Iminungkahi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na kasuhan ng murder ang mga indibidwal na nakakaranas ng mga sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ngunit ayaw mag quarantine. Umayon si Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit hindi sumang-ayon si Palace Spokesperson Harry Roque, na sinabing ang mga detalye ay hindi tugma sa mga elemento ng murder.
PAHAYAG
Sa magkakahiwalay na panayam sa media noong Hunyo 9, tinanong si Roque tungkol sa pagkiling ni Duterte sa pagsasampa ng reklamong murder laban sa mga taong nahawahan ng COVID-19 ngunit patuloy pa rin sa paglabas sa mga pampublikong lugar kahit na sila ay dapat nakabukod na.
Nang kapanayamin sa DZRH, sinabi ni Roque:
“Iyan po ay iminungkahi ni Sec. Sal Panelo. Pero alam ninyo naman po kaming mga abogado ay mayroon kaming mga isang milyong interpretasyon ng batas. Hindi ko po ina-agree-han iyong interpretation (interpretasyon) ni Sec. Sal Panelo, kasi kinakailangan po ng murder hindi lang intent pumatay, kinakailangan din po ng qualified circumstances kagaya ng treachery, ng abuse of strength na hindi po natin mapapatunayan doon sa mga taong nagkakalat ng sakit.”
Pinagmulan: DZRH News Official Facebook, Damdaming Bayan with Deo Macalma, Hunyo 9, 2021, panoorin mula 37:55 hanggang 38:26
Sa isa pang panayam sa ANC Headstart, muling sinabi ng tagapagsalita ng Palasyo na ang murder ay hindi tamang kasong kriminal na isampa laban sa mga lumalabang sa quarantine:
“I am with the opinion that perhaps reckless imprudence would be more on point rather than murder because murder: No. 1, you need definitely an intent to kill; and, No. 2, you need to have qualifying circumstances such as, you know, treachery, abuse of strength and all of that, which you can’t actually prove when you infect someone with a disease.”
(Sa palagay ko marahil ang reckless imprudence ang magiging higit na angkop kaysa sa murder dahil ang murder: Una, kailangan na may tiyak na balak na pumatay; at, pangalawa, kailangan magkaroon ng qualifying circumstances tulad ng, alam mo, treachery, abuse of strength at lahat ng iyon, na hindi mo talaga mapatunayan kapag hinawahan mo ang isang tao ng sakit.)
Pinagmulan: ANC 24/7 YouTube, Roque: Reckless imprudence charge more appropriate for health protocol violators, not murder, Hunyo 9, 2021, panoorin mula 0:45 hanggang 1:06
ANG KATOTOHANAN
Sa Talk to the People ni Duterte noong Hunyo 7, naglatag si Panelo ng apat na posibleng kasong kriminal na maaaring isampa laban sa mga lumalabag sa quarantine at mga lokal na opisyal na hindi nagpapatupad ng mga patakaran ng quarantine sa kanilang mga lugar na nasasakupan. Ang isa sa kanyang mga mungkahi ay ang kasuhan ng murder ang mga nahawahan ng COVID-19 na lumalabas at dahil dito nagkakalat ng virus:
“Pero kung alam niya po, pumunta siya sa isang lugar, alam niyang may sakit siya ng coronavirus at nakahawa siya at namatay, ay ‘yan po ay talagang sadyang pagpatay ‘yan. Papasok po ‘yan sa murder sapagkat intentional.”
Pinagmulan: RTVMalacanang, Kumusta Po Mahal Kong Kababayan | Meeting on COVID-19 Concerns and Talk to the People on COVID-19, Hunyo 8, 2021, panoorin mula 1:04:35 hanggang 1:04:52 (transcript)
Sinabi ni Panelo na ang mga nasabing kilos ay dapat maparusahan dahil sa posibleng maging sanhi ng pagkamatay ng iba pang mga nahawahan, lalo na iyong may mga pre-existing health condition o comorbidities. Sinabi ng mga awtoridad sa kalusugan, tulad ng Department of Health, na ang mga taong may comorbidities ang pinaka nasa panganib na kapitan ng COVID-19 virus.
Habang sinabi niyang ang murder ay maaaring ang pinakahuling posibleng kaso na maaaring isampa laban sa mga nagkakalat ng COVID-19, sinuportahan pa rin ni Duterte ang mungkahi ng kanyang chief legal counsel, at sinabi sa halong Ingles at Filipino:
“Tama ka, Sal… At iyong sabi mo murder, bagaman medyo malayo masyado sa isip ng tao ‘yan, pero ito ay posible. Kung alam niya na siya ay may sakit na COVID-19 at nagpapatuloy siya sa pagbabale-wala, papasyal-pasyal ka lang diyan, ikaw ay marahil kung ito ay sinasadya, malayo yan ngunit maaaring ito ay murder, sabi nga ni Sal. At kung hindi, iyang reckless imprudence ay talagang mas swak doon sa sitwasyon na ‘yon.”
