Binigyan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ng masamang kahulugan ang positibong reaksyon ni Vice President Leni Robredo sa panukala ng isang senador na sumama siya kay Pangulong Rodrigo Duterte sa isang informative commercial (infomersyal) para palakasin ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
PAHAYAG
Sa May 26 Talk to the People broadcast, sinabi ni Roque sa pangulo na si Robredo ay “nagboluntaryo” na lumabas kasama niya (Duterte) sa isang vaccine infomercial, at binanggit na ito ay matapos niyang (Robredo) batikusin ang inoculation program ng gobyerno, partikular ang pagkiling nito sa mga bakunang gawa sa China. Sinabi ni Roque:
“…I think (Tingin ko) ngayon po, ngayong napapakita natin na dumadami na ang nagbabakuna, eh bigla namang nag-volunteer gusto raw niyang um-appear (lumabas) sa infomercial kasama kayo. Sa loob-loob ko, matapos tayong siraan nang siraan eh ngayong nagiging matagumpay ang ating vaccination eh makikisama ngayon ‘no.”
Idinagdag niya:
“…Ang sabi ko po eh I’m sure (sigurado akong) pag-aaralan ninyo kung anong kontribusyon na maibibigay ng partisipasyon ng ating Bise Presidente dahil alam naman po natin siya po ay isa sa pinakamaingay na kritiko sa lahat ng ating ginawa kasama dito sa vaccination (pagbabakuna). Although (Kahit) ang sabi po niya ‘fake news’ (pekeng balita) daw po ‘yan, pero iniisa-isa ko po lahat ang sinabi na niya tungkol sa ating mga vaccination program.”
Pinagmulan: RTVMalacanang, Meeting on COVID-19 Concerns and Talk to the People on COVID-19 5/26/2021, Mayo 26, 2021, panoorin mula 1:23:41 hanggang 1:24:24 (transcript)
Inulit ni Roque sa isang press briefing noong Mayo 27 na si Robredo ay “nagboluntaryo” na gumawa ng isang infomercial kasama si Duterte sa kabila ng pahayag ng kanyang tagapagsalita na si Barry Gutierrez, na sumang-ayon lamang siya sa isang panukala ng isang mambabatas.
ANG KATOTOHANAN
Taliwas sa pahayag ni Roque, hindi nagboluntaryo si Robredo. Nagpahayag lamang siya ng kanyang pag sang-ayon na lumabas sa isang vaccine infomercial kasama si Duterte bilang tugon sa panukala ni Sen. Joel Villanueva.
Sa isang pahayag noong Mayo 20, iminungkahi ni Villanueva na ang pangulo at bise presidente ay lumabas ng isang “joint public service announcement” upang “kumbinsihin” ang malaking bahagi ng populasyon na ang mga bakuna ay ligtas at upang kontrahin ang pagkalat ng disinformation, dahil na rin sa pareho na silang nabakunahan.
“Ito po ang tambalang nakikita nating mabisa na pangontra sa mga fake news (pekeng balita). Both are vaccine recipients and are living proof that vaccines do no harm (Pareho silang tumatanggap ng bakuna at buhay na patunay na ang mga bakuna ay hindi nakakasama),” sinabi ng mambabatas.
Ang panukala ni Villanueva ay bilang tugon sa plano ng Department of Health (DOH) na ipatupad ang isang “brand agnostic” policy kung saan hindi isiwalat ng gobyerno ang tatak ng bakuna na magagamit sa mga vaccination center upang maiwasan ang overcrowding at bawasan ang vaccine hesitancy. Ipinalutang ng DOH ang plano matapos sabihin ni Duterte noong Mayo 18 na ang mga Pilipino ay hindi dapat maging “mapili” kung alin brand ng bakuna ang gusto nila.
Sa episode ng kanyang lingguhang palabas sa radyo noong Mayo 23, positibo ang naging tugon ni Robredo sa panukala ni Villanueva, at sinasabing siya ay “bukas na bukas” sa pag gawa ng isang infomercial kasama si Duterte kung makakatulong itong mapalakas ang tiwala ng publiko sa mga COVID-19 vaccine.
Sinabi ni Robredo sa halong Ingles at Filipino:
“Bukas na bukas ako kung kailangan ‘yan para makatulong sa tiwala sa vaccine. Kahit anong oras … sabihin lang sa ‘kin kung anong gagawin ko, kelan, saan.”
Soure: DZXL 858, BISERBISYONG LENI – 05/23/2021 – 9:00 A.M, Mayo 23, 2021, panoorin mula 32:27 hanggang 32:43
Sinabi ni Robredo na ang kanyang tanggapan ay naglabas ng isang 6- na-minuto-49-segundong vaccine infomercial noong Peb. 10 kung saan hinimok niya ang publiko na magpabakuna at sinagot ang ilang mga katanungan tungkol sa mga vaccine development at programa ng pagbabakuna ng gobyerno.
