na ang posisyon na “may problema” dahil, aniya, hindi malinaw sa memorandum kung ano ang magiging mga kapangyarihan ni Robredo.
Una nang inalok ni Duterte kay Robredo na pangunahan ang giyera laban sa droga noong Okt. 28, isang linggo matapos sabihin ng huli sa isang pakikipanayam sa Reuters na ang kampanya ay “malinaw na hindi gumagana.”
Sinabi naman ng pangulo sa kanyang talumpati:
“Siya ang magdala. Tignan natin kung anong mangyari. Hindi ako makialam. Sige, gusto mo? Mas bright (matalino) ka? Sige. Ikaw. Subukan mo.”
Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office, Speech of President Rodrigo Roa Duterte during the oath-taking ceremony of the newly appointed government officials, Okt. 28, 2019, panoorin mula 16:18 hanggang 16:46
Mga Pinagmulan
VP Leni Robredo official Facebook page, Vice President Leni Robredo addresses the media, Nov. 6, 2019
Liberal Party, Tanada: Tatanggihan ni VP Leni ang maging tau-tauhan sa drug war na nakaangkla sa pagpatay, Nov. 6, 2019
Liberal Party, Statement of Sen. Francis “Kiko” Pangilinan on VP Leni accepting offer to co-chair inter-agency on anti-illegal drugs, Nov. 6, 2019
ABS-CBN News, ‘Handa ba kayo?’: Robredo accepts Duterte challenge to lead inter-agency committee vs. illegal drugs, Nov. 6, 2019
Inquirer.net, BREAKING: Robredo accepts Duterte’s drug czar post appointment, Nov. 6, 2019
Cebu Daily News, BREAKING: Robredo accepts Duterte’s drug czar appointment, Nov. 6, 2019
BusinessWorld, VP Robredo named co-chair of drug committee, Nov. 6, 2019
GMA News Online, Duterte designates Robredo as co-chair of inter-agency body vs. illegal drugs, Nov. 5, 2019
Rappler.com, Duterte names Robredo co-chair of inter-agency anti-illegal drugs body, Nov. 5, 2019
GMA News Online, Robredo camp: Duterte offer to VP ‘problematic’, Nov. 5, 2019
Rappler.com, Robredo spokesman scoffs at ‘empty, powerless’ anti-drug post, Nov. 5, 2019
Presidential Communications Operations Office, Speech of President Rodrigo Roa Duterte during the oath-taking ceremony of the newly appointed government officials, Oct. 28, 2019
Reuters, Philippine vice president says time for Duterte to halt failed drug war, Oct. 23, 2019
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)