Pinagmulan: panoorin mula 1:06:22 hanggang 1:07:00 (transcript)
Tinukoy ng Article 248 ng Revised Penal Code (RPC) ang murder bilang isang pagkilos o pagkakasala na ginawa ng isang indibidwal na nagkasala sa pagpatay sa ibang tao, maliban sa isang miyembro ng pamilya o malapit na kamag-anak, na may parusang pagkakabilanggo na hindi bababa sa 20 taon at isang araw hanggang sa 40 taon. Para ang pagpatay ay maituturing na murder, ang mga sumusunod ay dapat mangyari:
- Katibayan na may premeditation (o pagpaplano);
- Paggamit ng mga paraan para mapahina o maiwasan ang pagtatanggol ng biktima;
- May pagtatraidor (o pagkakanulo ng pagtitiwala);
- Pagsasamantala sa nakahihigit na lakas, sa tulong ng mga armadong tauhan, o paggawa ng iba pang mga paraan para mapahina ang depensa o ng paraan o mga tao upang masiguro o makaya ng walang parusa;
- May pagsasaalang-alang ng presyo, gantimpala o pangako;
- Sa pamamagitan ng pagbaha, sunog, lason, pagsabog, paglubog ng barko, pagsadsad ng sasakyang-dagat, pagdiskaril o pag-atake sa sasakyan, pagbagsak ng sasakyang panghimpapawid;
- Paggamit ng mga sasakyang de-motor, o paggamit ng anumang iba pang mga paraan na may malaking pag-aaksaya at pagkasira;
- Sa okasyon ng alinmang mga kalamidad na binanggit sa naunang talata, o ng isang lindol, pagsabog ng bulkan, mapanirang bagyo, epidemya, o anumang iba pang kalamidad; at
- May kalupitan, sa pamamagitan ng sadya at hindi makataong pagdaragdag ng pagdurusa sa biktima, o paglalapastangan o panunuya sa kanyang pagkatao o bangkay.
Sa kabilang banda, ang reckless imprudence ay binubuo ng kusang-loob, ngunit walang masamang hangarin, paggawa o pagkabigo na gumawa ng isang kilos na nagreresulta sa materyal na pinsala dahil sa hindi mapapatawad na kawalan ng pag-iingat sa bahagi ng indibidwal na gumagawa o hindi nagawa ang naturang pagkakasala. Isinasaalang-alang nito ang trabaho o hanapbuhay ng nagkasala, antas ng katalinuhan, pisikal na kondisyon at iba pang mga bagay-bagay hinggil sa mga tao, oras at lugar.
Ang indibidwal ay maaaring makulong ng hindi bababa sa isang buwan at isang araw hanggang apat na taon at dalawang buwan, isang parusa na mas mababa kaysa sa murder.
Isang linggo bago ang pangyayari, ang Department of Justice, Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police ay naglabas ng limang-pahinang joint memorandum kaugnay ng pamamahala sa mga paglabag sa mga health and safety ordinance at paglabag na nauugnay sa quarantine, na binabanggit ang mga lokal na ordinansa at batas, kasama ang RPC, bilang mga basehan.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
DZRH News Official Facebook, Damdaming Bayan with Deo Macalma, June 9, 2021
Presidential Communications Operations Office, Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Deo Macalma – Damdaming Bayan, DZRH, June 9, 2021
ANC 24/7 YouTube, Roque: Reckless imprudence charge more appropriate for health protocol violators, not murder, June 9, 2021
Presidential Communications Operations Office, Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Karen Davila (ANC – Headstart), DZRH, June 9, 2021
RTVMalacanang, Kumusta Po Mahal Kong Kababayan | Meeting on COVID-19 Concerns and Talk to the People on COVID-19, June 7, 2021
Presidential Communications Operations Office, Talk to the People of President Rodrigo Roa Duterte on Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), June 7, 2021
Department of Health’s Official Facebook page, Frequently Asked Questions on Priority Eligible Group A3: Controlled comorbidities, April 8, 2021
World Health Organization-Western Pacific, COVID-19: vulnerable and high risk groups, Retrieved on June 15, 2021
Centers for Disease Control and Prevention, COVID-19: Medical Conditions, May 13, 2021
Official Gazette of the Philippines, Act No. 3815: The Revised Penal Code, Art. 248 Murder, Dec. 8, 1930
Department of Justice, Crimes and Penalties : Section 2: Murder
Parole and Probation Administration, FAQ on Parole/Executive
Department of Justice, Joint Memorandum Circular No. 001: Guidelines Governing violations of health and safety ordinances, quarantine-related violations, and other related violations during the Public Health Emergency, May 31, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)