Dagdag nito, tinawag ni Robredo na “pekeng balita” ang kanyang pagtutol umano sa CoronaVac, ang bakunang gawa sa China na dinebelop ng Sinovac Biotech Ltd. Sinabi niya na hinihiling lamang niya sa administrasyong Duterte na maayos na masiguro ang mga regulatory recommendation para sa halos 600,000 CoronaVac doses na ibinigay ng China bago ito ginamit, at ipaabot ang anumang impormasyon tungkol sa tatak ng bakuna sa publiko para maiwasan ang kalituhan.
Noong Pebrero, sinuportahan ni Robredo ang panawagan ng mga doktor ng Philippine General Hospital (PGH) at ng Health Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) sa gobyerno na kumuha muna ng isang “positibong rekomendasyon” para sa mga ibinigay na CoronaVac jabs, tulad ng kung ano ang kinakailangan para sa iba pang mga tatak, mula sa Health Technology Assessment Council (HTAC), isang tanggapan sa ilalim ng DOH na “nagbibigay [ng] teknikal na patnubay sa pinakamainam na paggamit ng mga teknolohiyang pangkalusugan.”
Sinabi ng mga doktor ng HPAAC at PGH na inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang CoronaVac para sa emergency use lamang sa mga malulusog na tao na may edad 18 hanggang 59, ngunit hindi para sa healthcare workers na exposed sa mga pasyente ng COVID-19 sa kabila ng pagiging top priority para sa COVID-19 vaccine.
Inirekomenda ng HTAC, na itinatag sa ilalim ng Republic Act 11223, o ang Universal Healthcare Act of 2013, noong Abril 8 ang paggamit ng CoronaVac, kahit na ginagamit ito ng gobyerno mula nang ilunsad ang programa ng pagbabakuna noong Marso 1. Binigyan ito ng emergency use authorization noong Peb. 22 para sa mga priority na sektor, kabilang ang mga medical frontliner at mga taong may mga comorbidity kasunod ng pag-apruba ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa paggamit nito sa mga healthcare worker.
Parehong nabakunahan na sina Duterte at Robredo ng una sa dalawang COVID-19 vaccine doses. Si Robredo ay nabakunahan ng AstraZeneca noong Mayo 19, habang si Duterte ay naturukan ng kanyang unang dosis ng Sinopharm — isang hindi pa naaprubahang bakuna sa Pilipinas — noong Mayo 3.
Mga Pinagmulan
RTVMalacanang, Meeting on COVID-19 Concerns and Talk to the People on COVID-19 5/26/2021, May 26, 2021
Presidential Communications Operations Office, Press Briefing of Presidential Spokesperson Harry Roque –, May 27, 2021
Statement of the vice president’s spokesperson
- Manila Bulletin, Robredo never ‘volunteered’ to do vaccine infomercial with Duterte, says spokesperson, May 27, 2021
- Inquirer.net, Lies! Robredo camp hits Roque infomercial blunder, admin agenda, May 27, 2021
- Philstar.com, OVP calls out Palace claim that Robredo suggested infomercial on vaccines, May 27, 2021
Senate of the Philippines, Press Release – Villanueva: DOH should adopt an ‘educate before you inoculate’ policy, May 20, 2021
CNN Philippines, Health Undersecretary Myrna Cabotaje | The Source, May 19, 2021
DZXL 858, BISERBISYONG LENI – 05/23/2021 – 9:00 A.M, May 23, 2021
Vice President Leni Robredo official YouTube channel, Usapang Bakuna with VP Leni Robredo, Feb. 10, 2021
Sinovac Biotech Ltd, official website, Accessed May 30, 2021
DZXL 858, BISERBISYONG LENI – 02/28/2021 – 9:00 A.M, Feb. 28, 2021
PGH Physicians’ Association, [PGH PA STATEMENT ON THE PLANNED ROLL OUT OF SINOVAC COVID-19 VACCINE], Feb. 27, 2021
HPAAC, On Sinovac: Urging our Leaders to await HTAC review and recommendation — Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 Feb. 24, 2021
Health Technology Assessment Council, Mission/Vision, Accessed May 30, 2021
Food and Drug Administration, Sinovac Emergency Use Authorization, Accessed May 30, 2021
Official Gazette, Republic Act No. 11223
Health Technology Assessment Council, SARS-CoV-2 Vaccine (Vero Cell), Inactivated [CoronaVac] for the prevention of COVID-19, April 8, 2021
IATF approves Sinovac for healthcare workers
- CNN Philippines, IATF approves use of Sinovac’s COVID-19 vaccine for health workers, Feb. 26, 2021
- Rappler.com, Experts approve Sinovac COVID-19 vaccine for health workers, Feb. 26, 2021
- Inquirer.net, https://newsinfo.inquirer.net/1400408/breaking-iatf-oks-sinovac-use-for-healthcare-workers-doh, Feb. 26, 2021
VP Leni Robredo official Facebook account, [Robredo vaccinated with AstraZeneca], May 19, 2021
Presidential Communications Operations Office, Photo Releases – Presidential Communications Operations Office, May 3, 2021
Philippine News Agency, Duterte gets Sinopharm jab, May 3, 2021
Food and Drug Administration, List of FDA issued Emergency Use Authorization – Food and Drug Administration, Accessed June 3, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)