Pinabusisi ng isang Facebook user sa VERA Files Fact Check ang pahayag ni Palace Spokesperson Harry Roque na mas maliit ang pagbagsak ng survey rating ni Pangulong Rodrigo Duterte kumpara sa mga naunang presidente.
Aming sinuri; hindi tama ang pahayag.
PAHAYAG
Sa isang interview sa radyo noong Okt. 31, sinabi ni Roque:
“Sa lahat naman talaga bumababa ang acceptability level, e halos hindi bumaba etong si Presidente, no. Bagamat mayroong salungat na findings ang SWS at saka ang Pulse Asia, kung titingnan mong mabuti iyung mga pigura e ikukumpara mo sa lahat ng presidente mula kay Presidente Cory Aquino, siya pa rin ang pinakamaliit ang baba.”
Pinagkunan: DZMM Teleradyo: Duterte’s marching orders for Roque: ‘Do not lie,’ Okt. 31, 2017, panoorin mula 9:07 hanggang 9:26
FACT
Hindi sinusuportahan ng mga datos ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia, ang dalawang organisasyon ng pananaliksik na binanggit ni Roque, ang kanyang mga pahayag.
Mas mahusay ang mga unang survey rating ng ibang mga pangulo kaysa kay Duterte nang ikumpara sa kanilang mga marka pagkatapos ng isang taon.
Ang SWS ay naglalabas tuwing tatlong buwan ng net satisfaction ratings, isang pagtatantya kung gaano nasisiyahan o hindi ang mga tao sa pangulo, mula pa noong administrasyon ni Corazon Aquino. Inilalabas rin nito ang net trust rating ng mga opisyal ng publiko, bagamat hindi regular.
Sina dating pangulong Fidel Ramos at Benigno “Noynoy” Aquino III ang may Pinakamaliit na pagbagsak sa kanilang SWS net satisfaction ratings, 4 percentage points sa kanilang unang taon sa Malacañang.
Ang net satisfaction rating ni Duterte ay bumaba ng 16 puntos sa kanyang unang taon, na mas malaki pa kaysa sa 8 puntos na pagbagsak ni Gloria Macapagal Arroyo sa magkatulad na panahon.
Bumagsak ng 17 puntos ang net satisfaction rating ni Corazon Aquino sa loob ng 17 buwan, habang si Joseph Estrada ay nawalan ng 32 puntos sa loob ng 13 buwan.
Samantala, ang Pulse Asia ay nagsimulang maglabas ng trust rating sa panguluhan noong termino ni Estrada. Sinusukat nito ang antas ng pagtitiwala ng publiko, at performance rating na sumusukat naman sa pag-apruba ng publiko sa mga opisyal ng pamahalaan.
Si Estrada ang nag-iisang pangulo na nagkaroon ng pagtaas ng trust rating, 1 punto, sa umpisa ng kanyang pagkapangulo.
Si Duterte ay nawalan ng 11 puntos sa kanyang trust rating sa loob ng 14 buwan, samantalang si Aquino ay nawalan ng anim at si Arroyo ay pito sa loob ng 13 buwan.
Sa performance rating, nawalan si Duterte ng 6 na puntos sa kanyang unang taon; si Aquino, pitong puntos sa loob ng 13 buwan; si Arroyo, anim na puntos sa loob ng 13 buwan; at si Estrada, 21 na puntos sa 14 na buwan.
Mga pinagkunan:
Social Weather Stations, Third Quarter 2017 Social Weather Survey: Pres. Duterte’s Net Satisfaction Rating falls to “Good” +48, Oct. 8, 2017
Pulse Asia, Comparative Performance and Trust Ratings of Presidents (May 1999 to September 2017)
Interview with Pulse Asia research director Ana Tabunda